Friday, June 19, 2009

KICKBACKING - PAGASA NATIN SA GINTONG MEDALYA

Si Manny Pacquiao, ang tinagurian nating pambansang kamao, ay kinilala ng mga Amerikanong sportswriter bilang “fighter of the year” nuong nakaraang taon.

Nakuha niya ito matapos niyang patumbahin niya sina Juan Manuel Marquez, David Diaz at Oscar dela Hoya na iba iba ang dibisyon.

Nakuha niya rin ang parehong parangal nuong 2006 ng pabagsakin niya ng dalawang beses si Erik Morales.

Kung matatamo niya muli ang parangal na ito para sa taong ito dahil sa ginawa niyang pagpapatumba kay Ricky Hatton at magagapi sa paraang ginagawa niya nuon ang susunod niyang kalaban sa Oktubre (sino man kanila Floyd Mayweather Jr., Miguel Cotto o Shane Mosley) ay malamang na masungkit ng ikatlong beses ang naturang titulo na maghahanay sa kanya kanila Muhammad Ali, Joe Frazier, Sugar Ray Leonard at Evander Holyfield.

Sa kasalukuyan kahanay niya na ang mga matinding boksingero sa buong mundo gaya nila George Foreman, Thomas Hearns, Floyd Patterson, Marvin Hagler, Mike Tyson, Carmen Basilio, Dick Tiger, Pernell Whitaker at James Toney.

Hindi tayo magugulat kung matatamo niya ang ikatlo at inaasahan rin natin na magreretiro na siya kaya kailangan siguro natin humanap ng kapalit na atletang magbibigay ng karangalan sa ating bansa gaya ni Pacman.

Mahirap ho ito bagamat marami tayong nakikitang magaling na boksingero at iba pang atleta pero mukhang kakaiba itong si Pacquiao at mahirap parisan.

Dahil diyan may kaibigan tayo na nagbulong sa atin na kailangan siguro natin magkaroon ng sport kung saan kayang kaya natin mag numero uno. Hindi lang tayo magiging numero uno sa Asia, kaya natin sa buong mundo.

Itong sport rin daw na ito ang siyang magbibigay sa atin ng gintong medalya sa Olympics na matagal na nating minimithi.

Kaso nga lang kailangan natin dalian dahil pinaguusapan na ngayon ang mga maaaring idagdag na sports sa Olympics na gaganapin sa London sa 2012. Huling Olympics ay ginawa sa Beijing kung saan itlog ang naiuwi natin bagamat isa tayo sa nanalo sa gastusan hindi para sa atleta kung hindi para sa mga kawatan, ooops, sorry opisyal pala ng gobyerno na pinamunuan pa ni Madam Senyora Donya Gloria.

Umpisahan na natin ang pakikiusap sa kanila na isama ang bagong laro na itutulak ng mga magagaling nating opisyal. Ikakatuwiran natin na sa Asia ang Japan pinagmulan ng Judo Karate, ang China Wushu at table tennis at ang Korea Tae Kwon Do. Kung sila pinayagan nila bakit tayo hindi.

Matindi pa nito ang disiplina sa larangan ng bagong sports na ito ay matindi dahil mga opisyal pa natin mula sa Malakanyang sa pamumuno ni Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo at Madam Gloria ang malamang na lumahok.

Sa Senado naman, madaling isali si Sen. Manny Villar at support staff niya pa si Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. Nene Pimentel.

Sa Kongreso, aba, halos lahat sila sa pamumuno ni House Speaker Prospero “Boy” Nograles at ang magkapatid na Kongresista Mikey at Dato Arroyo at ang tiyo nilang si Iggy Arroyo. Bago natin makalimutan ang tiya nilang si Lulu ay kasali rin.

Kung hindi man sila sasali, trainer at coach sila nitong laro na tatawagIn na lang nating KICKBACKING!!! O maganda hindi ba, KICKBACKING CHAMPION!!!

0 comments:

Post a Comment

Search This Blog

Loading...