Isa sa isyung laging nagiging usapan tungkol sa pamahalaan ay pangungurakot o corruption. Sa tindi naman at dami ng mga kuwento tungkol dito mula sa ordinaryong pangongotong ng mga pulis sa mga driver hanggang sa mga mala Goliath na kontrata gaya ng NBN ZTE deal at fertilizer scam ay nagiging manhid ang mga kababayan natin at marami ay sinasabing wala ng magagawa dito at kahit na sinoman ang pumalit ay ganuon din ang gagawin.
Dahil naman diyan sa ganuong paniniwala ay lumalakas ang loob ng mga corrupt lalo na kung makikita nilang tinitingala sila at hinahangaan dahil sa taglay na (nakaw na) yaman hindi lamang ng kanilang mga kapuwa corrupt kung hindi ng mga mamamayan pati kabataan na nagiging ambisyon ay manungkulan sa gobyerno upang magkamal din ng salapi at ari-arian.
Ito ho ang nakakatakot na nangyayari sa ating lipunan ngayon. Mga ugali na tuluyang sisira sa ating kinabukasan, lalo na ang ating mga kabataan.
Nakakalimutan natin na kahit na puwede kang mag-ambisyon at libre ang mangarap na pumalit sa mga walanghiyang mga ganid ay malabo mo silang mapalitan dahil hindi ho marunong mabusog ang mga buwitreng mga iyan.
Puwera pa ang sistema ngayon na ang ipapalit sa isang corrupt ay asawa niya, anak niya, kapatid niya, ama niya o ina niya. Minamana na ho ngayon na.
Ngayon kung nais niyo pa rin, aba malamang sumipsip na lang kayo at baka matapunan kayo ng tira tira nila pero habambuhay na lamang kayong alipin ng mga taong ito. Ating tandaan at uulitin, “walang alipin kung walang paaalipin.”
Lumalaki na rin ang bilang ng ating mga kababayan na nagsasawalang bahala na. Katuwiran nila kahit sino ipalit mo ganuon din ang gagawin. Nakakalimot ang mga taong ito na ang pagsasawalang kibo ay isang uri ng pangungunsinti.
Iyan ho ang isa sa dahilan bakit lalong lumalakas ang loob ng mga magnanakaw, nakakalusot sila.
Ilan naman sa kababayan natin ang tanging naiisip na paraan ay lumayas at mangibang bayan. Kaso sa mga nangyayaring krisis pinansiyal sa buong mundo, liliit rin ang bilang ng mga kababayan natin ang kanilang kukunin upang magtrabaho sa kanilang bayan. Problema pa nito, sa mga bansang pinupuntahan ng mga kababayan natin gaya ng Gitnang Silangan at mga mauunlad na bansa sa Asia ay hindi sila maaaring manatili ruon ng habambuhay. Pagkatapos ng kontrata nila pauuwiin sila.
Ang mga bansa naman na umaasa silang magkakaruon sila ng permanent residency na magiging citizen naman pagkaraan ng maraming taon ay naghihigpit na rin dahil sa hirap ng ekonomiya nila. Sarili nilang tao walang trabaho.
Mga kababayan, gumising sana tayo. Isa ho ang puno’t dulo ng suliranin ng ating bansa – corruption. Kung mawala o mabawasan lamang ito ay mangangahulugan na dagdag trabaho, dagdag pabahay, dagdag kalye, dagdag paaralan, dagdag libro at iba pang serbisyo ng gobyerno. Malilibre rin ang mga publikong ospital at higit sa lahat papasok ang mga namumuhunan at dadayuhin tayo ng mga turista na nais makita ang iba’t ibang magagandang lugar sa ating bayan.
Kailangan lamang nating gawin magkaisa laban sa corruption. Patalsikin mga corrupt, ikutya at ipaalam na bawal sila sa ating lipunan.
Friday, May 22, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment