Friday, June 26, 2009

HINDI OKAY DUQUE

Bago mag pasukan ay nakiusap si Dr. James Dy, Pinuno ng Filipino Chinese General Chamber of Commerce at Filipino Chinese Charitable Association na siya ring nagpapatakbo ng Chinese General Hospital, na pagpaliban muna ang pasukan.
Hiniling niya na kahit isang buwan ay ma delay ang pasukan ng ating mga kabataan, pribado at publikong paaralan, upang mapigilan ang paglaganap nitong tinatawag nating swine flu o H1N1 virus.
Tumanggi si Health Secretary Francisco Duque dahil hindi raw kailangan ito dahil karamihan sa mga mag-aaral sa publikong paaralan ay wala naman daw kakayanang magbiyahe kaya nandito lamang.
Sagot naman ni Dr. Dy at ilang mga dalubahasa sa iba’t ibang ospital ay kailangan pa rin ito upang maiwasan ang hawaan na mas madaling makuha ng mga magkaaeskwela sa loob ng kanilang silid aralan.
Hindi ho tayo doctor pero malinaw na tama si Dr. Dy. Nung Miyerkules ng gabi ay mahigit ng 600 ang tinamaan ng sakit na ito at isa na ho ang namatay. Matindi pa nito, number one na tayo sa Asya.
Kay Sec. Duque na nag-nanais tumakbo bilang senador, ito lamang ho masasabi namin HINDI HO OKAY DOC E!
******
Ang unang namatay ng swine flu ay isang empleyado ng Kongreso at dahil diyan napilitang sarhan ang kongreso ng ilang araw. Marami ang naaawa sa empleyadong namatay at nanghihinayang na bakit hindi pa raw isang kongresistang nagtutulak ng cha cha at mahilig sa pork barrel at natigok.
Hindi kaya warning ito kay Speaker Prospero Nograles dahil bakit naman sa dinami dami ng mamamatay taga kongreso pa na kasalukuyang tinutulak ang con ass. Sa mga kongresista, isip isip naman kayo.
******
Kakaiba naman bigla ang kinikilos ng Malakanyang at si Madam Senyora Donya Gloria ay magkukulong raw ng sampung araw pagbalik niya mula sa pagliliwaliw sa ibang panig na naman ng mundo.
Kasama ho sa papasyalan niya ay ang bansang Columbia na siyang kilala bilang number one sa iligal na droga at paglilinis ng mga perang galing sa iligal.
Aba! Grabeng sakripisyo nga naman at siya mismo magquarantine sa sarili? O baka naman ayaw niya lang sumagot kung ano talaga ang nilakad niya sa Columbia. Mukhang napapadalas siya ruon.
Paalala lamang po na nung biglang umikot ang eroplano niya at bumalik ng Japan dahil sumama raw ang tiyan ni Sir Senyor Don Jose Miguel Pidal Arroyo ay tumungo rin siya ruon.
Nagtataka rin ho ang inyong lingkod bakit ang mga pinupuntahang mga bansa nitong nakaraang ilang biyahe, puwera ang Japan ay pawang mga lugar na kilala sa money laundering o secret bank accounts.
Siguro nagkakataon lamang pero kailangan ng sagot at hindi palusot.
******
Huwag magbayad ng buwis upang matiyak na hindi magamit ni Madam Senyora Donya Gloria ang kaban ng bayan sa pagpapalawig sa kanyang termino, ito ang panawagan ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson. Tama kayo riyan Sen. Ping pero isa pang dahilan bakit kailangan ang tax revolt ay dahil ginagastos lamang sa lakwatsa, naikot na ang buong mundo at lahat first class accommodation at malaking baon pa. Sarap talaga lalo na hindi sariling salapi.

0 comments:

Post a Comment

Search This Blog

Loading...