Tama talaga tayo na parehong pareho ang kampo ni Madam Senyora Donya Gloria at ni Sen. Manny Villar dahil ultimo panaginip nila ay salapi, pera, kuwarta at ginto at iba pang mga bagay na hindi naman nila madadala sa hukay.
Buong loob nating masasabi ito dahil nitong nakaraang araw ay nakakatanggap tayo ng mga text messages sa mga obvious na kaalyado ng Hari ng Singit at Taga ng mga mensahe kung saan tinatablan pala sila ng mga batikos at nasasaktan kaya pinagbibintangan ang inyong lingkod na bayaran daw ng kampo ni Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III.
Ganun din ang ang mga mensahe sa text at e mail na natatanggap natin sa mga kaalyado ni Madam Gloria tuwing binabatikos natin sa mga anomalyang kinasasangkutan nila at ng amo nila.
Inamin pa sa atin mismo ng isang operator ng Malakanyang na sa kalasingan ay nagpasalamat pa sa inyong lingkod dahil sa mga kinita niya dahil sa mga banat na ginawa natin. Ayon kay Mr. C as in corrupt, siya ang isa sa namahala sa text brigade operation kung saan trabaho nilang takutin o di kaya’y banatan ang mga kritiko ng administration ni Madam Gloria.
Sa kasalukuyan, ganuong uri na naman ang mga text sa atin, mga galing sa pre paid number na hindi naman sumasagot pag tinatawagan. Mga text na nagsasabing bayaran daw tayo ng kampo ng anak ni Tita Cory at ng bayaning si Sen. Ninoy Aquino.
Malamang komo puro pera ang usapan nila at ultimo sa panaginip yun ang nasa sa isip nila, lahat ng tao akala nila ay pera ang kapalit sa lahat ng ginagawa.
Ang hindi nila naiisip, kung kagaya nila tayong mukhang kuwarta, aba sa kanila na tayo kakampi. Ilan sa mga kaalyado ni Villar ang kumausap sa atin at ineenganyo tayong sumama sa kanila.
Kaso kapag tinatanong natin sila tungkol sa Norzagaray, Laguna, C – 5 at iba pang mga kalokohan ng patron nila ay iiwas ang usapan at aalukin tayo ng puwesto sa gobyerno kapag nakatira na raw sa Malakanyang ang boss nila.
Bagay na hindi natin matatanggap dahil pagkatapos ng siyam na taong gobyernong walang ginawa kung hindi huthutan ang bayan at sipsiping parang bampira ang dugo ng sambayanan kailangan naman natin ng isang Pangulong hindi magnanakaw at hindi gagamitin ang opisina sa sariling kapakanan.
Sadsad na ho ang bayan natin pero hindi ito nangangahulugang sagad na ang pagkadapa natin. Kung magkakamali tayong muli at papayagang mamayagpag ang mga ganid sa puwesto, mas matinding hirap pa ang haharapin ng sambayanan.
Kailangan natin ng isang Pangulo ngayon pa lang tahasang sasabihing “hindi ako magnanakaw,” at gagawin ito. Isang Pangulong kaya panindigan ito dahil kailangan pangalagaan ang pangalan ng Ama at Ina na pawang nagpatunay na kaya nilang ibuwis ang buhay para sa bayan.
Huwag sana tayong magkamali muli dahil hirap na hirap na ang ating mga kababayan. Kailangan nating bumangon at ibalik ang respeto sa ating lahi.
Friday, January 29, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment