Wednesday, July 1, 2009

GALING TALAGA NI MADAM GLORIA

Hinihiling ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na imbistigahan ng senado ang mga biyahe ni Madam Senyora Donya Gloria samantalang binulgar naman ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na mahigit tatlong bilyong piso na ang nagastos sa biyahe pa lamang sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sagot naman ng Malakanyang ay dapat tingnan muna ng mga miyembro ng oposisyon at mga kritiko ang mga benepisyo ng mga biyaheng ito.
Dahil sa sagot na iyan ng Malakanyang ay naisip natin na tingnan nga mabuti ang bunga ng mga biyahe ni Madam Senyora Donya Gloria.
Una, nabola niya ang mga opisyal ng China at nakumbinsing pautangin ang bansang Pilipinas. Dahil sa husay niyang iyan, nagkaroon ng mga kontrata sa pagitan ng Pilipinas at China na gaya ng ZTE – NBN deal na siyang magbabaon sa utang sa sambayanang Pilipino. Pinamigay niya rin ang Spratley Islands, patunay na galing niya sa larangan ng diplomasya.
Pangalawa, panay ang pakiusap niya sa mga opisyal ng mga bansa sa Gitnang Silangan na siyang naging dahilan naman na kesa dumami ang trabaho rito sa atin para sa ating mga kababayan ay patuloy na sinusulot ang mga magagaling nating mga propesyonal na siyang dahilan ng brain drain.
Bukod pa riyan ang patuloy na pagpapahirap sa mga kababaihan natin sa mga bansang ibang iba ang kultura kaya lalo lamang nagiging biktima ng panggagahasa, pambubugbog at iba pang uri ng pagpapahirap.
Ikatlo, walang tigil na pamamasyal niya pati sa bansang Columbia sa Latin Amerika na mas kilala sa pag poproduce ng droga. Ito marahil ang dahilan kaya ngayon ay nilagay na tayo ng United Nation bilang panlima sa buong mundo bilang producer ng shabu.
Ikaapat, habol siya ng habol kay US President Barack Obama na siyang dahilan bakit lalong bumaba ang tingin ng mga Amerikano sa atin at iba pang mga bansa na tahasang nagsasalita sa pamamagitan ng kanilang media na bakit walang ginagawa ang sambayanang Pilipino kahit patuloy tayong inuuto, ninanakawan, dinaraya at niloloko ng ating pamahalaan.
Ikalima, pinakikita ni Madam Senyora Donya Gloria, Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo, mga anak at apo ang halimbawa kung paano mamasyal sa buong mundo at maging international tourist sa paraang hindi paggamit ng sariling salapi. May dahilan rin siya gumamit ng pera ng bayan sa mga advertisements sa dyaryo nag nagkakahalaga ng daan daang libong piso.
Ikaanim, ang pagiging matulungin at mapagkawanggawa ni Madam Senyora Donya Gloria dahil sa lahat ng biyahe niya ay sinasama niya ang mga kawawang mga kongresista at opisyal na kaalyado niya. Tinitiyak niyang mag-eenjoy sila kaya todo bigay pa ng baon. Lahat ng gastos na ito, aba, galing sa kabang bayan.
Ikapito at higit sa lahat, sa walang humpay niyang biyahe ay nakikilala tayo sa mundo bilang pinaka corrupt, pinaka laganap ang iligal na droga, pinaka maraming napapaslang na mamamahayag at huwes at higit sa lahat pinaka magaling tumulong sa ekonomiya ng ibang bansa dahil kahit saan magtungo ay todo gastos hindi lamang sa hotel at pagkain kung hindi shopping dahil hindi nga naman pera nila ang kanilang ginagastos kung hindi ng bayan.

0 comments:

Post a Comment

Search This Blog

Loading...