Friday, December 4, 2009

MGA KABALEN, ITAKWIL NIYO SI MADAM

Kumpirmado na, tatakbo si Madam Gloria bilang kongresista sa ikalawang distrito ng Pampanga. Naghain siya ng kanyang certificate of candidacy at meron pa silang drama na kunwari ay hinarana siya ng kanyang mga kabalen upang himuking tumakbo.
Nakiusap pa ang kanyang anak na si Senorito Miguel Mickey Arroyo. Muntik pa ngang magiyakan. Wow, baka naman sa darating na Metro Manila Film Festival kesa mga artista ang mabigyan ng acting award ay si Madam Senyora Donya Gloria ang maging best actress at si Senorito Mickey naman ang siyang mahirang na best supporting actor.
Sali niyo na rin sila Executive Secretary Eduardo Ermita at iba pang mga kaalyado nila. Huwag niyo rin kalimutan si Press Secretary Cerge Remonde dahil “sobra lungkot” niya at napatay ang halos tatlumpung mga media men ng mga kaalyado nilang mga Ampatuan.
Tipong napilitan lang pala itong si Madam Gloria pero ngayon naniniwala raw na hindi siya dapat tumigil sa pagserserbisyo sa mga kababayan, lalo na sa mga kapamilya, kamag-anak, kapuso, kakampi, kakutsaba, kapartido at higit sa lahat mga kasabwat.
Malungkot nito, walang tatalo sa kaniya dahil ang mga kababayan niyang mga kabalen, sa dahilang hindi natin maintindihan hanggang ngayon ay naniniwalang magaling siyang pinuno ng bayan. Kung ang pagbabasehan nila ay pagbisita sa lugar nila, tama sila, pero kung ang gagawin nilang batayan ay ang nangyayari sa bansa, may problema silang lahat dahil hindi nila naiisip ang kanilang mga anak at mga apo. Nakaklimutan nila na si Madam Gloria ang nagiwan at nagiiwan pa ng malaking utang at suliranin sa ating bayan.
Bagama’t mananalo siya, walang ubrang lumaban sa kanya lalo na at hawak niya ang Malakanyang, Comelec, PNP, AFP at iba pang ahensiya ng gobyerno, sana ay magkaroon ng milagro at magising ang mga kababayan natin at itakwil siya.
Hindi siya dapat palusutin dahil patuloy siyang maghahasik ng lagim sa atin. Sa dami ng kanyang salapi galing sa ZTE, Fertilizer Scam, Macapagal Highway at kung ano ano pa, patuloy niyang bibilhin ang mga kakutsaba at kasabwat niyang mga kongresista na siya namang itutulak ang pagbabago ng Saligang Batas at gagawing Parliamentary ang ating sistema. Aalisin sa atin ang karapatang mamili ng ating pinaka pinuno.
Kung iniisip niyo na hindi lulusot ito dahil hindi niya kontrolado ang senado, nagkakamali kayo, pagdating ng June 2010, lahat ng Justices ng Supreme Court ay utang sa kanya ang posisyon. Matindi pa nito, malamang na ang iupo niyang Chief Justice sa pag retire ng kasalukuyang Chief Justice ay si Corona na sunud sunuran sa kaniya.
Sa mga kababayan nating Kabalen, nakikiusap kami na itakwil niyo si Madam Gloria. Sa ating lahat naman, itakwil natin lahat ng kaalyado niya na tatakbong kongresista. Sa susunod na isyu ilalabas natin ang mga pangalan nila upang makita ninyo at huwag niyong iboto.
Kung meron kayong gustong idagdag, text niyo na ngayon pa lang para sa Miyerkules (araw na ilalathala ang sunod nating column) ay maihabol na natin.

0 comments:

Post a Comment

Search This Blog

Loading...