Pinalaya na ng bandidong grupong Abu Sayyaf si Eugenio Vagni, isa sa tatlong miyembro ng International Red Cross, na kinidnap nila sa Mindanao.
Nauna rito ay nakatakas ang dalawang kasama ni Vagni na sina Andreas Notter at si Mary Jean Lacaba. Nahirapang sumabay ang huling pinalaya dahil may sakit nga ito at buong akala ng marami ay nabawian na ng buhay. Mabuti naman ay nailigtas sa kamay ng mga bandido si Vagni kapalit ng halagang ayaw aminin ng mga bataan ni Madam Senyora Donya Gloria. Ayon kay Defense Secretary wala raw binayad na ransom.
Sige na nga kung iyan ang pinagpipilitan niyo pero ang inyong lingkod hindi naniniwala dahil hindi papayag ang mga kaluluwang Abu Sayyaf na palayain ang kanilang mga bihag ng walang kapalit na “board and lodging.”
Sa paglaya ni Vagni na ilang buwan ring nabihag ay mga kababayan na lang nating mga taga Mindanao ang hawak nilang mga hostages kaya asahan natin na babakbakan na naman ng mga military ang tulisang ito.
Ni minsan ho ay hindi natin tinuturing na rebelde ang mga Abu Sayyaf, sila ho ay mga pusakal, mga criminal, mga bandido at walang prinsipyong pinaglalaban maliban sa gumawa ng masama upang kumita.
Panalangin lamang natin ay mailigtas ang mga kababayan nating mga bihag nila, kasama ng mga guro ng kanilang kinidnap at pinatutubos kahit maliit na halaga. Dito niyo makikita na halang ang bituka ng mga taong ito.
Anyway, bago tayo ma high blood, nais nating paalalahanan ang mga pinuno natin, lalo na ang Malakanyang at mga taga Department of National Defense na sana ay payagan nila ang mga sundalo na nasa field ang siyang dumiskarte at ubusin ang mga walanghiyang ito.
Hindi sila dapat makialam at biglang pipigilan ang mga sundalo na alam nating madaling masalikupan ang mga Abu Sayyaf.
Mahirap kasi maulit ang mga nangyari nuong araw kung saan maraming sundalo ang nagbuwis ng buhay at lumaban sa mga Abu Sayyaf pero ng napapaligiran na ang mga ito o nagtatago na sa mga lungga ng mga rebeldeng grupo sa Mindanao ay aawatin.
Naalala natin ang kuwento ng isang sundalo na nagresign sa posisyon dahil alam nilang kuha na ang mga criminal pero isang tawag mula sa Malakanyang ang nagpaatras sa kanila.
Ayun, tuloy ang paghahasik ng lagim ng naturang grupo na sinira pa ang imahe ng ating bansa. Mukhang Somalia na tayo kung saan walang gobyerno. Paalala lamang natin ang ginawa ng naturang grupo nuon ng kidnapin at patayin ang isang missionary na siyang dahilan ng ating kahihiyaan sa buong mundo.
Itong huling ginawa nila kung saan pati ang Red Cross na hindi naman ginagalaw kahit saan ay sumira sa ating pangalan at matatagalan bago tayo makabawi.
Nuong Lunes ng umaga ang mga hirit na naman ng mga opisyal natin (lalo na ang mga political leaders pati ang Malakanyang) ay pupulbusin na ang Abu Sayyaf.
Ngayon nga lang, sana hindi pulbusin kung hindi paulanan ng bala o di kaya’y tadtarin ng saksak at gawing fertilizer upang kahit paano ay pakinabangan.
Friday, July 17, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment