Si dating Vice President Teofisto Guingona Jr., si Bishop Julio Labayen, si Fr. Robert Reyes, Sen. Antonio Trillanes, Gen. Danilo Lim, mga kasamahan at mga miyembro ng media ay inaresto ng mga pulis at sundalo ni Madam Senyora Donya Gloria nung tinake-over ng mga miyembro ng Magdalo ang Manila Peninsula nung Nobyembre 29, 2007.
Lahat ng mga dinatnan sa loob ng hotel ng lusubin ito ng mga pulis at sundalo ay pinosasan, pati ang matandang si VP Guingona, Bishop Labayen at mga miyembro ng media na tanging kasalanan lamang ay gawin ang kanilang tungkulin.
Wala silang ginalang, ultimo mga matatanda, babae at miyembro ng PNP Press Corps.
Wala ring namatay sa naturang take over ng naturang five star hotel na hawak ng mga miyembro ng Magdalo sa pamumuno ni Gen. Danny Lim at Sen. Trillanes. Lalo namang wala ring nasugatan maliban sa ilang hinika dahil sa tear gas na tinapon ng mga umaatakeng puwersa ng administrasyon.
Ilang oras lamang ito at sumuko ang puwersa ni Lim at Trillanes upang hindi dumanak ng dugo. Kayang lumaban ng mga kasama nila Trillanes at Lim. Kung nagkataon, malamang maraming mga sundalo at pulis na sangayon sa prinsipyo nila ang maaaring sumaklolo sa kanila. Grabeng labanan ang mangyayari at magiging madugo ito dahil pare parehong armado.
Pero hindi ito pinayagan ni Trillanes at ni Lim, bilang mga sundalo alam nila ang mangyayari kung maglalaban laban ang mga kasamahan nilang mga sundalo.
Si Andal Ampatuan, Jr., anak ni Andal Ampatuan, Sr., ang siyang tinutukoy na mastermind sa pagpaslang ng 56 na katao sa Maguindanao kamakailan. Walang awang pinatay ang mga babae, matatanda at mga miyembro ng media na sumama lamang upang mag cover sa pag fifile ng kandidatura ni Vice Mayor Esmael Mangudadatu.
Kasama sa pinaslang ang asawa niya, mga kapatid at ilang mga kamag-anak na puro babae at mga miyembro ng media na pawang walang armas.
May balita pa na ginahasa ang mga bata batang babaing biktima bago sila paslangin ng mga walang kaluluwang killers.
Nuong inimbita siya ng mga awtoridad, sinundo siya ng matataas na opisyal ni Madam Senyora Donya Gloria. Pinayagan siyang magpalit muna ng maayos na damit, pinag impake, hinatid pa ng asawa at mga kamag-anak at sinakay pa sa helicopter ng gobyerno.
Pagdating sa airport, vip treatment pa rin siya at tiniyak ng mga tauhan ng administrasyon na kahit kelan hindi nilabag ang kanyang karapatan. Sa madaling salita, alagang alaga si Ampatuan at hindi pa siya hinihiwalayan ng kanyang mga abogado.
Base sa huling bilang nuong Lunes, 40 na ang abogado ni Ampatuan.
Nilipad siya sa Maynila sakay ng eroplano ng gobyerno uli at mula ruon sakay ng magarang sasakyan ay dinala sa National Bureau of Investigation (NBI). Sariling selda ang meron siya at pupustahan ko kayo special na pagkain pa ito. Wala lamang litson dahil bilang isang Muslim malamang naman hindi siya kumakain nito.
Iba talaga pag kaibigan ka ng administrasyon, lalo na kung kasali ka sa operasyong Hello Garci. Hello Garci, este Hello Glori pala.
Wednesday, December 2, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment