May lumiham po sa ating isang dating Overseas Filipino Worker na nagtrabaho bilang caregiver sa Europa. Atin munang itatago ang kanyang pangalan upang proteksyonan siya laban sa pananakot o iba pang uri ng harassment na maaaring gawin ng kumpanyang binubulgar niya.
Ito po ang kanyang liham na pinadala pagkatapos nating sabihan na isulat niya ang kanyang kuwento:
“Ako po ay residente ng Siena Villas Subdivision na matatagpuan sa Bagumbong, Caloocan city. Nabili namin ito nuon pang 2006 at lumipat kami rito nuong Marso ng naturang taon.
Matagal ko na pong pangarap na magkaruon ng sariling bahay at kahit wala pang linya ng tubig ay lumipat kami rito. Nagtyaga kaming binibili ang tubig sa mga truck na nag dedeliver duon araw araw. Ang binabayaran namin ay P78 kada araw.
Inabot ring halos isang taon bago kami nakabitan ng linya ng tubig na siya namang kinatuwa namin. Buong akala namin ay hindi na namin kailangang bumili ng tubig at makakatipid pero diyan kami nagkamali.
Ang tubig na kinabit ay marumi at sabi sa amin hayaan muna ito para luminaw. Hanggang sa araw na ito hindi lumilinaw ang tubig at ng magreklamo kami muli ay sinabi nilang dahil galing raw ito sa deep well.
Kapag umuulan lalo pa itong dumudumi at matindi pa ay may masamang amoy. Ni hindi namin magamit itong pampaligo o maisabaw sa lutuin man lang dahil ito’y amoy kanal, iba ang kulay at halatang parang may putik o burak.
Pinagtyatyagaan na lamang namin gamitin ang tubig sa panlilinis ng paligid ng bahay o di kaya’y pandilig ng halaman. Lumalaki po tuloy ang aming gastos dahil patuloy kaming napipilitang bumili ng tubig hindi lamang para inumin kung hindi para sa paligo.
Alam naming pag ginamit namin ang tubig nila tiyak na magkakasakit kami dahil halata namang marumi ang tubig na sinusupply nila.
Kahit ho umuwi kami sa probinsiya ng isa o dalawang buwan upang bisitahin ang mga magulang ko ay tuloy ang bayad namin. May tinatawag silang maintenance fee na P236.50 para sa mga hindi gumamit ng tubig.
Isa pang suliranin namin ay halos lahat ng tahanan dito ay patuloy na tumutulo ang bubong. Nasisira ang mga kisame at kahit anong pakiusap namin para gawin nila ay binabalewala kami.
Hindi naman kami pinapayagan na pagawa sa iba ang rooftiles namin dahil ang nagkabit nito ay isang kumpanyang CPAC na siya ring maaari lamang magayos nito.
Sana ho matulungan niyo kami upang maging maayos man lang ang aking tirahan at kahit maliit ay may maipamana akong maayos na tahanan sa aking anak at apo.”
Pinuntahan natin ang lugar, kinuha natin ang resibo ng tubig at ang developer ng Siena Villas ay ------ Camella Homes, kumpanyang pag-aari ni Sen. Money Villaroyo – kandidatong tatapusin raw ang paghihirap. Ang nagsusupply naman ng tubig ay Prime Water Infrastructure Corporation, kumpanyang pagmamay-ari rin ng taong may panatang tapusin ang kahirapan.
Marami ho ang mga sumbong nakukuha natin. Mga galing sa walang pakialam sa pulitika na walang nais kung hindi magkaroon ng maayos na tahanan.
Mahal kasi niya ang mahihirap at mga ofws.
Friday, March 12, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment