Wednesday, October 28, 2009

USAPANG ELEKYON PERO MAGHANDA SA PANDARAYA O GULO

Nitong nakaraang ilang buwan ay naglalabas ng survey ang Social Weather Station (SWS) kung saan halatang halata na may kinakatigan silang mga kandidato na nais nilang manalo pagdating ng araw ng eleksyon.
Ito nga ho pala ang grupo na naglabas ng exit polls nuong 2004 na nagsasabing mananalo si Madam Senyora Donya Gloria. Parehong kumpanya rin na nagsabing hindi mananalo si Sen. Antonio Trillanes.
Sa mga nakalipas na buwan naman ay hirit na naman ang grupong ito at pinangangalandakan ang resulta ng kanilang survey kung saan sinasabi nilang pinapipili nila ang kanilang mga nakakausap ng tatlong personalidad para sa posisyon ng Pangulo at tatlo rin para sa Pangalawang Pangulo.
Hindi ho tayo eksperto pero tanong natin agad, bakit tatlo ang pipiliin ng sinumang tinanong nila? Sa huling pagkakaalam natin ang Pangulo ng Republika ng Pilipinas ay iisa lamang at gayundin ang Pangalawang Pangulo.
So bakit kailangang mamili ng tatlo. Malinaw na may pinapaboran at lalong pangitang pangita na pabor ito sa mga nagbabayad ng survey.
Of course bukod pa rito ang tanong ko kahit sa mga kakilala kung kahit minsan natanong na sila ng mga nagsusurvey na ito? Wala pa tayong nakakausap na natanong, as in wala ni isa.
Malabo ang ginagawa nila dahil kinokondisyun nila ang utak ng sambayanan pero ang malinaw ay ang kinikita nila dahil milyon ang binabayad ng sinumang gustong magpasurvey.
Huwag tayo padala sa mga grupong ito. Malinaw na paraan ng panloloko ito hindi sila ang dapat magdikta kung sino ang nais nating mamuno. Nasa atin ang pagpili at hindi sa kanilang nagpapataba lamang ng bulsa.
******
Ang grupong Magdalo na pinamumunuan ni Sen. Antonio Trillanes, Gen. Danny Lim at mga kawal na buo ang loob lumaban kay Madam Senyora Donya Gloria ay nagpahayag ng suporta sa kandidatura ni Sen. Francis “Chiz” Escudero bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Nagtataglay ng malaking bilang ng mga sundalong nananatiling may pagmamahal sa bayan at handang labanan ang katiwalian, lalong lumalaki ang grupong ito dahil maraming sibilyang kapareho nila ang paninindigan ang sumasama sa kanila.
Malaking tulong ang maibibigay ng grupong Magdalo kay Sen. Chiz na alam nating sasamahan pa ng ilang mga grupo at personalidad na tunay na palaban sa katiwalian.
Habang papalapit ang eleksyon ay lilinaw kung sino ang tunay na oposisyon at sino ang tunay na nakikipaglaro sa administrasyon. Makikita rin sino ang lalaban sa katiwalian at sino ang kukunsinti rito pero higit sa lahat ay sino ang magbibigay ng tunay na pagbabagong magaahon sa ating mga kababayan mula sa kahirapan.
******
Eleksyon ang pinaguusapan natin pero hanggang sa araw ng halalan ay uulitin natin ang paalala sa lahat na magmanman/magmasid, bumoto ng sino ang makakabuti sa bayan at higit sa lahat humanda at labanan ang anumang paraang gagawin ng Malakanyang para makapandaya o di kaya’y pigilan ang eleksyon upang manatili sila sa puwesto.
Alam nilang kalaboso sila kung si Sen. Chiz o si Sen. Noynoy ang mananalo sa pagkaPangulo kaya lahat gagawin nila upang pigilan ito.
******
Para sa reaksyon text sa 09273893248 o bisitahin ang www.nixonkua.com

0 comments:

Post a Comment

Search This Blog

Loading...