Nagkasakit ang isa sa apo ni Mang Juanito. Kahit gipit tinakbo nila sa ospital si Jenny na nakakain ng masama kaya nauwi sa lbm at pagsusuka. Anak si Jenny ng panganay na anak ni Mang Juanito na kaaalis lamang papuntang Saudi Arabia dalawang linggo pa lang ang nakakaraan.
Walang malapitan ang naiwang Ina ni Jenny, may mga utang pa sila sa ilang kaibigan at kamag-anak sa laki ng placement ng asawa. Malaki ang babayaran sa ospital at hindi na ubra ang kanyang PhilHealth card dahil ilang buwan silang hindi nakakapaghulog dahil papaalis na nga naman ang asawa.
Walang magawa, natural tulong ang Lolo kahit na ang konting naipong pera ay para sana sa matrikula ng bunsong anak na graduating ng engineering ngayong taon.
Iyan ang dahilan bakit niya tinawagan ang inyong lingkod. Kailangan niya ng tulong dahil malabong makapasok ang graduating na anak. Sunud sunod ang gastos nila at ang anumang maliit na kinikita ng kanyang misis na nagtitinda sa palengke ay para sa pang-araw araw na pagkain lamang nila.
Ang ama naman ni Jenny kailangan pa magbayad ng utang kaya malaki sa susuwelduhin mauuwi lamang rito.
Kita ho kami diyan sa isang mall sa Makati. Niyaya ko siyang magkape man lang. Parang kapatid ho siya ni Papa.
Naupo kami sa labas ng coffee shop at hindi pa kami nagtagal ng biglang dating ang isang convoy ng mga magagarang sasakyan. Daming bodyguards at babaan ang mga vips, isang pamilya.
Isang mala Donyang babae ang bumaba kasama ang anak na babae. Bumaba lamang ang asawa na isang kilalang opisyal ng gobyerno. Nababalita ang galing sa pagsasaayos ng mga proyekto. Humalik lamang si boss na hinatid lamang pala ang asawa na may dalawa ring babaeng bodyguards.
Binalikan namin ang kape namin at tuloy ang kuwentuhan. Mga isang oras din kaming nagkuwentuhan at pagkatapos nuon kahit konti sinikap kong tulungan si Mang Juanito. Niyaya ko rin siyang sumabay para makatipid sa pamasahe at palakad na kami papunta parking ng mamataan namin ang mag-ina ng pulitikong kaalyado ni Madam Senyora Donya Gloria.
Ang dalawang bodyguards bitbit mga shopping bags na pawang mga libo libo ang halaga. Isa ay may sapatos na tiyak natin nagkakahalaga ng hindi bababa sa P20,000 isang pares. May bag naman na may damit na libo rin ang halaga at nakita ko pa ang isa na may imported na chocolate na hindi daang piso ang halaga kung hindi libo.
Naghihintay ang dalawa sa labas ng isang tindahan ng mamahaling relos at kitang kita namin na nagsusukat ng bagong relos ang anak. Walang ibang pinapapasok sa loob ng tindahan kundi ang magina. Relos ho rito mababa kalahating milyong piso bawat isa.
“Yaman talaga nila, dami nilang pang-gastos,” bulong ni Mang Juanito. “Si Junior napilitang iwan ang pamilya upang magtrabaho sa ibang bansa, si Mario hindi man lang makapag-enrol kung hindi ako mangungutang muli,” sambit sa atin ng hindi makapagpigil lumuhang si Mang Juanito.
“Magnanakaw, mandarambong, corrupt,” salitang binigkas ni Mang Juanito pagsakay namin sa sasakyan. Punung puno siya, umaapaw na ang galit.
Isa si Mang Juanito sa puno na, umaapaw na ang galit kaso kelan magiipon ipon ang umaapaw na ito? Hanggang kelan papaya ang sambayan? Tandaan natin walang maaapi kung walang paaapi.
Tuesday, May 19, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment