Friday, July 24, 2009

MANINDIGAN LABAN SA ILIGAL NA DROGA

Marami ang naginit ang kilikili. Marami ang nagalit at gustong ibalik ang parusang kamatayan samantalang ang mga taga Philippine Drug Enforcement Administration ay nangakong hindi tatantanan ang mga nagtutulak ng iligal na droga pagkatapos lumabas ang balita na isang dalagitang anak ng isang ahente ng gobyerno na lumalaban sa droga ang dinukot at pinagsamantalahan.
Kaso ng malamang hindi pala ito ang tunay na pangyayari at nakipaginuman lamang ang dalagita at sa takot sa amang mahigpit ay hindi umuwi ay lumamig ang karamihan kasama na ang Malakanyang.
Bigla silang nanahimik na para bang sinasabing okay lamang na hindi muna magkaroon ng matinding kampanya laban sa iligal na droga dahil hindi pa naman ginagalaw ng mga sindikato ng iligal na droga ang pamilya nila.
Mukhang mali na naman ito at maihahalintulad na naman natin sa mga ibang kampanya ng administrasyon ni Madam Senyora Donya Gloria na puro umpisa at press release lamang.
Bagama’t mabuting hindi naging totoo ang balita, dapat pinagpatuloy ang kampanya laban sa iligal na droga. Hindi dapat bumalik ang status quo kung saan may ilang huli pero tuloy tuloy rin ang paghahasik ng lagim ng mga drug lord.
Muli tayo nananawagan lalo na sa PDEA at iba pang ahensya ng gobyerno kontra droga na pagibayuhin ang kampanya laban sa mga drug lord at pusher. Naninindigan tayo na dapat sa mga iyan ay lipulin.
Hindi sila dapat bigyan ng anumang human rights dahil uulitin natin, mga demonyo sila na naganyong tao lamang.
Sa kampanyang ito man lang manindigan si Madam Gloria na personal pang namumuno rito bilang anti drug Czarina.
******
Grabe and anunsyo ni Sen. Mar Roxas at ni Sen. Manny Villar. Walang humpay ang kanilang mga commercial sa telebisyon na animo’y mababait sila at malinis na malinis ang hangarin.
Kahit ano ang sabihin nila, malinaw na pamumulitika ang ginagawa nila at ang katotohanan ay nakakasuka na ito.
Kung talagang nais nilang tumulong sa ating mga kababayan, huwag nila aksayahin ang daang milyong piso nila sa mga commercial kung hindi ilagay ito sa mga proyektong makakatulong sa pagpapaangat ng kabuhayan ng ating mga kababayan.
Sa mga kababayan naman natin, pakiusap ho na huwag niyo paniwalaan ang mga ganuong uri ng pagpapasikat. Tandaan natin na binayaran nila ang commercial na iyan kaya parang pelikula iyan na may script at director na sinusunod.
Arte lamang ho ang mga iyan at gawa lang ng mga magagaling na advertising people. Sana huwag tayo paloko. Ang piliin natin isang taong tunay na iaahon ang bayan sa kahirapan, lalo na ang mga kabataan na siyang ating kinabukasan.
Huwag ho tayo paloloko.
******
Mga nais mag komento tungkol sa ads ni Sen. Roxas at Villar, text o e mail lamang ho kayo ng sagot. Interesado ho kaming malaman ang opinion ninyo.

0 comments:

Post a Comment

Search This Blog

Loading...