Iyan lang ang pinakaukmang salita para kay Madam Senyora Donya Gloria at kanyang mga tagapagsalita tungkol sa pagkakabuking sa kanya na may matindi siyang karamdaman at ito ay problema sa kanyang dibdib (ayaw natin gamitin ang mas angkop na salita dahil medyo malaswa) na binulgar ng isang kaibigan at hinahangaan nating kolumnistang si Jarius Bondoc.
Una ang todo tanggi pa itong si Presidential Spokesman Cerge Remonde na kung may kahihiyaan pang natitira ay dapat lumayas na sa palasyo. Kaso gaya ng marami sa kanila, wala ni konting delikadesa at kahihiyaan kaya nandun pa.
Bigla siyang kambyo kasama ng isa pang tagapagsalita na si LoreLIE Fajardo dahil totoo raw pero hindi raw ito dapat pagusapan ng sambayanan dahil masyado raw personal ang karamdaman ng kanilang boss.
Aba, nakakalimot sila na mula umpisa ay nasa plano nila ang lokohin ang sambayanan. Sinabi nila na mag seself quarantine raw si Madam Senyora Donya Gloria dahil sa lumalaganap na sakit na swine flu.
Nang bukuhin ni Jarius, deny to death sila at hindi naman daw sexy star si Madam Senyora Donya Gloria para magparetoke ng boobs. Pero nung nahalata nila na buking na buking na ay inamin ito pero may biopsy lamang daw ginawa at wala naman daw masamang natuklasan.
Lunes ay hirit pa ang National Bureau of Investigation (NBI) at sinabing iimbistigahan ang sinumang doctor, nars o empleyado ng ospital na siyang naglabas ng balita na binulgar ni Ginoong Bondoc.
Sabi ng NBI may violation raw ito ng confidentiality ng patient at doctor. Hindi kaya nila naisip na mas matinding violation ito ng saligang batas natin na nagsasaad na dapat sa ating pinuno ay transparent ang medical condition at kailanman hindi maaaring tinatago ito.
Mula umpisa, planado ang pagtatakip kaya kung may dapat kasuhan silang mga iligal na nakatira at nagoopisina sa Malakanyang.
Kakahiya, gaya ng madalas sabihin ng matatanda ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw at mandaraya. Sa kasong ito, hindi lamang ho magkakapatid kung hindi magkakasama, mag-asawa, maganak, magpamilya at higit sa lahat magkakakutsaba.
Nuknukan talaga ng sinungaling.
******
Sana maayos ni Gen. Art Lumibao ng Land Transportation Office ang kakulangan ng plaka na nagiging dahilan para kikilan ng mga magagaling na pulis, MMDA at iba pang mga law enforcement agency ang mga motorsiklong bayad pero walang plaka.
Hindi ho kasalanan ng mga pobreng naghuhulugan ng motorsiklo bakit wala ang plaka. Nagbayad na sila ng rehistro pero ang walang maibigay ng plaka ay tanggapan niyo.
Karamihan sa mga nagmomotorsiklo ay nais makatipid ng konti sa pamasahe at makarating sa paruruonan ng magaan ang trapiko. Huwag niyo sila pahirapan.
Maawa kayo sa kanila at habulin niyo ang gumagawa ng plaka na kahit malaki ang kinikita ay hindi makapag deliver ng maayos.
Sa mga nangingikil, mahirap ipakain sa mga anak niyo ang perang hinuthot niyo. Isusubo na lang ng mga pobreng kababayan natin inaagaw niyo pa. Gabain sana kayo.
Wednesday, July 8, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment