Thursday, May 28, 2009

ARTISTANG SEXY PINAIIMBISTIGAHAN NG PULITIKONG

Usapang showbiz na rin lang araw araw ang naririnig natin nitong nakaraang dalawang linggo dadagdagan na natin ito ng isa pang balita na bagamat chika ay pawang totoo lang.
Isang sikat na artistang sexy, hindi na natin sasabihin kung ito ay ka puso o ka pamilya at dating na link sa isang pulitikong taga show biz rin ang pinaiimbistigahan sa Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil raw sa hindi pagbabayad ng tamang buwis.
Ang nagutos pa raw na imbistigahan siya at personal na tumawag sa isang mataas na opisyal ng BIR ay dati niyang boylet na isang pulitikong taga Central Luzon. Matindi ang impluwensiya ng pulitikong ito at magaling rin kumita dahil kung regaluhan si artistang sexy ay mamahaling alahas, sasakyan at outright na binibigyan ng shopping money na nakalagay sa loob ng mga shopping bags ala pinamigay ng Malakanyang sa mga kongresista at gobernador nuon. Puwera pa rito ang sustento na dinadaan sa isang gambling lord.
Ang dati nga palang na link sa kanya na pulitikong taga showbiz ay taga rito rin sa Luzon, mukhang Southern Tagalog pa yata.
Kalat na kalat ang relasyon nila kahit na may asawa si pulitiko at inakala ng lahat na magtatagal ang dalawa dahil sa ibang bansa madalas pa silang nagtatagpo gaya ng Macau at Hongkong kung saan pati bodyguards ni pulitiko ay taga bitbit ng mga pinamili nito.
Kaso bukod sa super sexy at maganda at malambing ang artistang ito ay oozing with sex appeal talaga kaya hindi mapigilan ambisyonin ng maraming kalalakihan.
Hindi ito inaalala ng pulitikong ito dahil alam niyang marami nga ang maghahangad pero walang magkakaruon ng lakas ng loob na sulutin o pakialaman ang sexy actress. Matindi kasi ang lakas niya at alam ng lahat hindi lamang sa Luzon kung hindi sa Visayas at Mindanao pa.
Dahil diyan medyo napapabayaan niya ang seksing girlfriend niya. Bagama’t guloy ang sustento at regalo ng mamahaling bagay ay hindi niya naaasikaso ito ng husto. Kulang sa dilig at haplos ika nga.
Ang alindog ng sexy actress o ang sex appeal nito talagang hanep kaya laking gulat na lamang ng pulitiko ng matuklasan niyang may bago palang PAPA ang kanyang girlfriend. PAPA na mas maimpluwensiya sa kanya at hindi takot sa kanya.
Bukod sa tapang, impluwensiya at puwersa ng bagong PAPA ay mas mayaman pa ito at mas matindi kung magbigay ng regalo.
Ngitngit na ngitngit sa galit ang naiwanang pulitiko at wala siyang magawa sa bagong PAPA ng kanyang trophy girl. Sa lahat ng bagay mas lamang sa kanya ito bukod lamang sa idad at matindi pa nito wala siyang magagawa kung hindi manahimik dahil ang PAPAng bago ay walang iba kung hindi Daddy ni pulitiko na siyang tanging matapang sumulot.
Sa galit ni pulitikong sinulot ng kanyang erpat, inutusan niya ang isang mataas na opisyal ng BIR na imbistigahan at tsika babes, kaso tanong sa atin ng inutusan: “ano ang gagawin ko kung tawagan ako ng Erpat niya?”

Tuesday, May 26, 2009

SANA ANO, PERO MAKAPAL TALAGA

Malungkot na malungkot ang pinunong ito. Pilit siyang inuugnay sa pangungurakot. Kahit pamilya niya nadadamay at hinihiling ng sambayanan na sumagot siya sa mga maraming katanungang magbibigay linaw sa milyong milyong dolyar na salapi.
Matindi rin ang paghihirap ng mga kababayan niya at malaking kahihiyaan na ito sa mga kamag-anak. Lahat sila inuugnay sa pangungurakot.
Lubos na siyang nababagabag. Ni minsan hindi niya inisip na dungisan ang pangalan ng pamilya niya at pati mga kaibigan niya.
Maraming pagkakataon ang mga kapamilya niya at kapuso niya, pati mga kaibigan at kaalyado sa pulitika at inaaway ng sambayanan. Pilit silang tinatanong at pinagpapaliwanag pero magulo ang mga sagot. Meron pa nga yatang I’m Sorry pero hindi rin malinaw bakit nag-sosorry.
Kinonsiyensiya na siya ng husto kaya ginawa niya ang para sa kanya ang pinaka marangal na paraan. Plinano niya magbitiw sa trabaho, pero hindi ito kasagutan at kailangan niya pa rin harapin ang kasalanan niya.
Naisip niya ang para sa kanya pinaka marangal na paraan. May bangin malapit sa tahanan nila at mula ruon lumukso siya at binawian ng buhay agad agad.
Kakaibang pinuno. May delikadesa bagama’t hindi na sana nagpakamatay. Resignation will do ika nga sa wikang English.
Alam ko na ang iniisip niyo. Mga kakaiba ang ngiti, bawiin niyo ang mga kaligayahan niyo. Hindi ho rito sa atin ito. Sa South Korea ho ito kung saan ang isyung pinaguusapan ay $6 million dollars lamang, barya kung ikukumpara sa $330 million dollars na ZTE-NBN deal natin.
Matindi pa nito, ang nasabing halaga donasyon lamang, parang donasyon kay Jose Pidal na at iisang transaction lamang. Dito sa atin, pagkadami dami. Katotohanan, linggo linggo may bagong anomalya at ito ngang huli ay ang instant noodles ng para sa estudyante.
Sa kanila ho, merong delikadesa. Walang pakapalan. Resignation man lamang tanggapin na natin pero wala eh. Makapal talaga, sana lang dito sa atin pero aasa pa ba tayo? Malabo, pakapalan na rito sa atin. Tsk! Tsk! Tsk!
******
Pahabol lamang na komento sa video scandal na binulgar ni Sen. Ramon “Bong” Revilla. Dapat managot ang doctor, hindi na dapat ilabas ang pangalan ng mga kababaihang nabola niya, kawawa naman sila, naloko na, sinira pa.
Dapat bawiin ng lisensya at kasuhan upang pagbayaran ang kasalanan.
Pero higit sa lahat, sana kung si Dr. Hayden Kho na nangwalanghiya ng ilang kababaihan dapat parusahan, bakit ang mga magnanakaw sa gobyerno na milyong milyong Pilipino ang ginagahasa at pinapatay bakit nakakalusot.
Sen. Revilla tama kayo na dapat talaga managot si Dr. Hayden Kho. Pero hindi ba dapat tiyakin niyo rin na mananagot si Madam Senyora Donya Gloria at Sir Senyor Don Jose Miguel Pidal Arroyo. Eh si Sen. Manny Villar kailangan din usigin sa singit at taga. Lahat dapat hindi ang isa lamang.
Sinira ni Dr. Hayden Kho iilang tao pero ginahasa ng mga lider na walang kuwenta milyong Pilipino.

Friday, May 22, 2009

CORRUPTION

Isa sa isyung laging nagiging usapan tungkol sa pamahalaan ay pangungurakot o corruption. Sa tindi naman at dami ng mga kuwento tungkol dito mula sa ordinaryong pangongotong ng mga pulis sa mga driver hanggang sa mga mala Goliath na kontrata gaya ng NBN ZTE deal at fertilizer scam ay nagiging manhid ang mga kababayan natin at marami ay sinasabing wala ng magagawa dito at kahit na sinoman ang pumalit ay ganuon din ang gagawin.
Dahil naman diyan sa ganuong paniniwala ay lumalakas ang loob ng mga corrupt lalo na kung makikita nilang tinitingala sila at hinahangaan dahil sa taglay na (nakaw na) yaman hindi lamang ng kanilang mga kapuwa corrupt kung hindi ng mga mamamayan pati kabataan na nagiging ambisyon ay manungkulan sa gobyerno upang magkamal din ng salapi at ari-arian.
Ito ho ang nakakatakot na nangyayari sa ating lipunan ngayon. Mga ugali na tuluyang sisira sa ating kinabukasan, lalo na ang ating mga kabataan.
Nakakalimutan natin na kahit na puwede kang mag-ambisyon at libre ang mangarap na pumalit sa mga walanghiyang mga ganid ay malabo mo silang mapalitan dahil hindi ho marunong mabusog ang mga buwitreng mga iyan.
Puwera pa ang sistema ngayon na ang ipapalit sa isang corrupt ay asawa niya, anak niya, kapatid niya, ama niya o ina niya. Minamana na ho ngayon na.
Ngayon kung nais niyo pa rin, aba malamang sumipsip na lang kayo at baka matapunan kayo ng tira tira nila pero habambuhay na lamang kayong alipin ng mga taong ito. Ating tandaan at uulitin, “walang alipin kung walang paaalipin.”
Lumalaki na rin ang bilang ng ating mga kababayan na nagsasawalang bahala na. Katuwiran nila kahit sino ipalit mo ganuon din ang gagawin. Nakakalimot ang mga taong ito na ang pagsasawalang kibo ay isang uri ng pangungunsinti.
Iyan ho ang isa sa dahilan bakit lalong lumalakas ang loob ng mga magnanakaw, nakakalusot sila.
Ilan naman sa kababayan natin ang tanging naiisip na paraan ay lumayas at mangibang bayan. Kaso sa mga nangyayaring krisis pinansiyal sa buong mundo, liliit rin ang bilang ng mga kababayan natin ang kanilang kukunin upang magtrabaho sa kanilang bayan. Problema pa nito, sa mga bansang pinupuntahan ng mga kababayan natin gaya ng Gitnang Silangan at mga mauunlad na bansa sa Asia ay hindi sila maaaring manatili ruon ng habambuhay. Pagkatapos ng kontrata nila pauuwiin sila.
Ang mga bansa naman na umaasa silang magkakaruon sila ng permanent residency na magiging citizen naman pagkaraan ng maraming taon ay naghihigpit na rin dahil sa hirap ng ekonomiya nila. Sarili nilang tao walang trabaho.
Mga kababayan, gumising sana tayo. Isa ho ang puno’t dulo ng suliranin ng ating bansa – corruption. Kung mawala o mabawasan lamang ito ay mangangahulugan na dagdag trabaho, dagdag pabahay, dagdag kalye, dagdag paaralan, dagdag libro at iba pang serbisyo ng gobyerno. Malilibre rin ang mga publikong ospital at higit sa lahat papasok ang mga namumuhunan at dadayuhin tayo ng mga turista na nais makita ang iba’t ibang magagandang lugar sa ating bayan.
Kailangan lamang nating gawin magkaisa laban sa corruption. Patalsikin mga corrupt, ikutya at ipaalam na bawal sila sa ating lipunan.

Tuesday, May 19, 2009

UMAAPAW PERO KAILAN MAIIPON

Nagkasakit ang isa sa apo ni Mang Juanito. Kahit gipit tinakbo nila sa ospital si Jenny na nakakain ng masama kaya nauwi sa lbm at pagsusuka. Anak si Jenny ng panganay na anak ni Mang Juanito na kaaalis lamang papuntang Saudi Arabia dalawang linggo pa lang ang nakakaraan.
Walang malapitan ang naiwang Ina ni Jenny, may mga utang pa sila sa ilang kaibigan at kamag-anak sa laki ng placement ng asawa. Malaki ang babayaran sa ospital at hindi na ubra ang kanyang PhilHealth card dahil ilang buwan silang hindi nakakapaghulog dahil papaalis na nga naman ang asawa.
Walang magawa, natural tulong ang Lolo kahit na ang konting naipong pera ay para sana sa matrikula ng bunsong anak na graduating ng engineering ngayong taon.
Iyan ang dahilan bakit niya tinawagan ang inyong lingkod. Kailangan niya ng tulong dahil malabong makapasok ang graduating na anak. Sunud sunod ang gastos nila at ang anumang maliit na kinikita ng kanyang misis na nagtitinda sa palengke ay para sa pang-araw araw na pagkain lamang nila.
Ang ama naman ni Jenny kailangan pa magbayad ng utang kaya malaki sa susuwelduhin mauuwi lamang rito.
Kita ho kami diyan sa isang mall sa Makati. Niyaya ko siyang magkape man lang. Parang kapatid ho siya ni Papa.
Naupo kami sa labas ng coffee shop at hindi pa kami nagtagal ng biglang dating ang isang convoy ng mga magagarang sasakyan. Daming bodyguards at babaan ang mga vips, isang pamilya.
Isang mala Donyang babae ang bumaba kasama ang anak na babae. Bumaba lamang ang asawa na isang kilalang opisyal ng gobyerno. Nababalita ang galing sa pagsasaayos ng mga proyekto. Humalik lamang si boss na hinatid lamang pala ang asawa na may dalawa ring babaeng bodyguards.
Binalikan namin ang kape namin at tuloy ang kuwentuhan. Mga isang oras din kaming nagkuwentuhan at pagkatapos nuon kahit konti sinikap kong tulungan si Mang Juanito. Niyaya ko rin siyang sumabay para makatipid sa pamasahe at palakad na kami papunta parking ng mamataan namin ang mag-ina ng pulitikong kaalyado ni Madam Senyora Donya Gloria.
Ang dalawang bodyguards bitbit mga shopping bags na pawang mga libo libo ang halaga. Isa ay may sapatos na tiyak natin nagkakahalaga ng hindi bababa sa P20,000 isang pares. May bag naman na may damit na libo rin ang halaga at nakita ko pa ang isa na may imported na chocolate na hindi daang piso ang halaga kung hindi libo.
Naghihintay ang dalawa sa labas ng isang tindahan ng mamahaling relos at kitang kita namin na nagsusukat ng bagong relos ang anak. Walang ibang pinapapasok sa loob ng tindahan kundi ang magina. Relos ho rito mababa kalahating milyong piso bawat isa.
“Yaman talaga nila, dami nilang pang-gastos,” bulong ni Mang Juanito. “Si Junior napilitang iwan ang pamilya upang magtrabaho sa ibang bansa, si Mario hindi man lang makapag-enrol kung hindi ako mangungutang muli,” sambit sa atin ng hindi makapagpigil lumuhang si Mang Juanito.
“Magnanakaw, mandarambong, corrupt,” salitang binigkas ni Mang Juanito pagsakay namin sa sasakyan. Punung puno siya, umaapaw na ang galit.
Isa si Mang Juanito sa puno na, umaapaw na ang galit kaso kelan magiipon ipon ang umaapaw na ito? Hanggang kelan papaya ang sambayan? Tandaan natin walang maaapi kung walang paaapi.

Saturday, May 16, 2009

MANNY PACQUIAO FOR PRESIDENT

Miyerkules ay lumabas ang balitang mas malaki pa pala ang kinita ni pambansang kamao Manny Pacquiao kesa sa kabuuang total ng foreign investment dito sa atin. Lumalabas kasi na kumita si Pacquiao ng $12 million dollars mula sa laban niya kay Ricky Hatton samantalang ang pumasok na puhunan mula sa dayuhan nuong buwan ng Pebrero ay $16 million dollars.
Bagama’t mas malaki ang foreign investment ng $4 million dollars, hindi pa rito naisama ang ibabayad sa kanya sa pay per view na inaasahang magpapalaki ng kita niya ng mahigit sa dayuhang puhunan na pumasok nuong buwan ng Pebrero.
Kung palaki ng palaki ang kita ni Pacquiao at paliit naman ng paliit ang pagpasok ng pera mula sa mga dayuhang negosyante sa ating bansa. Nuong nakaraang taon buwan ng Pebrero ay pumasok ang $90 million dollars kumpara sa $16 million dollars sa taong ito.
Matindi pa nito ang kinita ni Pacquiao ay sa loob lamang ng anim na minuto dahil sa ikalawang round pa lamang ay pinatulog na niya si Hatton.
Aba mas magaling pa palang ekonomista itong si Pacquiao kesa kay Madam Senyora Donya Gloria na nag-aral pa sa ibang bansa at ang kanyang mga finance, trade and investment people na pawang mga magagaling mag-english at nagsipagaral sa ibang bansa.
Malaking kamalian talaga ang pag-appoint sa kanya bilang ambassador for peace at special assistant to the justice secretary for intelligence matter. Dapat ang gawin kay Pacquiao ay hirangin na lang bilang Finance, Trade and Investment at Neda Secretary.
Hamak na mas magaling siya kay Finance Secretary Margarito Teves, Trade and Investment Secretary Peter Favila at Neda Secretary Ralph Recto na tangi kong naaalalang nagawa ay pakasalan si Batangas Gov. Vilma Santos at ipasa ang expanded value added tax na siyang nagpapahirap sa atin hanggang ngayon.
Sa paraang ito, iisa pa ang mamumuno sa tatlong ahensiya at makakatipid pa tayo.
Kung ayaw naman nila, aba ay gawin na nating Pangulo ng Republika ng Pilipinas si Manny Pacquiao dahil kahit paano ang nabigay niya naman sa Pilipinas ay karangalan dahil sa husay niya sa boksing hindi kagaya ni Madam Senyora Donya Gloria na kaeskwela pa ni dating US President Bill Clinton pero pinakamatinding nagawa ay ilagay ang bayan sa taas ng listahan ng pinaka corrupt na bansa sa buong mundo. At least si Pacquiao nilagay tayo sa mapa ng sports.
Ang inyong lingkod po kung tatanungin kung sino ang pipiliing Pangulo ng bansa sa pagitan ni Manny Pacquiao at Madam Senyora Donya Gloria ay agad agad pipiliin ang boxing champion natin.
At least sa kanya, walang ZTE-NBN, walang fertilizer scam, walang Diosdado Macapidal este Macapagal Highway, walang swine scam at higit sa lahat hindi tayo isa sa pinakamagulong bansa at pinaka corrupt na bayan sa buong mundo.
Ano kayo mga kaibigan, payag ba kayo? Paquiao o Gloria?

Tuesday, May 12, 2009

MANNY HUWAG KA PAGAMIT

Lunes ho ay ginawang ambassador at special assistant for intelligence to the secretary of justice si Manny Pacquiao, ang ating pambansang kamao at tinuturing na pound for pound champion ng boxing sa kasalukuyan.
Walang duda na magaling si Pacquiao. Walang duda na binigyan niya ng karangalan ang bansa sa kanyang mga panalo, lalo na itong huling laban niya kung saan pinatulog niya sa ikalawang round si Ricky Hatton.
Dahil sa kanyang husay ay nakilala ang ating bansa. Natatakpan ang masamang imahe natin lalo na ang pagiging isa sa pinaka corrupt na bansa sa buong mundo. Isang kahihiyaan na dapat pagbayaran ng kasalukuyang rehimen.
Wala ring kuwestion na nagsisilbi siyang inspiration sa mga mahihirap nating kababayan na patuloy na nangangarap na makaahon sa kahirapan.
Lubos rin tayong naniniwala na dapat siya bigyan ng parangal pero hindi natin talaga maintindihan ano ang dahilan sa hirit na ito ni Madam Senyora Donya Gloria at ni Justice Secretary Raul Gonzales.
Ambassador? Baka puwede dahil kahit paano napapaganda niya ang imahe ng bansa pero medyo malabo pa rin.
Pero itong special assistant for intelligence to the justice secretary. Hindi natin malaman kung tayo ay iiyak, tatawa o tutunganga na lang. Nung una ko ngang marinig akala ko biro.
Malaking malaking kalokohan ito. Alam nating lahat ano ang background ni Pacquiao. Alam natin ano ang kakayahan niya. Siya mismo alam niya ano ang kaya niyang gawin.
Kung may dapat na ibigay sa kanyang appointment, sana iyong malapit sa sports. Gawin siyang Presidential Adviser on Sports o Boxing. Babagay sa kanya ito at kaya niyang gampanan, hindi itong kalokohan na ambassador at special assistant to the justice secretary.
Madam Senyora Donya Gloria at Sec. Gonzales, halatang ginagago niyo si Manny Pacquiao. Hindi niyo siya pinararangalan. Huwag niyo siyang gamitin. Huwag niyo siya idamay sa pulitikang bulok na ginagawa ninyo.
Kay Ginoong Pacquiao, pakiusap sana kung sakaling maaari kaming magbigay ng payo. Tanggihan niyo ang mga kalokohang appointment na ito. Huwag ka pagamit. Tumulong ka sa sambayanan, lalo na sa mga kabataang mahihirap na maaaring maiahon sa pamamagitan ng tamang training upang maging isang magaling na atleta. Tanggihan mo ang kalokohang ito!!!
******
Sistema ng anumang masamang pinuno o lider na gawing mangmang at masakitin ang sambayanan. Mas madali kasing hawakan at alipinin ang mahihina ang kalusugan at mapurol ang utak.
Iyan marahil ang dahilan bakit sa pamunuan ni Madam Senyora Donya Gloria ay pilit na ayaw alisin ang 12% expanded value added tax na pinapataw sa lahat ng gamot pati mga vitamins. Wala hong pinatatawad dito, bata o matanda, mayaman o mahirap, babae o lalaki.
Nais nilang maging mahina ang Pinoy dahil paano nga naman lalaban ang mahihina.
Pero di sila nagkakasya riyan. Ngayon nais na patawan rin ng evat ang mga importation ng lahat ng libro. Wala na silang gustong patawarin. Hindi lamang kikitain ang obvious na dahilan nila dahil gasino lang ba ang taxes sa libro.
Nais nila gawing mangmang ang Pilipino. Madaling apihin ang sambayanang masakitin at mahina ang ulo. Iyan lang ang dahilan.
Tanong lamang natin, hanggang kelan natin tatangapin ang kawalanghiyaang ito.

Friday, May 8, 2009

IBA'T IBANG ISYU

Dami nating kailangang pagusapan nitong mga nakaraang araw. Andyan ang pagkapanalo ni Manny Pacquiao na siyang patunay na ang Pinoy basta ginusto at magkakadisiplina ay hindi patatalo sa mga dayuhan.
Kung lahat tayo magkakaisa at hindi papayag na lokohin ng mga lider natin na walang ginawa kung hindi magnakaw at abusuhin ang kabaitan at mahabang pasensya ng sambayanan matitigil ang lahat ng ito at muli uunlad ang bansang Pilipinas at titingalain. Makakauwi rin ang milyong milyon nating mga kamag-anak at kamag-anak na napipilitang malayo sa pamilya upang kumita ng pera at masiguro ang kinabukasan ng kani-kanilang pamilya.
Huwag na natin pagusapan kung paano inawit ni Martin Nievera ang Lupang Hinirang, ang ating pambansang awit. Bagama’t medyo naiba ang interpretasyon niya rito, magaling naman at galing sa puso ang kanyang pag-awit. Mas masama ho rito ay kung kagaya ko ang await nito. Malamang batuhin tayo hindi lamang ng mga talunang mga British kundi lahat ng nanunuod dahil sa mala palaka kong boses. Hehehe.
Anyway, mas dapat natin alalahanin na halos sandaang mga pulitiko (senador, kongresista at mga mayor) ang bumiyahe papuntang Las Vegas upang manuod ng laban ni Pacquiao pero ang mga gastos charge sa kaban ng bayan. Sino ngayon ang makakapagsabi na walang nakawan tuwing may laban sa Pacquiao. Aba, habang ginugulpi ni Pacquiao si Hatton, patuloy ang panghuhuthot ng mga pulitikong corrupt sa sambayanang Pilipino.
Hindi rin napansin ang ginawa ng administrasyon ni Madam Senyora Donya Gloria kay Jun Lozada, isa sa nagkaroon ng lakas ng loob na isiwalat ang kanyang nalalaman tungkol sa ZTE NBN deal. Ang dalawang iba pang nagsiwalat nito ay si Jose De Venecia III at si Dante Madriaga. Paalala lang natin na may litrato pang nailabas kung saan kitang kita sa larawan si Madam Senyora Donya Gloria, si Sir Senyor Don Jose Miguel Pidal Arroyo at si dating Comelec Chairman Benjamin “Burjer” Abalos sa Zhenzhen, China.
Dinimanda ni Mike Defensor si Lozada at base naman sa isang warrant ay inaresto si Lozada ng mga matatapang na pulis Maynila gaya ng mga matatapang na pulis Quezon city na sobra sa “pagpapatupad ng tungkulin” at kahit sa ospital ay inaaresto ang mga inosenteng tao.
Kung talagang matapang ang mga pulis Maynila at pulis Quezon city na pawang mga miyembro naman ng PNP o Pulis ni Pidal at patunayan nila ito sa Mindanao. Sila sana ang paghanapin ng mga Abu Sayyaf.
Pero bago tayo lumayo, balikan natin si Jun Lozada na nais nilang ipitin pero ultimo ang Huwes ay na siyang didinig ng kaso ay nagsabing mali ang ginagawa ni Mike Defensor. Sabagay, pakialam ba ni ‘tol sa sambayanan, kahit naman talo siya ay ginawa pa rin siyang opisyal ng gobyerno, ang ama niya ay Kongresista at kapatid niya at nasa puwesto rin.
Daming isyu, nagtatakipan at nakakalimutan tuloy pero huwag nating palusutin ang biyahe ni Madam Senyora Donya Gloria sa Qatar at Egypt kung saan dapat makikipagkita siya kay Sen. Manny Villar na oposisyon raw. Kung hindi binulgar ng Channel 2 ang planong pagkikita at natuloy ito pero ang tanong muli, ano ba ang paguusapan nila. Sabi ni Villar oposisyon raw siya, kaya tanong natin muli, talaga. Hehehe.
Lahat iyan mga kaibigan tandaan natin, huwag tayong makalimot. Kailangan gumanti at ibangon ang karangalan ng sambayanan at kinabukasan ng ating kabataan.

Tuesday, May 5, 2009

SAGOT HINDI PALUSOT VILLAR

Sa nakaraan nating column ang naging paksa natin ay kahilingan natin kay Sen. Manny Villar na sagutin ang mga katanungan tungkol sa singit at taga at hindi mga palusot. Sa column nating ito, uulitin natin ang pamagat ng nakaraang column pero ididikit na natin ang pangalan niya dahil tipong hindi naririnig at ang pag bibingibingian at bulagbulagan ay nagiging paraan niya upang hindi sumagot at magpalusot.
Lunes ng umaga kasi nakinig tayo ng hearing ng senado tungkol sa kaso niya na double insertion na aksidente natuklasan ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson nung nakaraang budget hearing.
Sa hearing kahapon, dismayadong dismayado tayo kay Sen. Aquilino “Nene” Pimentel at Joker Arroyo na taong kilala natin na may mga parinsipyo pero nakuha na siguro ang halaga nila. Ika nga kasi sa English, everybody has a price.
Mistulang mga abogado ni Villar ang dalawa, hindi bale na si Sen. Alan Peter Cayetano na nuon pa natin natuklasang ka plastikan lamang ang padasal dasal niya. Sabi nga ng mga taga Taguig: “a Cayetano is for a Cayetano.”
Kahit na open na ang hearing at hindi na ang ethics committee ang dumidinig sa kaso ni Villar ay delaying effect pa rin si Pimentel at Joker na bagay na bagay ang pangalan. Hindi rin siguro tama ang kuwento ng Pinocchio na humahaba ang ilong pag nagsisinungaling ang tao, palagay ko ang lumalaki ay eye bag.
Anyway, ang nais nating marinig hindi mula kay Cayetano, Joker Arroyo (kasi siguro Arroyo) at kay Pimentel kung hindi kay Villar ay bakit inikot ang kalye sa laban ng mga subdivision niyo ng Department of Public Works and Highways. Nagmistulang ahas ito, inaahas niyo naman ang sambayanan.
Pangalawang tanong ay bakit mas mura ang bili ng ibang mga lupa sa paligid samantalang ang inyo ang mas mahal. Ito ba ay sa dahilang kayo ay isang Senador at ang Misis niyo ay isang Kongresista.
Pangatlong tanong, bakit bigla nilayo ang kalye samantalang milyon na ang binayad kay Bro. Mike Velarde kung saan lupa niya ang daraanan ng kalye. Biglang nalihis at naaksaya ang bayad, bakit ba?
Mga katanungan ho iyan na ayaw sagutin pero may bago tayong katanungan. Totoo bang bumiyahe kayo mag-asawa sa Spain kasama ng isang malaking negosyante at makikipagkita kay Madam Senyora Donya Gloria na nagtungo naman sa Qatar at Syria at tutuloy rin sa Bilbao, Spain na kasama rin ng isa pang negosyanteng may dugong dayuhan.
Business and politics all rolled into one yata ito. Totoo ba ang balitang ito pero higit sa lahat ano ba ang pag-uusapan ninyo. Immunity ba ang pangako niyo kay Madam Senyora Donya Gloria?
Mukhang ginigisa tayo sa sarili nating mantika ng mga taong ito lalo na itong si Villar na oposisyon raw pero kahit minsan hindi niya mabanatan si Madam Senyora Donya Gloria at si Sir Senyor Don Jose Miguel Pidal Arroyo.
Higit sa lahat, totoo ba ang pinagkakalat ng mga bata niyo na kaya madali niyong pina-impeach si dating Pangulong Joseph Estrada ay sa kadahilanang nagbigay kayo ng P200 million na donasyon dito kaya kayo ang kinampian niya bilang speaker sa mababang kapuluan. In short wala raw kayong utang na loob dahil binili niyo ito.
Muli, sagot ho hindi palusot ang hinihintay namin.

Friday, May 1, 2009

SAGOT HINDI PALUSOT

Umiinit na naman ang usapan tungkol sa “singit at taga” ni Sen. Manuel Villar dahil uumpisahan na ang imbistagsyon sa kanyang mga proyekto na tila unang makikinabang ay mga kumpanya na pag-aari ng pamilya niya.
Pinagpipilitan kasi ni Villar na hindi raw sa kanya ang mga lupang biglang nagkakaroon ng kalyeng magaganda pero galing naman sa pondo ng bayan. Ayon sa kanya, matagal na siyang nag divest ng ari-arian niya dahil senador na nga naman siya. Hindi niya nga lang inaamin ay pag-aari naman ang mga ito ng pamilya niya.
Anyway, isa sa matindi rito ay ang President Carlos Garcia highway o mas kilala bilang C -5 na natuklasan ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na may dobleng budget. Tinanong ni Sen. Lacson ang kasalukuyang Budget Secretary na si Rolando Andaya tungkol dito nuong nakaraang taon at laking gulat nila ng inamin nito na singit ito ng isang mambabatas.
Kinagalit ito ni Sen. Lacson dahil bakit nga naman pagbibintangan ang Kongreso at Senado kaya pinilit niya na ituro ni Andaya kung sino ito at ayun si Sen. Villar ang tinuro.
Dito nagumpisa ang alitan ng dalawa. Kesa paliwanag ni Villar ng maayos bakit nagdoble ito ay nagalit siya at nilayo ang isyu sa pamamagitan ng pagsasabi na pulitika lamang ang lahat ng ito. Nasundan pa ito ng mga lupain ni Villar na binili ng gobyerno sa halagang pagitan ng P15,000 to P40,000 kada square meter samantalang ang mga katabing lupa ay binibili lamang ng gobyerno sa halagang P4,000 hanggang P7,000. Obvious na may lamang, hindi patas ang laban at ang galing sa mahirap lalong pinahihirapan ang mahirap upang matiyak na hindi na maghihirap muli.
Dito naman pumasok si Sen. Jamby Madrigal na siyang nagbulgar ng iba pang mga anomaly tungkol sa mga lupa ni Villar lalo na ang pagpondo mula sa kaban ng bayan at pagikot ng mga kalye sa mga lupain ng pamilya ni Villar upang tiyaking tataas ang presyo nito.
Ngayong uumpisahan na ang hearing ng ethics committee na pinamumunuan ni Sen. Lacson ay lahat na naman ng palusot ginagawa ni Villar na ayaw sumagot. Ang mga bataan niya naman sa katauhan ni Sen. Alan Peter Cayetano at Joker Arroyo ay tinitira si Lacson dahil hindi raw ito parehas. Sali rin dito si Sen. Aquilino Pimentel na chuchuwa rink ay Villar ngayon.
Sen. Pimentel, bakit naman kung kelan kayo tumanda tiyaka kayo nagpakasira.
Kesa sagutin nila ang isyu ng singit at taga, tira ng tira ang kampo ni Villar kay Lacson.
Sen. Villar, Cayetano, Arroyo at Pimentel iisa ho ang isyu rito na dapat niyong sagutin.
Totoo bang mas mahal ang pagkakabili ng lupa ng mga Villar kesa sa kanilang mga kapitbahay? Totoo bang lumayo ang daan at lumaki ang gastos dahil umikot ito sa mga subdivision ng mga Villar? Totoong bang pondo ng gobyerno ang pinanggawa sa mga kalyeng ito?
Higit sa lahat, nakinabang ba ang mga Villar sa pondo ng gobyerno na si Sen. Manny Villar ang siyang nagpanukala?
Habang sinusulat natin ito, nag deklara si Villar na hindi siya dadalo sa anumang hearing kahit na nagpanukala si Sen. Lacson na buong senado ang didinig sa kaso niya at si Sen. Pres. Juan Ponce Enrile ang siyang mamumuno rito.
Palusot muli kahit na wala ng lusot, as usual sagot lang ho Sen. Villar ang kailangan ng bayan hindi palusot.

Search This Blog

Loading...