Friday, May 1, 2009

SAGOT HINDI PALUSOT

Umiinit na naman ang usapan tungkol sa “singit at taga” ni Sen. Manuel Villar dahil uumpisahan na ang imbistagsyon sa kanyang mga proyekto na tila unang makikinabang ay mga kumpanya na pag-aari ng pamilya niya.
Pinagpipilitan kasi ni Villar na hindi raw sa kanya ang mga lupang biglang nagkakaroon ng kalyeng magaganda pero galing naman sa pondo ng bayan. Ayon sa kanya, matagal na siyang nag divest ng ari-arian niya dahil senador na nga naman siya. Hindi niya nga lang inaamin ay pag-aari naman ang mga ito ng pamilya niya.
Anyway, isa sa matindi rito ay ang President Carlos Garcia highway o mas kilala bilang C -5 na natuklasan ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na may dobleng budget. Tinanong ni Sen. Lacson ang kasalukuyang Budget Secretary na si Rolando Andaya tungkol dito nuong nakaraang taon at laking gulat nila ng inamin nito na singit ito ng isang mambabatas.
Kinagalit ito ni Sen. Lacson dahil bakit nga naman pagbibintangan ang Kongreso at Senado kaya pinilit niya na ituro ni Andaya kung sino ito at ayun si Sen. Villar ang tinuro.
Dito nagumpisa ang alitan ng dalawa. Kesa paliwanag ni Villar ng maayos bakit nagdoble ito ay nagalit siya at nilayo ang isyu sa pamamagitan ng pagsasabi na pulitika lamang ang lahat ng ito. Nasundan pa ito ng mga lupain ni Villar na binili ng gobyerno sa halagang pagitan ng P15,000 to P40,000 kada square meter samantalang ang mga katabing lupa ay binibili lamang ng gobyerno sa halagang P4,000 hanggang P7,000. Obvious na may lamang, hindi patas ang laban at ang galing sa mahirap lalong pinahihirapan ang mahirap upang matiyak na hindi na maghihirap muli.
Dito naman pumasok si Sen. Jamby Madrigal na siyang nagbulgar ng iba pang mga anomaly tungkol sa mga lupa ni Villar lalo na ang pagpondo mula sa kaban ng bayan at pagikot ng mga kalye sa mga lupain ng pamilya ni Villar upang tiyaking tataas ang presyo nito.
Ngayong uumpisahan na ang hearing ng ethics committee na pinamumunuan ni Sen. Lacson ay lahat na naman ng palusot ginagawa ni Villar na ayaw sumagot. Ang mga bataan niya naman sa katauhan ni Sen. Alan Peter Cayetano at Joker Arroyo ay tinitira si Lacson dahil hindi raw ito parehas. Sali rin dito si Sen. Aquilino Pimentel na chuchuwa rink ay Villar ngayon.
Sen. Pimentel, bakit naman kung kelan kayo tumanda tiyaka kayo nagpakasira.
Kesa sagutin nila ang isyu ng singit at taga, tira ng tira ang kampo ni Villar kay Lacson.
Sen. Villar, Cayetano, Arroyo at Pimentel iisa ho ang isyu rito na dapat niyong sagutin.
Totoo bang mas mahal ang pagkakabili ng lupa ng mga Villar kesa sa kanilang mga kapitbahay? Totoo bang lumayo ang daan at lumaki ang gastos dahil umikot ito sa mga subdivision ng mga Villar? Totoong bang pondo ng gobyerno ang pinanggawa sa mga kalyeng ito?
Higit sa lahat, nakinabang ba ang mga Villar sa pondo ng gobyerno na si Sen. Manny Villar ang siyang nagpanukala?
Habang sinusulat natin ito, nag deklara si Villar na hindi siya dadalo sa anumang hearing kahit na nagpanukala si Sen. Lacson na buong senado ang didinig sa kaso niya at si Sen. Pres. Juan Ponce Enrile ang siyang mamumuno rito.
Palusot muli kahit na wala ng lusot, as usual sagot lang ho Sen. Villar ang kailangan ng bayan hindi palusot.

0 comments:

Post a Comment

Search This Blog

Loading...