Wednesday, December 16, 2009

BOYSIE BELMONTE

Customs Collector si Ricardo “Boysie” Belmonte sa Port of Cebu. Kilala natin siyang personal nuong naka assign pa siya sa Ninoy Aquino International Airport at mababa pa lang ang puwesto niya.
Bagama’t alam natin na ang Bureau of Customs ay pugad ng mga kawatan at magnanakaw, isa si Boysie sa masasabi nating disente. Mabait at laging handang tumulong sa mga kababayan nating Overseas Filipino Workers (OFW) o kahit mga namasyal lang sa ibang bansa pero may inuwing dapat sana patawan ng tax.
Kung hindi pang benta at talaga namang pasalubong lamang gaya ng ilang pirasong t shirt ay pinalalampas niya na. Pero sa kaluwagan niyang ito, mahigpit rin naman siya kung ang dala namang t shirt ay ilang maleta na at ang may bitbit ay halos linggo linggo bumibiyahe ng Bangkok, Hongkong o iba pang bansang pinanggagalingan ng murang bilihin.
Pag dating naman sa isyu ng droga, kahit na isang gramo lang, asahan niyong siya pa ang magpupursiging humuli at magpakulong sa sinumang magtatangkang magpalusot nito papasok o papalabas ng bansa.
Ganyang rin siya pagdating sa mga baril, kahit sabihin niyong palabas ito at gagamitin ng mga criminal sa dayuhan, hinding hindi papayag si Boysie, para sa kanya buhay ang maaaring kitilin nito kaya hindi puwede. Matigas ang panindigan niya tungkol diyan.
Sa Cebu, epektibo si Boysie, nakukuha niya ang target collection. Hindi man 100 percent nawala ang smuggling, malaking porsyento ang napigilan niya. Nabago niya rin ang imahe ng naturang customs district na dati rati ay kilala sa pinakamalalang lusutan ng mga kontrabando.
May panahon pa nga na ultimo mga sasakyan ay nilulusot sa naturang customs port.
Kaso kamakailan, biglang inalis sa naturang position si Boysie. Sinibak siya sa madaling salita at nilipat sa opisina ng Customs Commissioner. Walang dahilan binigay.
Siyanga pala, ang customs collector sa malalaking district gaya ng Port of Manila, Cebu, Subic, Ninoy Aquino International Airport ay pawang mga appointee ng Malakanyang. Sa kasalukuyan, si Madam Senyora Donya Gloria ang siyang tanging pumipirma ng appointment paper nila gaya ng kay Boysie.
Tanong ng marami, lalo na mga taga customs, bakit ginanuon si Boysie. Ano ang kasalanan niya? Wala namang anomaly sa opisina niya. Bakit siya pinarusahan, bakit siya nilipat sa opisinang wala siyang gagawin at tutunganga lamang?
Kapatid ho kasi siya ni Quezon city Mayor Sonny Belmonte na kasama ang lahat ng kaalyado at anak na si Joy (kandidato sa vice mayor ng QC) ay lumipat sa Liberal Party mula sa Lakas na partido ni Madam Gloria.
Hindi kagaya nila Isabela Governor Grace Padaca at Bulacan Governor Jonjon Mendoza na may protesta sa Comelec, walang kaso ng protesta laban kay Mayor Sonny Belmonte. Ni katiting na isyu wala laban sa kanya. So sino ang gagantihan nila.
Nakita ang kakaawang si Boysie at ayon nga sa source natin, si Madam mismo ang sumagot ng “I don’t care,” ng sinabing magaling at maayos na opisyal si Boysie.

0 comments:

Post a Comment

Search This Blog

Loading...