Monday, October 19, 2009

KAPLASTIKAN AT PAGSASAMANTALA

Kakasama ng loob ang ilan sa mga nais mamuno sa ating bansa. Kasama diyan ang mga nasa oposisyon at siyempre ang mga nasa administrasyon at mga kaalyado ni Madam Senyora Donya Gloria.
Pinuruhan na ang milyong milyong kababayan natin ni Ondoy at ni Pepeng pero pulitika pa rin ang kanilang mga hirit.
Lahat nagkukunwaring tumutulong pero ultimo ang pamimigay ng ilang balot ng instant noodles, sardinas, ilang kilong bigas at mga biscuit ay kailangan pang ipagsigawan sa buong bayan.
Matindi nito, kasabwat pa ang ilang media organisasyon na naghihiyaw sa tuwa sa mga panlilinlang nila sa publiko. Pinangangalandakan nila ang butihing puso ng mga taong ito na pagkatapos na pagkatapos mamigay ng tulong kuno ay maliligo ng alcohol at lalamun ng marami. Mabilaokan sana kayo.
Ilan naman sa kanila ay hinihintay pa ng media para magmukha silang mga bida. Of course kasama rito ang ilang mga artista na akala yata ay pelikula pa rin ang mga nangyaring kalamidad at sisipot sa set na late na.
Para sa iling mga artistang ito, kalokohan ang paniwala niyo na ang mga nagugutom ay mas matutuwa kung ang nagaabot ay sikat. Sa oras ng gutom hindi nakakain ng sambayanan ang kasikatan.
Sa maraming lugar na nasalanta ng dalawang bagyo kulang na kulang pa rin ang pangunahing pangangailangan ng mga kababayan natin. Kahit dagsa ang donasyon hindi lamang ng mga nasa pribadong sector sa atin kung hindi mga dayuhang pamahalaan at mga overseas Filipino workers, salat na salat pa rin ang mga biktima.
Dahilan, kung hindi ka plastikan ang pinaggagawa ng mga “magagaling” nating mga pinuno (pareho mga oposisyon at administrasyon) ay sinasamantala naman ng mga bataan nila ang mga donasyon.
Milyong dolyar ang pumasok na donasyon mula sa ating mga kababayang naninirahan sa ibang bansa. Milyong dolyar na rin ang tinulong ng mga dayuhang gobyerno pero tanong natin, nakuwenkuwenta ba maigi ang mga pondong ito.
Tama ang panukala ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na magkaroon ng dagdag budget ang pamahalaan para sa mga nasalanta at maganda rin ang panawagan ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na idagdag rin ang mga nakatagong budget ng administrasyon gaya ng P200 million pesos singit at taga ni Sen. Manuel “Manny” Villar.
Sana lang mabantayan maigi ito at hindi sa mga bulsa ng mga walang kaluluwa pumasok ang malaking salaping ito.
Nakikiusap ho tayo sa mga pinuno ng bansa pati sa mga nais mamuno, maging sinsero kayo sa pagtulong at huwag papogi lamang. Sa mga namumuno naman sa bansa, mula sa Malakanyang hanggang sa mga mayor, patawarin niyo naman ang mga para sa biktima. Busog na kayo, kahit ngayon lamang. Maawa naman kayo.

0 comments:

Post a Comment

Search This Blog

Loading...