Wednesday, March 10, 2010

USAPANG TUBIG AT KURYENTE

Tahasan nating sasabihin na kasalanan lahat ni Madam Senyora Donya Gloria ang suliranin ngayong kinahaharap nating lahat ukol sa tubig at kuryente.
Huwag nating kalimutan na siyam na taong nakaupo sa Malakanyang si Madam Gloria, bagama’t paninindigan nating iligal ang pag-ookupo niya ruon, pero ni isang dagdag na dam upang makaipon ng tubig habang panahon ng tag-ulan ay wala siyang nagawa.
Hindi naman maikakaila sa ating lahat lalo na siguro kay Madam Gloria na saksakan ng talino at aral pa nga sa Estados Unidos na palaki ng palaki ang populasyon ng ating bayan kaya palaki rin ng palaki ang pangangailangan ng tubig.
Hindi rin kayang itanggi ni Madam Gloria, sampu ng kanyang mga adviser at mga kakampi kagaya ni Money Villaroyo na may panahon talaga ng El Nino kung saan ilang buwang hindi umuulan rito sa atin.
Pero wala silang pakialam dahil sa kanilang mga naglalakihang mga tahanan ay meron rin silang mga naglalakihang mga tangke hindi lamang overhead (yun hong mataas pa sa bubong) kung hindi mga aquifer (mga tangkeng nakatago sa ilalim ng bahay o di kaya’y nakabaon sa lupa) at mga swimming pool na para sa Olympics.
Bukod pa rito ang istoryang ito na tiyak itatanggi nilang muli at sasabihing hindi totoo. Meron hong grupo na nais ayusin ang Laiban Dam diyan sa probinsiya ng Rizal pero naguluhan at nahilo ang dayuhang kumpanya sa dami ng dapat nilang kausapin.
Isa riyan ang grupo na galing raw kay Sir, meron naman na galing sa anak, meron pa na galing kay congressman, puwera pa ang kay senator. Aba, lumayas ang dayuhang kumpanya at ayaw ng bumalik.
Tungkol naman sa kuryente, pareho rin. Hindi naman po kailangang maging isang genius para malamang lalake ng lalake ang kailangan nating kuryente upang bigyan ng enerhiya ang mga kumpanya, pabrika, tahanan at mga opisina natin. Natural, lumalaki ang popolasyon lalake rin ang pangangailangan sa kuryente.
Pero ano ang ginawa ni Madam Gloria, nagpatumpik tumpik. Dahan dahan ang kilos dahil kailangang dumating ang panahong nagkakaroon ng brown outs para may dahilang umupa ng planta o di kaya’y pagawa ng bago at dahil emergency, apurahan, hindi na kailangan ng bidding.
Kung kaninong kaibigan, kakutsaba o kasabwat ibibigay madali at wala ng prosesong dadalhin. Ganuon katindi.
Ngayon, dahil sa galing ni Madam Gloria, tayo mga kababayan ang magdurusa.
******
Nasasaktan yata ng husto ang mga kasabwat ni Money Villaroyo sa mga sinusulat natin. Nagagalit at maaanghang ang mga salita. Isa lamang ho ang sagot ko sa inyo, hindi niyo ako kayang pigilan.
Obligasyon ko na ilabas ang katotohanan kaya walang pananakot o pagmumura ang makakapigil sa akin.
Tandaan niyo, hindi lahat nabibili, hindi lahat natatakot at higit sa lahat hindi lahat kagaya niyong si money ang diyos.

0 comments:

Post a Comment

Search This Blog

Loading...