Dalawang malalaking event meron nuong Lunes. Isa ay ang anibersaryo ng Iglesia ni Cristo na tinatatag ni Ka Felix Manalo 95 years na ang nakaraan. Lumaki at lumawak ang INC at ngayon ay nasa lahat ng panig ng mundo.
Ang kanilang mga miyembro ay nasa milyon na pero hindi sila tumitigil sa pagpapalawig ng SALITA NG DIYOS, ang layunin ng pagtatag nito ni Ka Felix Manalo nuong taong 1914 sa Punta, Sta. Ana.
Patuloy na dumarami ang kanilang mga kasapi dahil naman sa walang pagod na pagpapalawig ni Ka Erano (Ka Erdy) Manalo na siyang Punong Tagapamahala na humalili kay Ka Felix, ang Sugo.
Ang pangalawang event ay ang ika siyam na State of the Nation Address ni Madam Senyora Donya Gloria. Ang Sona ay siyang mensahe na dapat ibigay ng naninirahan sa Malakanyang (pasensya na ho kayo talagang hindi ko kayang tawagig ang isang huwad na Pangulo) kung ano ang tunay na kalagayan ng bayan at ano ang mga gagawin niya at plano sa susunod na taon.
Sa lahat ng nakaraan niyang Sona walang ganuon. Imbes ang mga laman ay pawang kasinungalingan o pangakong nilista sa tubig.
Sa event ng INC na Linggo pa nagumpisa ay kitang kita natin ang pagmamahal ng mga miyembro ng INC sa kay Ka Erdy. Dinig na dinig ang pagiyak ng marami na naantig sa kanyang mensahe. Pangitang pangita rin ang kanilang kagalakan at pagmamalaki na sila ay miyembro. Ultimo tayo ay naantig at naapektuhan.
Malinaw na malinaw ang pagkakaiba ng dalawang event. Isang puro katotohanan at isang puro kasinungalingan.
Katotohanan ay ang patuloy nag pagsisikap ni Ka Erdy, ni Ka Eduardo at mga opisyal ng INC na palaganapin ang SALITA NI JESUS CHRIST. Katotohanan rin ang simpleng pamumuhay ni Ka Erdy at ng kanyang pamilya. Walang luho at nagsisilbing ehemplo sa lahat na siyang umeenganyo sa iba pa na sumapi sa kanila.
Katotohanan rin na ang pagpapagaan sa buhay ng kanilang mga miyembro. Natutulungang mabigyan ng trabaho ang mga kasapi. Ang pondo naman ng INC ay nailalagay sa mga tamang proyekto gaya ng New Era College na hindi lang pala sa Central kung hindi sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Maayos rin ang kanilang ospital at grabe ang kanilang mga pabahay sa mga miyembro. Lahat ng magagawa ginagawa nila upang mapaginhawa at matulungan ang lahat ng kasapi.
Ultimo mga hindi kapatid sa INC ay kanilang tinutulungan lalo na sa oras ng kalamidad.
Kasinungalingan naman ang lahat ng pinagsasabi sa SONA. Kasinungalingan na nadagdagan ng trabaho. Kasinungalingan na dumami ang nagkabahay. Kasinungalingan na nabawasan ang nagugutom. Kasinungalingan na kumonti ang mga mahihirap. Kasinungalingan na inaalagaan ang demokrasya.
Malinaw na malinaw, isang pawang katotohanan, isang punung puno at hitik na hitik sa kasinungalingan. KATOTOHANAN AT KASINUNGALINGAN.
Tuesday, July 28, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment