Friday, December 18, 2009

IMEE DAPAT UMATRAS

Mababasag ang tinatawag na solid north o Marcos vote dahil sa biglaang desisyon ni dating Congresswoman Imee Marcos na tumakbo bilang gobernador ng Ilokos Norte.
Gagawin niya ang hakbang na ito kahit na lalabanan niya ang pinsang buo niyang si Governor Michael Keon na pamilya rin ng mga Marcos ang nagpatakbo. Base sa mga nakakausap nating mga taga Ilokos Norte, kahit mga dating tauhan ng yumaong Pangulo, si Keon ay isang magaling at masipag na gobernador.
Marami ang nagulat sa ginawa niyang ito dahil ultimo si Imee ay nagsabi nuong 2007 na retirado na siya sa pulitika. Buong akala ng marami nuong 2007 na magpapalitan ng puwesto si Imee na Kongresista nuon at si Bongbong na gobernador naman.
Wala rin namang pinag-aawayan ang pamilya at kahit kailanman hindi pinabayaan ni Keon o pinabayaan ang mga kaalyado ng mga Marcos.
Ibinangon niya pa ang pangalan ng mga Marcoses dahil mahusay na administrador itong si Keon na bumabarkada pa sa mga kababayan na kahit kelan hindi ginawa ni Bongbong.
Tanging dahilan ni Imee sa desisyon niyang ito ay may sinabi raw si Keon na “tanging susuportahan lamang ng Ilokos Norte ay si Bongbong bilang senador at hindi kasali rito si Manny Villar na tatakbong Pangulo ang kaalyado ng anak ng yumaong Pangulo.”
Nag deny si Keon na sinabi niya ang ganuon pero hindi tinanggap ito ni Imee. Nagwawala siya at hiyang hiya raw sila kay Villar, isang bagay na hindi natin talaga maintindihan.
Sa ganuong kaliit na dahilan, nilabanan niya ang pinsan niya at masakit nito kaalyado niya pa na tatakbo sa isang distrito ng Ilokos Norte ay si Rudy Farinas na trinaydor ang kapatid niyang si Bongbong.
Naging personal pa ang away ni Farinas at ni Bongbong at nalagay pa sa panganib ang ilang mga loyal na tauhan ng mga Marcoses. May bata pa si Bongbong na napaslang at mga tauhan ni Farinas ang mga suspect.
Hindi raw aatras si Keon na masamang masama ang loob. Ang mga kababayan naman nila sa Ilokos Norte ay nakikita ang pagkakamali at pangaapi ni Imee.
Sa ginawa ni Imee, malinaw na malabong nagalit lamang siya dahil kay Villar. Pinakikita ni Imee na hanggang sa araw na ito ay nakakalimot siya na hindi na Pangulo ng Pilipinas ang kanyang ama.
Malinaw na arrogance ang pinakikita niya. Masamang ugaling dapat sana ay binasura niya na. Personal kong kaibigan si Imee at sana naman, huwag na siyang makigulo at tanggapin niya na kailangang magbigay sila at pagbigyan naman ng iba.
Monopolya sa kapangyarihan ang ginagawa nila at aapakan na lamang nila ang iba pati ang pinsang buo at magaling namang gobernador na si Michael Keon.
Kailangan magbigay si Imee kung hindi baka madamay pa si Bongbong at kesa manalo ay muling matalo uli sa hangad niyang maging senador.

0 comments:

Post a Comment

Search This Blog

Loading...