Tama ang sinasabi ng Philippine Air Force na nuong dekada 60 hanggang sa dekada 70 ay isa tayo sa kinikilala sa buong mundo hindi lamang sa lakas kung hindi dahil sa galing ng ating mga piloto.
Katunayan ang tinatawag na Blue Diamond ay mga piloto ng ating Hukbong Himpapawid na hinangaan at pinagkakaguluhan kahit saang parte ng mundo sila nagpunta.
Karamihan sa kanila ay naging mga heneral. Kung tama nga ang pagkakaalala natin ay meron pang naging pinuno o Commanding General ng Philippine Air Force.
Kasabay kasi ng kisig ng ating mga pilot ay kagalingang paliparin at pagawin ng kakaibang mga taktika ang mga makabagong eroplano nuong panahong iyon.
Taon taon kung magsasagawa ng exhibition ang Blue Diamond o di kaya’y anniversary ng Philippine Air Force o ng Armed Forces of the Philippines ay dagsa ang mga piloto at opisyal ng ibang bansa.
Lahat sila manghang mangha sa atin pero unti unti ang gilas nating iyon ay nawala dahil ang mga magagaling nating mga opisyal ay binubulsa ang mga pambili ng modernong gamit ng ating sandatahang lakas.
Kesa mauwi sa AFP modernization ng mga Ampatuan ang nagawa ng administrasyon ni Madam Senyora Donya Gloria. Puwera pa ho rito ang armas ng ibang pribadong grupo na pawang mga kakampi at kaalyado nila.
Ang mga natitirang mga eroplano naman ay kinakahoy kaya ang mga ginagamit ng mga estudyante nating mga piloto ay mga tinatawag nating mga flying coffin. Mga eroplanong naghihintay na lamang bumagsak. Mga eroplanong kumitil sa buhay ng mga bata nating mga pilot na maganda sana ang kinabukasan.
Pinasok rin ng pulitika ang AFP kaya kahit na magaling ay hindi siyang na popromote. Inuuna ang mga kakampi ng administrasyon.
Magandang halimbawa rito ay ang paggamit ng mga operator ng Malakanyang sa mga eroplano ng Philippine Air Force nuong eleksyon ng 2004. Mga bata ni Hello Garci ang prioridad (sayang nga lang hindi na lang sila ang bumagsak sa crash) at ang ilang miyembro ng pamilya na ginawang bus ang Presidential Plane na under rin sa PAF kaya tuloy napilitan itong lumipad kahit na gabi sa Baguio.
Sa kasalukuyan, bulok na bulok ang mga eroplanong ginagamit natin. Marami diyan bigay pa ng Amerikano, gaya ng mga Huey na panahon pa ng giyera sa Vietnam ginamit. Iisa na lamang yata ang natitira C – 130 na dapat sana ay pag transport ng mga kailangan ng AFP o di kaya’y sa oras ng kalamidad pero paborito ring gawin sasakyan pang excursion ng mga abusadong opisyal na tanging katangian ay maging malapit sa palasyo ng Malakanyang.
Kulelat na tayo ngayon at darating ang oras na ultimo sarangola ay wala tayo upang ipagtanggol ang ating sarili. Gaya ng Philippine Navy, ultimo mga pirata ay kaya tayong iwan ng kanilang mga multi motorized na banca.
Ang bumagsak na Air Force plane ay panibagong pampagising sa atin. Kailangan natin ng isang pamahalaan na hindi magnanakaw at aayusin ang pamamalakad sa bansa.
Tandaan natin, kaawaawang PAF, kaawaawang Pilipinas.
Monday, February 8, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment