Wednesday, October 28, 2009

USAPANG ELEKYON PERO MAGHANDA SA PANDARAYA O GULO

Nitong nakaraang ilang buwan ay naglalabas ng survey ang Social Weather Station (SWS) kung saan halatang halata na may kinakatigan silang mga kandidato na nais nilang manalo pagdating ng araw ng eleksyon.
Ito nga ho pala ang grupo na naglabas ng exit polls nuong 2004 na nagsasabing mananalo si Madam Senyora Donya Gloria. Parehong kumpanya rin na nagsabing hindi mananalo si Sen. Antonio Trillanes.
Sa mga nakalipas na buwan naman ay hirit na naman ang grupong ito at pinangangalandakan ang resulta ng kanilang survey kung saan sinasabi nilang pinapipili nila ang kanilang mga nakakausap ng tatlong personalidad para sa posisyon ng Pangulo at tatlo rin para sa Pangalawang Pangulo.
Hindi ho tayo eksperto pero tanong natin agad, bakit tatlo ang pipiliin ng sinumang tinanong nila? Sa huling pagkakaalam natin ang Pangulo ng Republika ng Pilipinas ay iisa lamang at gayundin ang Pangalawang Pangulo.
So bakit kailangang mamili ng tatlo. Malinaw na may pinapaboran at lalong pangitang pangita na pabor ito sa mga nagbabayad ng survey.
Of course bukod pa rito ang tanong ko kahit sa mga kakilala kung kahit minsan natanong na sila ng mga nagsusurvey na ito? Wala pa tayong nakakausap na natanong, as in wala ni isa.
Malabo ang ginagawa nila dahil kinokondisyun nila ang utak ng sambayanan pero ang malinaw ay ang kinikita nila dahil milyon ang binabayad ng sinumang gustong magpasurvey.
Huwag tayo padala sa mga grupong ito. Malinaw na paraan ng panloloko ito hindi sila ang dapat magdikta kung sino ang nais nating mamuno. Nasa atin ang pagpili at hindi sa kanilang nagpapataba lamang ng bulsa.
******
Ang grupong Magdalo na pinamumunuan ni Sen. Antonio Trillanes, Gen. Danny Lim at mga kawal na buo ang loob lumaban kay Madam Senyora Donya Gloria ay nagpahayag ng suporta sa kandidatura ni Sen. Francis “Chiz” Escudero bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Nagtataglay ng malaking bilang ng mga sundalong nananatiling may pagmamahal sa bayan at handang labanan ang katiwalian, lalong lumalaki ang grupong ito dahil maraming sibilyang kapareho nila ang paninindigan ang sumasama sa kanila.
Malaking tulong ang maibibigay ng grupong Magdalo kay Sen. Chiz na alam nating sasamahan pa ng ilang mga grupo at personalidad na tunay na palaban sa katiwalian.
Habang papalapit ang eleksyon ay lilinaw kung sino ang tunay na oposisyon at sino ang tunay na nakikipaglaro sa administrasyon. Makikita rin sino ang lalaban sa katiwalian at sino ang kukunsinti rito pero higit sa lahat ay sino ang magbibigay ng tunay na pagbabagong magaahon sa ating mga kababayan mula sa kahirapan.
******
Eleksyon ang pinaguusapan natin pero hanggang sa araw ng halalan ay uulitin natin ang paalala sa lahat na magmanman/magmasid, bumoto ng sino ang makakabuti sa bayan at higit sa lahat humanda at labanan ang anumang paraang gagawin ng Malakanyang para makapandaya o di kaya’y pigilan ang eleksyon upang manatili sila sa puwesto.
Alam nilang kalaboso sila kung si Sen. Chiz o si Sen. Noynoy ang mananalo sa pagkaPangulo kaya lahat gagawin nila upang pigilan ito.
******
Para sa reaksyon text sa 09273893248 o bisitahin ang www.nixonkua.com

Friday, October 23, 2009

KAILAN TAYO GIGISING SA KATOTOHANAN

Naglabas ang Transparency International ng kanilang Global Corruption report kamakailan at tinukoy nila ang sampung pinaka corrupt na pinuno sa buong mundo.
Nakakalungkot pero sa sampung ito ay dalawa ang galing sa atin. Ang yumaong si Pangulong Ferdinand E. Marcos na namuno sa atin mula 1965 hanggang 1986 ang pangalawa ayon sa nasabing report. Tantiya ng naturang grupo nakapagnakaw si dating Pangulong Marcos ng $ 5 bilyon hanggang $ 10 bilyon.
Nauna lamang kay Ginoong Marcos si Mohamed Suharto ng Indonesia na ayon pa rin sa nasabing report ay nakakulimbat ng $15 bilyon hanggang $35 bilyon.
Pumangatlo si Mobutu Sese Seko na namuno naman ng bansang Zaire mula 1965 hanggang 1997. Tinatayang kumita siya ng mga $5 bilyon.
Kung ang unang dalawa ay namuno sa bansang nasa South East Asian, ang sumunod na dalawa naman ay galing sa Africa. Si Sani Abacha ay namuno sa Nigeria mula 1993 – 1998 at nakapagbulsa ng $2 bilyon hanggang $5 bilyon.
Panlima ay si Slobodan Milesovic, pinuno ng bansang Serbia (dating Yugoslavia) mula taong 1989 hanggang 2000. Kinurakot niya - $ 1 bilyon.
Si Jean Claude Duvalier na namuno sa Haiti mula 1971 hanggang 1986 ang ika-anim. Estimate sa hinuthot niya sa bayan niya ay $300 hanggang $ 800 milyon.
Ang mestisong hapong si Alberto Fujimori na siyang pinuno ng Peru ng sampung taon mula 1990 ay pang pito dahil sa humigit kumulang na $ 600 milyong ipinasok sa bulsa.
Hindi naman nagpatalo ang bansang Ukraine dahil si Pavlo Lazarenko na lider nila nuong 1996 hanggang 1997 ay kumulimbat ng $ 114 - $ 200 million.
Si Arnold Aleman ng Nicaragua ay ika – siyam dahil sa pagnanakaw ng $100 milyon mula 1997 hanggang 2002.
Sa ika sampu, isa muling Pinoy, si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada na $78 to $80 million dollars ang tantya nilang kinuha sa kaban ng bayan. Namuno siya mula 1998 hanggang 2001 kung kelan pinatalsik siya.
Nakulong pa siya pero nakalaya pagkatapos ng Presidential Pardon na binigay naman ni Madam Senyora Donya Gloria. Sa kasalukuyan, nais ni Erap bumalik sa Malakanyang.
Nakakahiya, sa sampung corrupt na dating mga pinuno, dalawa ay Pilipino. Mukhang hindi tayo nadadala at sa halalan sa isang taon hindi pa rin importante sa atin ang isyu ng corruption.
Malamang pa si Madam Gloria ang tanghaling kampeon nilang lahat. Asahan nating siya ang tatalo kay Suharto at maglalagay sa atin sa kasaysayan ng mundo bilang pinaka corrupt na bansa sa buong mundo.
Kasikatang hindi natin dapat naisin pero tinatanggap natin dahil sa ating patuloy na pagsasawalang kibo. Hindi tayo namimili ng pinunong malinis, bata, magaling at matalino.
Pinagpipilitan natin ang isang mayamang nagtatapon ng bilyon pero nanaising bawiin ito kapag nasa Malakanyang na. Tinitingnan rin natin ang isang kakutsaba at kapartido ni Madam Senyora Donya Gloria.
Pinapaboran din natin ang nanggaling sa maayos na angkan pero pinapaligiran ng mga negosyanteng walang gagawin kundi kopohin muli lahat ng pangunahing industriya na siyang pumapatay sa atin dahan dahan.
Kailan tayo magigising? Pag huli na ang lahat.

Tuesday, October 20, 2009

OPISYAL NA TATAKBO SA HALALAN DAPAT MAGBITIW

Malaking kalokohan ang pagkontra ni Romulo Macalintal sa resolusyon ng COMELEC hinggil sa “Forced Resignation” ng mga nais tumakbo sa 2010 elections sa kadahilanang para lamang daw ito sa maagang pag-iimprenta ng mga pangalan na ilalagay sa balota. Idinagdag pa niya na nakasaad sa Section 13 ng Republic Act 9369 na magiging opisyal na kandidato lamang ang isang nag-file ng Certificate of Candidacy (COC) sa oras na magbukas ang campaign period.
Iginiit din ni Atty. Macalintal na pabor ito sa mga opisyal na nahalal sa pwesto dahil maaari pa din sila manatili sa kanilang puwesto kahit matapos nila maipasa ang kanilang COC sa November 30. Ang mga appointed officials lamang ang saklaw ng “Forced Resignation” resolution na ito ng COMELEC.
Ngunit hindi sapat na dahilan ito upang baliktarin ang resoulusyon ng “Forced Resignation” na ang isang binabantayan nito ay ang maling paggamit ng pondo ng bayan para sa pangangampanya sa eleksyon. Ang resolusyong ito rin ay isang pamamaraan para ipatupad ang “transparency” sa mga opisyal ng pamahalaan na hindi nila ginagamit ang pondo ng bayan para sa kanilang sarili.
Madalas na din lang naman sabihin ng mga opisyal na pro-“transparency” sila, kaya ano naman ang problema nila sa resolusyong ito na isinulong ng Korte Suprema?
Isa na si Defense Secretary Gilbert Teodoro na nasabing dapat magbitiw sa oras na i-file nya ang kanyang kandidatura. Maaalalang inappoint siya ng Pangulo bilang Defense Chief. Hindi pa naman nya nai-papasa ang kanyan Certificate of Candidacy, kung kaya’t patuloy pa din ang kanyang termino bilang Defense Chief sa kasalukuyan.
Excempted naman sa resolusyon ang iba pang presidentiables na pawang mga elected officials at mga Senador; Chiz Escudero, Noynoy Aquino, at Manny Villar.
Matatandaang si Atty. Romulo Macalintal din ang election lawyer ng Pangulong Arroyo na minsan din ay nasangkot sa isang kaso na may kinalaman sa paggamit niya diumano ng pondo ng bayan para sa kanyang pagtakbo bilang presidente noong 2004. Masasabing ang resolusyong ito ng COMELEC ay para maiwasan ang isa na namang Fertilizer Fund Scam na mangyari.
Tulad din ng isyu sa Fertilizer scam, tinignan ang anggulo na nililikom ng mga tauhan ng Pangulo na nasa puwesto ang perang maaari nilang gamitin upang pantustos sa kanilang planong kampanya.
Sana ay hindi ito senyales na naghahanda na ang administrasyon para sa darating na eleksyon. Pumoposisyon na naman ba ang administrasyon para makalikom? Huwag naman sana.
Masyado bang mahirap hilingin na imbes na ang “Forced Resignation” ang tutukan, ay ituon na lang ang atensyon sa sinapit natin sa nagdaang dalawang bagyo? Hindi pa tayo lubos na nakakaahon, pulitika pa din ang puntirya nila?
(Nilalabas natin ng buong buo ang sulat sa atin ni Ric Ryan de Leon, former editor ng Sebastinian, pahayagan ng mga estudyante ng San Sebastian. Importante ang opinion ng kabataan at pinahahalagahan natin ito. Sa ibang nais mag bigay ng opinion, sulat lamang sa pamamagitan ng e mail o di kaya’y text. Ty.)

Monday, October 19, 2009

KAPLASTIKAN AT PAGSASAMANTALA

Kakasama ng loob ang ilan sa mga nais mamuno sa ating bansa. Kasama diyan ang mga nasa oposisyon at siyempre ang mga nasa administrasyon at mga kaalyado ni Madam Senyora Donya Gloria.
Pinuruhan na ang milyong milyong kababayan natin ni Ondoy at ni Pepeng pero pulitika pa rin ang kanilang mga hirit.
Lahat nagkukunwaring tumutulong pero ultimo ang pamimigay ng ilang balot ng instant noodles, sardinas, ilang kilong bigas at mga biscuit ay kailangan pang ipagsigawan sa buong bayan.
Matindi nito, kasabwat pa ang ilang media organisasyon na naghihiyaw sa tuwa sa mga panlilinlang nila sa publiko. Pinangangalandakan nila ang butihing puso ng mga taong ito na pagkatapos na pagkatapos mamigay ng tulong kuno ay maliligo ng alcohol at lalamun ng marami. Mabilaokan sana kayo.
Ilan naman sa kanila ay hinihintay pa ng media para magmukha silang mga bida. Of course kasama rito ang ilang mga artista na akala yata ay pelikula pa rin ang mga nangyaring kalamidad at sisipot sa set na late na.
Para sa iling mga artistang ito, kalokohan ang paniwala niyo na ang mga nagugutom ay mas matutuwa kung ang nagaabot ay sikat. Sa oras ng gutom hindi nakakain ng sambayanan ang kasikatan.
Sa maraming lugar na nasalanta ng dalawang bagyo kulang na kulang pa rin ang pangunahing pangangailangan ng mga kababayan natin. Kahit dagsa ang donasyon hindi lamang ng mga nasa pribadong sector sa atin kung hindi mga dayuhang pamahalaan at mga overseas Filipino workers, salat na salat pa rin ang mga biktima.
Dahilan, kung hindi ka plastikan ang pinaggagawa ng mga “magagaling” nating mga pinuno (pareho mga oposisyon at administrasyon) ay sinasamantala naman ng mga bataan nila ang mga donasyon.
Milyong dolyar ang pumasok na donasyon mula sa ating mga kababayang naninirahan sa ibang bansa. Milyong dolyar na rin ang tinulong ng mga dayuhang gobyerno pero tanong natin, nakuwenkuwenta ba maigi ang mga pondong ito.
Tama ang panukala ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na magkaroon ng dagdag budget ang pamahalaan para sa mga nasalanta at maganda rin ang panawagan ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na idagdag rin ang mga nakatagong budget ng administrasyon gaya ng P200 million pesos singit at taga ni Sen. Manuel “Manny” Villar.
Sana lang mabantayan maigi ito at hindi sa mga bulsa ng mga walang kaluluwa pumasok ang malaking salaping ito.
Nakikiusap ho tayo sa mga pinuno ng bansa pati sa mga nais mamuno, maging sinsero kayo sa pagtulong at huwag papogi lamang. Sa mga namumuno naman sa bansa, mula sa Malakanyang hanggang sa mga mayor, patawarin niyo naman ang mga para sa biktima. Busog na kayo, kahit ngayon lamang. Maawa naman kayo.

Wednesday, October 14, 2009

SA KRISIS NAKIKITA ANG TUNAY NA PINUNO

Kahanga hanga ang desisyon ni Senator Francis “Chiz” Escudero na ipagpaliban ang kanyang anusyo Lunes ng gabi tungkol sa plano niya sa 2010. Tama ang sinabi niya na hindi napapanahong pulitika ang usapan dahil sa matinding dalawang bagyong humagupit sa Luzon na kumitil ng daang buhay at sumira ng bilyong bilyong pisong ari-arian at pananim. Puwera pa ho dito ang patuloy na pagdurusa ng milyong milyon nating kababayan na nawalan ng tahanan at umaasa lamang sa mga relief operations upang may makain.
Kesa pagusapan ang plano para sa 2010, tinipon niya ang Nationalist People’s Coalition (NPC) na partido niya Lunes ng gabi upang maiging planuhin paano makatulong sa mga biktima ng dalawang bagyo.
Nagkasundo ang partido na itulak ng mga miyembrong kongresista ang karagdagang P12 bilyong pisong dagdag sa budget ng pamahalaan upang itulong sa mga nabiktima. Sana lamang talagang ituloy ng administrasyon ito at hindi mapunta sa bulsa ng mga corrupt na opisyal ni Madam Senyora Donya Gloria.
Panukala niya rin na ipasa na lamang sa semester na ito ang lahat ng mga estudyante sa nasalantang lugar dahil ang mga paaralan nila ay tinamaan din o ginagamit pang evacuation center. Naanod rin ng baha ang mga libro at notebook ng mga batang ito at mga uniporme at ibang gamit nila ay inanod rin ng baha.
Nanawagan siya sa Department of Agriculture na magbigay ng fertilizer at binhi sa mas mababang presyo para sa magsasaka upang mas madali silang makaahon sa inabot nila.
Gamitin ng Department of Labor and Employment ang emergency employment fund at bigyan ng prioridad ang mga biktima ng dalawang baha.
Magtagyo ng one stop shop ang GSIS, NSO, PhilHealth, SSS, Pag-IBIG, LTO, LRA at iba pang ahensiya ng gobyerno upang matulungan ang mga biktima na maagang maayos ang mga papeles nilang nawala.
Atasan ang Department of Public Works ang Highways, Armed Forces of the Philippines (AFP) Engineering Brigade, Metropolitan Development Authority to unahin ang pag repair ng dike sa Agno River upang maibsan ang muling pagbabaha kung sakaling kailangan muli magpawala ng tubig ang mga dam sa lugar. Kailangan ring tumulong ang mga naturang ahensiya sa paglilinis at paggawa ng mga kalye at mga tulay.
Nangako rin siyang tutulong sa paghahanda ng dimanda laban isasampa ng mga bitkima laban sa mga opisyal at kawani ng San Roque Dam na pinawalan ang bilyong litro ng tubig sa huling sandal (bakit nga naman hindi inagahan at dinahan dahan ito) na siyang dahilan ng malawakang pagbaha sa Northern at Central Luzon.
Sa ngayon siya lamang ang may konkretong panawagan o aksyong naipapayo. Lahat ng iba puro drama lamang sa telebisyon na kesyo namimigay ng tulong pero pulitika lamang ang habol.
Sa krisis makikita natin ang katangian ng isang tunay na pinuno.

Sunday, October 11, 2009

SAMPUNG SALITA NI MADAM GLORIA AT NI GIBO

Ilang mga kabataan ho ang nagbibidahan tungkol sa bagyong si Ondoy na naglubog sa malaking bahagi ng Metro Manila at napagkasunduan mula sa usapang iyon ang mga haka haka nila at kantiyaw tungkol kay Madam Gloria at Defense Secretary Gilbert Teodoro.
Hinimay nila ito at tinawag na unang sampung sinabi ni Madam Gloria:
10. Nasaan si Mikey? (balita kasi nuon sa isang blog site na habang sinasalanta tayo ni Ondoy, si Senyorito Mikey Arroyo ang namataas sa isang tindahan ng mamahaling alak).
9. Nasaan ba ang mga violet na boots ko, yung binigay sa akin ni Dinky? (Hindi ba naka violet na boots si Madam Gloria nuong araw ng baha at ang balitang nagbigay ng boots na iyon ay si dating Social Welfare Secretary Dinky Soliman. Wala na si Dinky kay Madam Gloria at isa ito sa Hyatt 10 na lumayas nuong kainitan ng Hello Garci scandal).
8. Talagang hindi ko dapat tinuloy ang lakad sa New York. (naalala ng marami ang P1 million peso na hapunan ni Madam Gloria sa Le Cirque sa New York dahil walang nagawa ang administrasyon sa mga biktima at natuklasang paubos na ang calamity fund).
7. Meron kayang pate (masarap at mamahaling pagkain na galing sa atay ng pato o di kaya’y ibang hayop) sa party ng LWUA (Local Water Utilities Administration na pinamumunuan ni dating Congressman Butch Pichay at kilalang kaalyado ni Madam Gloria. Tinuloy ang magarbong handaan at daang libo ang ginastos).
6. Gisingin si Gibo!
5. Bakit ayaw sumagot ng telepono si Gibo?
4. Ok na pala, kasalanan na raw ni Bayani (Fernando)
3. Rubber boats??? Akala ko kailangan nila ay Rubber Duckies?
2. Bakit ka maghahanap ng rubber boats eh mas magaling lumutang ang asawa ko.
1. at ang pinakahuli, glub glub glub!!! Nalulunod ako!!! Putik akala ko hanggang baywang lang ang tubig?
Iyan ho kay Madam ayon sa mga kabataang nakausap natin pero tinagalog ho natin dahil karamihan ay sa wikang English. Ang kay Gibo naman ay ang sumusunod:
10. Akala ko ibig sabihin ng BYOB ay Bring Your Own Boat (sa lengwahe ng mga bloggers o kabataan ang BYOB ay Bring your own bottle o inumin).
9. Malay ko ba na bumabaha sa Marikina?
8. Dapat sa isyu ng Abu Sayyaf na lang ako tumutok at hindi sa disaster.
7. Buti na lang di bumabaha sa Mindanao. (marami hong lugar sa Mindanao ang nanatiling lubog ilang linggo ng lumipas ang bagyong sa kanila naman tumama).
6. Ano nga uli ang number ni Bayani (Fernando)?
5. Ano na ang gagawin natin? Ano ang plano? Ah alam ko na tanungin ko ang Misis ko.
4. Sabi ni Ronnie (Puno, Interior and Local Government Secretary) hindi daw uulan eh!!!
3. Puwede pa kaya akong magsenador kay Noynoy (pinsan buo ni Gibo) o kay Chiz (dating kaPartido ni Gibo)?
2. Puwede ba akong tumawag sa isang kaibigan? (Baka iniisip niya laro ng Who Wants to be a millionaire?)
1. Okay lang yan, may susunod pa namang bagyo, praktis lang ito.

Wednesday, October 7, 2009

PULITIKONG KALBO KUMITA SA RADAR

Patuloy ang sisihan tungkol sa bahang naglubog sa malaking bahagi ng Metro Manila at mga karatig probinsiya. Ang bagyo naman sa Northern Luzon lalo na sa bandang Ilokos ay patuloy pa ring nananalanta.
Mabigat sa sisihang ito ay ang hindi raw pagbibigay ng tamang ulat ng Pagasa at ang kakulangan raw sa pagsasagawa ng babala ng ating pamahalaan.
Ilang taon na ang nakaraan at tuwing sumasapit ang panahon ng mga bagyo at tinatamaan tayo ng kalamidad ay sisihan ang nangyayari. Bintangan kaliwa’t kanan at kadalasan sinisisi ay ang Pagasa, ang ahensiya ng gobyerno na siyang may tungkulin tungkol sa takbo ng panahon sa atin.
Mahigit limang taon na ang nakaraan ng humiling ang Pagasa o weather bureau ng dagdag na modernong mga gamit na siyang tutulong sa kanilang maisagawa ang kanilang tungkulin.
Hindi ho suweldong dagdag ang hinihingi ng mga kawani ng naturang opisina, modernong gamit ang kanilang hinihiling na siyang ginagamit na ng mga karatig bansa natin.
Isa rito ay ang tinatawag nating Doppler radar na nagkakahalaga ng daang milyon bawa’t isa. Kaya nitong sukatin ang ulang dala ng bagyo at ilan pang mahahalagang bagay tungkol sa mga weather disturbances.
Kailangan natin ng mga lima nito at sinabi ito ng Pagasa.
Narinig sila ng pamahalaan ni Madam Senyora Donya Gloria, lalo na mga alipores niya na tumaginting agad ang mga utak dahil malaking halaga nga naman ito.
Kanya kanya sila ng kumpanyang kakampian. Iba iba ang hirit at sa totoo lamang pati ilang super lapit kay Madam Gloria at kay Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo ay nagkainterest “tumulong” sa proyekto.
Isipin niyo nga naman ang commission dito, daang milyon ang halaga kaya daang milyon rin maaaring umabot ang kunsu, ooops sorry, commission.
Ipitan rin sila ng ipitan at komo mga matitigas at malalapit kay Madam Gloria at kay Sir Miguel, ang naipit ay ang Pagasa. Hindi nila mai-award ang multi million peso na kontrata.
Ultimo sa hearing nila sa kongreso at senado, iniipit sila at tinatakot ng mga kaalyado na iba iba ang kakampi. Hilong hilo ang mga opisyal ng Pagasa at hindi malaman ang gagawin.
Wala namang tulong maibigay ang Malakanyang dahil wala naman silang silbi sa larangan ng pulitika o sa paggawa man lamang ng salapi.
Pagkaraan ng maraming bagyo nuong nakaraang taon ay napilitan ang Malakanyang na i-award ang kontrata. Hindi naman parang gulong ito ng kotse na madaling bilhin at yari na kaya hayan, dumating si Ondoy at si Pepeng pero wala pa rin tayo niyan.
Parating si Quedan, wala pa rin ayon sa Pagasa at maikakabit lamang ang una sa katapusan ng taon at makalipas ang ilan pang bagyo at bilyong ari-arian pa ang masisira at daang tao pa ang mamamatay.
Ang nagwagi ng kontrata, isang magaling na pulitikong buhay kahit na sinong Pangulo mula pa nuong panahon ng yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos. Matindi siya sa kontratang tungkol sa airport, defense at air force.
Kasalukuyan super lapit sa palasyo at kasama sa mga kumain ng P1 milyong pisong hapunan ang pulitikong ito na magaling mag-share sa palasyo.
Sino siya? Kayo humula basta nakakalbo na siya. Hehehe!!!

Friday, October 2, 2009

MAGTULUNGAN NA LANG TAYO

Habang sinusulat natin ito ay bumubuhos na naman ang ulan. Hindi tayo eksperto kaya hindi natin alam kung ito ay dala ng bagong bagyo o low pressure area ito. Sana lang hindi magpatuloy ang ulan na ito at tumila na lang agad.
Marami sa mga kababayan natin sa mga evacuation center pa nakatira. Marami naman nagaayos pa ng kanilang tahanan at sinisikap isalba ang anumang maaari pang maisalba.
Iba naman nakikitira sa mga kamag-anak, kaibigan o kaya mga kakilalang binuksan ang kanilang tahanan para makatulong sa kapuwa. Isang kaibigan natin na malaki laki ang tahanan ay parang refugee center ang bahay.
Iba naman ay ang kani-kanilang opisina ang pinapayagang gawing pansamantalang tirahan ng mga empleyadong nawalan ng tahanan.
Marami kasing lugar sa iba’t ibang panig ng Metro Manila, lalo na ang Pasig, Marikina, Pateros, Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela ang lubog pa rin sa tubig. Ganuon din sa Bulacan, Antipolo at Cainta.
Hindi ho lahat nabanggit natin pero tiyak tayo maraming marami pa at lubhang walang magawa ang hindi preparadong gobyerno.
Kaso anuman ang gawin nating pagmumura, pagbabatikos o panunumpa sa kanila ay wala namang mangyayari. Ipunin na lang muna natin ang galit at tiyaka natin sila gantihan pagdating ng takdang panahon gaya ng halalan kung saan isuka natin lahat ng kandidato ni Madam Senyora Donya Gloria.
Sa ngayon, magtulung tulong tayo. Buksan natin ang ating mga tahanan at sa ating iba’t ibang paraan ay maibsan natin kahit na konti ang hirap na dinadanas ng ating mga kababayan.
Gayain natin ang ilang mga kababayan nating mga negosyante na namimigay ng relief goods sa mga biktimang ni Ondoy. Iba sa mga negosyante ay naghanap ng tahanan para sa kanilang mga empleyado at pamilya.
Mga doctor at nurses at may-ari ng mga ospital, baka maaari kayong magsagawa ng medical mission.
Mga hindi naman naapektuhan ng kalamidad na ito ay magdagdag ng konting napamili upang ipamahagi sa mga nasalanta. Puwede nating idaan ang tulong sa iba’t ibang ahensiya ng media gaya ng Philippine STAR o di kaya’y dalhin nating personal sa mga temporary settlement.
Iba naman ho ay buksan ang kanilang mga tahanan at payagang tumira ang mga kamag-anak o kaibigan na wala pang matirahan. Ang inyong lingkod po ay kumupkup ng isang pamilya sa maliit kong opisina. Maliit ang naitutulong natin pero paniwalaan niyo ho ako nakakataba ng puso.
Mga pulitiko naman kung tumutulong kayo hindi na ninyo dapat pinangangalandakan. Huwag niyo na balutin sa kulay orange, dilaw o anumang kulay ninyo. Huwag niyo na ring ilagay ang pangalan ninyo sa balutan. Tumulong na lang kayo at puwede ba tigil pulitika muna.
Purihin rin natin ang ating mga sundalo at pulis na hanggang sa oras na ito ay patuloy ang ginagawang rescue and relief operation. Ganuon din sa mga sundalong Amerikano na siyang sumasalba sa marami nating mga kababayan.
Mga donasyon galing sa ibang bansa at mga negosyante nating mga Tsinoy na nagbigay ng malaking halaga upang itulong sa mga kababayan, maraming maraming salamat.
Marami pang ibang paraan, kanya kanyang style tayo pero importante, magtulungan tayo.

Search This Blog

Loading...