Tama na umalis muna ng Pilipinas si Sen. Panfilo “Ping” Lacson habang pilit pa ring sinasakatuparan ng administrasyon at kanilang mga bataan ang puruhan siya at gamitin ang kasong pilit na kinakabit sa kanya.
Walang aasahang parehas na laban si Sen. Ping sa mga tauhan ni Madam Senyora Donya Gloria, lalo na kay (in)Justice Secretary Agnes Devanadera, kilalang paborito ni Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo.
Ilang buwan na ang nakaraan ay nilabas natin sa column na ito ang nakalap nating balita na may mataas pang taong personal na tumatawag kay Devanadera na nagiging dahilan ng pagtigil sa kanyang mga ginagawang meeting sa opisina.
Tuwing dumarating pa ang naturang tawag ay pinatatawag ni Devanadera ang ibang mga opisyal ng Department of (in)Justice at dadalhin ang usapan sa kasong Dacer – Corbito.
Bulong sa atin kamakailan ng isang taga DOJ ay isang ginoong super lapit kay Madam Gloria ang tumatawag na nagpapatindig kay Sec. Devanadera kahit sa telepono. Itago na lamang daw natin sa pangalang Sir Mike ang taong tumatawag na iyon.
Matindi ang pressure na gagawin sa sinumang involve sa naturang kaso at pilit na pinagsasabihan na kahit walang ebidensya ay kailangang idawit si Lacson na matindi raw ang galit ni Sir Mike.
Si Sen. Lacson ang siyang nagbulgar ng Jose Pidal, ZTE, jueteng payola, fertilizer scam, Hello Garci at maraming marami pang iba. Dahil diyan, matinding matindi ang galit sa kanya dahil bukod sa nabawasan sila ng kita ng daan daang milyong dolyares, binuking pa ang walang humpay na pagnanakaw hindi lamang ng mga opisyal ng kasalukuyang adminstrasyon kung hindi ng pamilya na iligal na nakatira sa Malakanyang.
Lahat ng patuloy na sumusubaybay sa kasong Dacer – Corbito ay alam na puro kasinungalingan ang pinagsasabi ng tanging testigo ng Malakanyang na tinuturo si Sen. Lacson.
Sinabi ni Cesar Mancao na deretso niyang narinig na inutos ni Sen. Ping ang pagpaslang kay Dacer at Corbito sa loob ng sasakyan nito kasama ang tatlong iba pa.
Itong kasinungalingang ito ay napatunayan sa korte ng tiniyak ni Mancao na naalala niya ang naturang araw at oras dahil nasa Estados Unidos si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada.
Nakalimutan kasi ni Mancao na wala si Sen. Ping nung panahong iyon dahil kasama siya sa Estados Unidos. Buking na buking ang kasinungalingan lalo na at ultimo records ng immigration at mga kasama sa biyahe ay nagpatunay nito. Kahit naman siguro anong galing ni Sen. Ping ay hindi niya kayang maging nasa US at Pilipinas ng sabay.
Kaso, tanging salita ni Mancao na obvious namang nabayaran nila dahil sumosobra dami ng salapi upang mangampanya sa sariling bayan sa Mindanao ang tanging magagamit kaya pilit na pinadala pa rin ang kaso sa Korte.
Pinipilit nilang isyuan ng warrant of arrest na non bailable si Sen. Lacson. Hanggang sa araw na ito wala pang warrant pero watch list na ang inutos ni Devanadera. Patunay na mabigat ang planong yariin si Sen. Lacson para huwag pamarisan at magsilbing panakot sa oposisyon.
Hanggang sa kahulihulihang sandali ayaw talaga magbago ng administrasyon ito.
Monday, February 8, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment