Tuesday, May 12, 2009

MANNY HUWAG KA PAGAMIT

Lunes ho ay ginawang ambassador at special assistant for intelligence to the secretary of justice si Manny Pacquiao, ang ating pambansang kamao at tinuturing na pound for pound champion ng boxing sa kasalukuyan.
Walang duda na magaling si Pacquiao. Walang duda na binigyan niya ng karangalan ang bansa sa kanyang mga panalo, lalo na itong huling laban niya kung saan pinatulog niya sa ikalawang round si Ricky Hatton.
Dahil sa kanyang husay ay nakilala ang ating bansa. Natatakpan ang masamang imahe natin lalo na ang pagiging isa sa pinaka corrupt na bansa sa buong mundo. Isang kahihiyaan na dapat pagbayaran ng kasalukuyang rehimen.
Wala ring kuwestion na nagsisilbi siyang inspiration sa mga mahihirap nating kababayan na patuloy na nangangarap na makaahon sa kahirapan.
Lubos rin tayong naniniwala na dapat siya bigyan ng parangal pero hindi natin talaga maintindihan ano ang dahilan sa hirit na ito ni Madam Senyora Donya Gloria at ni Justice Secretary Raul Gonzales.
Ambassador? Baka puwede dahil kahit paano napapaganda niya ang imahe ng bansa pero medyo malabo pa rin.
Pero itong special assistant for intelligence to the justice secretary. Hindi natin malaman kung tayo ay iiyak, tatawa o tutunganga na lang. Nung una ko ngang marinig akala ko biro.
Malaking malaking kalokohan ito. Alam nating lahat ano ang background ni Pacquiao. Alam natin ano ang kakayahan niya. Siya mismo alam niya ano ang kaya niyang gawin.
Kung may dapat na ibigay sa kanyang appointment, sana iyong malapit sa sports. Gawin siyang Presidential Adviser on Sports o Boxing. Babagay sa kanya ito at kaya niyang gampanan, hindi itong kalokohan na ambassador at special assistant to the justice secretary.
Madam Senyora Donya Gloria at Sec. Gonzales, halatang ginagago niyo si Manny Pacquiao. Hindi niyo siya pinararangalan. Huwag niyo siyang gamitin. Huwag niyo siya idamay sa pulitikang bulok na ginagawa ninyo.
Kay Ginoong Pacquiao, pakiusap sana kung sakaling maaari kaming magbigay ng payo. Tanggihan niyo ang mga kalokohang appointment na ito. Huwag ka pagamit. Tumulong ka sa sambayanan, lalo na sa mga kabataang mahihirap na maaaring maiahon sa pamamagitan ng tamang training upang maging isang magaling na atleta. Tanggihan mo ang kalokohang ito!!!
******
Sistema ng anumang masamang pinuno o lider na gawing mangmang at masakitin ang sambayanan. Mas madali kasing hawakan at alipinin ang mahihina ang kalusugan at mapurol ang utak.
Iyan marahil ang dahilan bakit sa pamunuan ni Madam Senyora Donya Gloria ay pilit na ayaw alisin ang 12% expanded value added tax na pinapataw sa lahat ng gamot pati mga vitamins. Wala hong pinatatawad dito, bata o matanda, mayaman o mahirap, babae o lalaki.
Nais nilang maging mahina ang Pinoy dahil paano nga naman lalaban ang mahihina.
Pero di sila nagkakasya riyan. Ngayon nais na patawan rin ng evat ang mga importation ng lahat ng libro. Wala na silang gustong patawarin. Hindi lamang kikitain ang obvious na dahilan nila dahil gasino lang ba ang taxes sa libro.
Nais nila gawing mangmang ang Pilipino. Madaling apihin ang sambayanang masakitin at mahina ang ulo. Iyan lang ang dahilan.
Tanong lamang natin, hanggang kelan natin tatangapin ang kawalanghiyaang ito.

0 comments:

Post a Comment

Search This Blog

Loading...