Saturday, July 4, 2009

PALASYO ANG MAPAPASO

Nagpaalam si Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno dahil kailangan niya raw magpagamot sa Estados Unidos. Pansamantala namang papalit sa kanya si Public Works and Highways Secretary Hermogenes Ebdane.
Ayon ito kay Executive Secretary Eduardo Ermita na pinabulaanan naman ni Brian Yamsuan, ang tagapagsalita ni Puno na nagsasabing nasa US lamang ang kalihim dahil ikakasal ang anak.
Sunud sunod rin ang putukan ng bomba (kwitis pala) sa Metro Manila. Andyan ang pagpapasabog raw sa Ombudsman at mga natuklasang bomba sa Department of Agriculture.
Natural todo tanggi ang Malakanyang at ang mga kilos na ito ay gawa raw ng mga kalaban nila na nais maghasik ng gulo. Tanong lamang ho natin, sino ba makikinabang pag nagkagulo? Pagkaalala natin nuong huling may gulo gaya ng take over sa Manila Peninsula ay nabigyan ng dahilan ang mga bayarang heneral ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na harassin ang mga miyembro ng oposisyon at mga kritiko ng pangulo nila.
Pasok naman sa eksena ang Commission on Election at balik raw tayo sa bilangan na nakasanayan ni dating Commissioner at Presidential phone pal Virgilio “Garci” Garcillano at Lintang Bedol. Hindi raw magkasundo ang Total Information Management Corporation at ang Smartmatic. Ang TIM ay kumpanyang Pinoy na base sa Cebu samantalang ang Smart ay hindi natin malaman kung sa Venezuela, Netherlands of Barbados.
Binigla nila ang lahat sa hirit na ito dahil mas sigurado sila sa lumang sistema ng bilangan (iyan ay kung magkakaeleksyon). Katunayan ay merong mabigat na taong tumawag sa opisyal ng TIM at sinabihan itong umatras. Sino ang taong ito? Pulitikong galing sa malaking angkang taga Bisaya at malapit na malapit kay Madam Senyora Donya Gloria. Ang probinsiya rin ng pulitikong ito ay pinagmulan rin ng isang super lapit na negosyanteng partner ni Sir Senyor Don Jose Miguel Pidal Arroyo.
Kasabay naman nito ang paguwi ni Madam Senyora Donya Gloria mula sa kanyang pamamasyal kasama ang kanyang pamilya at mga kaalyado sa kongreso sa iba’t ibang panig ng mundo kasama na ng Columbia at Hongkong at anunsyo na magkukulong muna ito upang hindi makapanghawa dahil baka may dala siyang virus ng swine flu o sakit na galing sa baboy.
Kung quarantine nga naman siya, madaling sumagot na wala akong kinalaman diyan, ni hindi ko sila kinanakusap o nakikita. Wow na wow.
May mangyayari, may mga plano, may mga pakulo na pakukuluin ng husto dahil mga kilos na kakaiba at patunay muli sa sinasabi natin nuon pa na walang plano magpaalam si Madam Senyora Donya Gloria.
Masyado nilang ginugulo at hinahaluan pa nitong planong pagbabago sa Saligang Batas upang manatili sa Malakanyang si Madam Senyora Donya Gloria.
Kinokondisyon ang utak natin na magiging magulo ang mga susunod na araw o buwan. Sinasanay ang pagiisip natin na anytime maaaring may biglang pangyayari pero ano ito?
Kailangan natin paghandaan ito, huwag tayo padadala sa pananakot. Magagawa lamang nila ang masamang plano kung titiklop tayo, alam nila ito kaya nga sinusubukan tayo, dinadahan dahan.
Mabigat ang pinakukulo nila pero tiyak ba nila na hindi sila ang mapapaso. Ingat kayo, baka kayo ang mapaso dahil ang Pinoy nagpupumiglas na ang galit, kumukulo na rin at umaapaw na nga ang marami.

0 comments:

Post a Comment

Search This Blog

Loading...