Guilty, iyan ang hatol ng Committee of the Whole ng Senado kay Senador Manny Villar tungkol sa kaso nitong singit at taga sa C – 5 road at matindi nito pinababalik pa sa kanya ang halagang P6.2 bilyong piso na pinanggawa niya ng kalye na nakinabang ay mga lupaing pag-aari niya at ng kanyang pamilya.
Sa desisyong ito, pinakita ng mga nag-imbistiga na mga senador sa pamumuno ni Senate President Juan Ponce Enrile, isang kilalang magaling na abogado, na lumabag si Villars a Code of Conduct and Ethical Standards ng mga Opisyal at Kawani ng Pamahalaan.
Sa madaling salita, umabuso siya at ginamit niya ang kanyang puwesto upang isulong ang sarili at pamilya – sariling interest.
Sa kasaysayan ng Senado, isang taong nasuspinde si dating Senate President Jose Avelino dahil sa kasong tax evasion. Nakilala rin ang naturang senador sa katagang “what are we in power for,” nuong 1949.
Ang yumaong Senador Rene Cayetano ay tinuligsa rin ng senado dahil sa mga komento nito sa kasong Vizconde massacre kung saan hayagan niyang binastos ang ating Saligang Batas. Si Cayetano ay naugnay rin sa B W Scandal at ama ni Sen. Alan Peter Cayetano, ang masugid na tagapagtanggol ni Sen. Villar na hindi man lang nagpapakita sa senado.
Ilang buwang inimbistigahan si Villar ng kanyang mga kasamahan, maraming mga opisyal ang pinatawag lalo na mga taga Department of Public Works and Highways dahil sa pag-rerealign ng malaking pondo ng gobyerno para pagawa ng mga daan sa mga lupaing binebenta ng mga kumpanyang pag-aari ni Villar o ng pamilya niya.
Ilan sa mga ari-arian ay Adelfa Properties Inc., Golden Haven Memorial Park at Azalea Real Estate Corporation na ngayon ay kilala bilang Brittany Corporation.
Dahil sa maniobra ni Villar, ang orihinal na plano ng C – 5 road extension na mula sa Manila – Cavite Roll Expressway ay kailangang baguhin upang dumaan sa mga ari – arian ni Villar. Siya rin ang nagmanipula upang mapondohan ang mga proyektong dadaan sa sariling mga lupain.
Matindi nito, mas mataas ang siningil ng mga Villar sa gobyerno para sa lupain nilang dadaan, ilang daang porsyentong mas mahal kesa sa lupaing pag-aari ng iba.
Siningit rin ni Villar ang P200 milyong piso sa 2008 national budget para sa C – 5 road at hinayaan pa niyang tutukan ito ni Anastacio Adriano Jr., isang opisyal ng kanyang kumpanya upang tiyaking matuloy ang naturang proyekto.
Naaksaya rin ang P1.8 bilyong piso ng gobyerno sa orihinal na C – 5 extension project dahil sa puwersahang pinaikot ang kalye sa mga properties ng mga Villar.
Malinaw na conflict of interest ang ginawa ni Villar at malinaw ring nilabag niya ito ayon pa sa report ng komite.
Umamin din si Adrian sa kanyang pagdalo sa hearing na nakinabang ang mga korporasyon ng mga Villar, isang dahilan na dapat patalsikin siya pero hindi magawa ng senado dahil hindi makuha ang 2/3 na boto na kailangan.
Hinaharang ito ng mga kaalyado ni Villar na ayaw humarap bagkus nagtatago sa saya ni Sen. Alan Peter Cayetano, Sen. Joker Arroy, Sen. Aquilino Pimentel at ilan pang mga kakamping obvious na nakikinabang sa kanya.
Wednesday, January 27, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment