Iyan ang pinaka ukmang larawan ng ating bayan ngayon. Bakit kanyo? Simple ho, ang unang bato ay si Madam Senyora Donya Gloria kasama si Sir Senyor Don Jose Miguel Pidal Arroyo, ang kanilang mga anak, kapamilya, kapuso, kasabwat, kakutsaba, kapartido at kasamahan.
Ang pangalawang bato ay ang hanay ng oposisyon, ang civil society at ang pinakamahalaga ay ang sambayanan na kontrang kotra sa grupo nila Madam Senyora Donya Gloria.
Hanggang may magagawang paraan ay ipipilit ni Madam at ang kanyang mga alipores na manatili sa poder. Lahat ng paraan gagawin nila hindi nila lisanin ang Malakanyang. Kahit ano ang ipukol sa kanila ay pagpipilitan nila manatili rito at napatunayan ito ng balewalain nila lahat ng iskandalong bumalot sa kanila gaya ng Jose Pidal, Hello Garci, ZTE at kung ano ano pang iba.
Alam nila na pagnawala sila sa poder ay pagbabayarin sila ng sambayanan sa lahat ng kasalanang nagawa nila. Iyan rin ang isa sa dahilan bakit lahat ng tauhan niya mula sa mga miyembro ng gabinete hanggang sa mga nanungkulan sa mga magagandang puwesto ay nais tumakbo bilang senador, kongresista at iba pa sa halalan sa 2010.
Lahat ng paraan iniisip at isasagawa nila upang hindi bitiwan ang hawak nila kapangyarihan. Wala silang pakialam kung ito ay idadaan sa santong dasalan o santong paspasan. Pinakita nila ito nuong Edsa 3 kung saan pinagbabaril nila ang mga kababayan nating ang tanging kasalanan lamang ay mag-rally at naisin na alisin sila sa Malakanyang sa paraang ginawa nila kay dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada.
Ang kabilang grupo naman, gaya ng mga presidentiables pati mga pekeng oposisyon na mahilig sa mga singit at taga at mga alipores at mga bataan nila ay nais na pumuwesto muli. Matagal na silang gutom at katuwiran nila ay panahon naman nila.
Ang civil society naman kasama ng mga grupong relihiyon at negosyante ay nais lamang ng isang pagbabago na siyang magbibigay naman sa kanila ng pagkakataong mamuhay ng mas matihimik. Kasama ng mga grupo ng mga maralitang nakatira sa kanayunan at sa siyudad ay nais nila magkaroon ng pagbabago kung saan mabawasan man lang ang mga pangungurakot upang kahit paano ay maitulong ang pamahalaan sa mga social services gaya ng pag-aaral, gamot, pabahay at iba pang pangunahin pangangailangan ng sambayanan.
Hindi sila makakapayag na manatili si Madam at kanyang mga kasabwat na manatili sa puwesto pagdating ng July 2010. Nanaisin nila na isang mas maayos na tao ang nakatira sa Malakanyang. Isang taong makakapagbigay sa ating lahat ng pagasa at inspirasyon na makakatulong sa ating pangarap na umahon na muli ang ating bayan at manumbalik an gating dignidad.
Dalawang grupo ito, parehong magkasalungat at hindi maaaring magkasundo kailanman. Tiyak na maglalaban ang dalawang ito at pareho namang kayang magbigay ng impluwensiya sa military at pulis. Si Madam sa pamamagitan ng panunuhol sa kanyang mga heneral at ang nasa kabila na liligawan naman ang mga matitino at mga idealistic na sundalo.
Naguumpugang bato at ang tanong lamang alin ang batong madudurog. Alin ang bibigay. Huwag sana pero ngayon pa lang prediksyon ko lalaki pa ang gulo gaya ng mga bombahan at malabong umabot sa eleksyon ng 2010.
Friday, July 10, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment