Wednesday, February 10, 2010

PAGLABAG SA BATAS AGAD GINAWA

Opisyal na ang umpisa ng panahon ng pangangampanya para sa lahat ng nais na tumakbo sa pagka Pangulo, Pangalawang Pangulo at Senador kaya asahan natin na marami na naman ang lalabagin ang batas lalo na tungkol sa pagpaparumi ng buong bayan sa pamamagitan ng mga posters nila na may naglalakihang mga mukha nilang tiyak nasusuka na tayo dahil sa dami ng mga ads nila na bumabaha sa telebisyon nitong nakaraang ilang buwan.
Komo umpisa na ang opisyal na panahon ng pangangampanya ay pantay pantay na ang panahong maaari nilang igugol sa ads kaya hindi na makakalamang si Sen. Manny Villar na sa huling kuwenta ay gumastos na ng mahigit isang bilyong piso para sa mga ads sa telebisyon. Kung tinulong na lang niya sa mahihirap ang perang ginastos niya.
Sa isyu naman ng posters, hindi dapat maglagay kung saan saan, hindi dapat gawing basurahan ang mga pader at mga poste natin at lalong hindi dapat tadtarin ng mga mukha ng mga pulitiko ang mga pribadong tahanan na wala namang magawa dahil didikitan na lang ng mga mamahaling sticker.
Pero hindi ito ang nangyayari, ilang taon ng sinasabi ng Comelec na bawal ito, ilang taon na ring may batas na dapat may lugar kung saan may posters pero panay ang palusot ng mga pulitikong nais daw maglingkod sa bayan.
Nagikot tayo sa ilang lugar sa Quezon city at matindi nito ang lumabag sa batas pero malabong kasuhan ng Comelec ay si Sen. Manny Villar at Sen. Richard Gordon na pawang kandidato sa pagkaPangulo. Si dating MMDA Chair Bayani Fernando naman at Sen. Loren Legarda na nais maging bise presidente ay lumabag rin.
Tadtad ng poster ni Gordon at BF ang Aurora blvd., sa ilalim ng LRT. Buong akala natin ayaw ni Gordon at ng katandem niyang si BF ng kalat. Masama pa nga ang pagkakadikit ng ilang poster kaya natatanggal na at malinaw na basura na ito.
Si Villar naman ay ginawang flag pole ang mga poste sa T. Morato na sinabitan ng mga bandera kung saan nakalagay ang mukha nila ni Sen. Legarda.
Matindi nito, gawa pa ang mga bandera sa plastic kaya pag nalaglag na ito ay sasama sa basura, aagusin ng tubig at babara sa ating mga kanal. Akala natin kakampi sila ng kalikasan. Iba pala, sisira pala ng kalikasan.
Pero pasalamat ho tayo kahit paano dahil El Nino ngayong taon kaya matagal pa ang tag-ulan. Kung hindi kasi, aba. baha ang gagawin nitong mga posters at bandera at tarpaulin ng mga magagaling nating mga pulitiko na hindi pa man din umaabuso na at nilalabag ang batas.
Ngayon pa lang, naitatanong natin, paano kung maging Pangulo si Villar o si Gordon at Bise President naman si Loren o si BF? Hindi pa sila Pangulo at Pangalawang Pangulo lumalabag na sila sa batas.
******
Mga kababayan, piliin natin ang tamang mamumuno sa atin. Huwag tayo pasisilaw sa pera at pekeng propaganda. Suriin maigi.

0 comments:

Post a Comment

Search This Blog

Loading...