Wednesday, April 15, 2009

MGA KATANUNGAN UKOL SA BUMAGSAK NA PRESIDENTIAL CHOPPER

Nung Semana Santa ay bumagsak ang isa sa presidential Bell 412 Helicopter sa Tinoc, Ifugao at nasawi ang walong katao sina Press Undersecretary Jose “Jocap” Capadocia, Usec Marilou Frostrom, asst. director Perlita Bandayanon of the Presidential Management Staff, the President’s senior military aide Brig. Gen. Carlos Clet, Air Force pilots Major Ronaldo Sacatani and Captain Alvin Alegata, Navy Petty officer 1 Demilyn Reyno and Staff Sgt. Roe Gem Perez.
Tutungong Banaue, Ifugao ang grupo nung Martes upang magsilbing advance party ni Madam Senyora Donya Gloria na scheduled magpunta sa naturang lugar nung nakaraang Miyerkules.
Komo ilang araw na walang pasok ang panahong iyon at marami ang kababalik lamang sa bakasyon liban pa sa bagong mga isyu nitong linggong kapapasok lang ay hindi pa rin malinaw ano ba ang nangyari nung araw na iyon.
Ang malinaw lamang sa ating lahat ay umalis mula sa Loakan airport sa Baguio city ang naturang chopper pasado alas 4 ng hapon, halos alas 5 na at sarado na ang naturang airport. Mapanganib kasing lumipad sa bulubundukin ng Mountain Province at Ifugao pag papalubog na ang araw dahil sa paiba-iba na panahon.
Nabanggit rin ng kaibigan nating si Ted Failon ng DZMM Lunes ng umaga sa programa nila ni Korina Sanchez na ala – una pa lamang ng hapon ay nasa airport na ang grupo nila Capadocia pero wala ang chopper na dapat sakyan nila. Lumapag ang chopper halos alas – 4 na ng hapon.
Sinubukan ng mga kapatid sa media magtanong sa Air Transportation Office (ATO) pero walang maibigay na sagot sa ilang mga katanungang ilalathala natin dahil hindi nga naman nag-rereport sa kanila ang Presidential Airlift Wing (PAW) na under sa Philippine Air Force (PAF). Ang PAW naman itatapon ka sa Public Information Office (PIO) ng PAF na iitsa ka naman pabalik na parang bola.
Dribol sila ng dribol pero walong katao ang nasawi sa naturang aksidente. Aksidenteng nababalot ng hiwaga dahil ayaw nga sumagot ng mga awtoridad kasama na ng Malakanyang.
Unang tanong natin: totoo ba na ang naturang chopper ay ginamit muna mula sa Maynila ni Kongresista Mikey Arroyo (panganay na anak ni Madam Senyora Donya Gloria at Sir Senyor Don Jose Miguel Pidal Arroyo)?
Pangalawang tanong: totoo bang hindi umalis sa oras si Kongresista Mikey at napilitan pang hintayin kaya late na late na dumating sa Baguio?
Pangatlong tanong: totoo bang napilitang tumuloy ang mga nasawi kahit na alanganin na ito dahil hindi uubrang matuloy ang pagbisita ni Madam Senyora Donya Gloria sa Ifugao kinabukasan kung walang advance party?
Pangapat na tanong: sino ang nag-utos at nagbigay ng clearance sa piloto na tumuloy sa naturang flight?
Lahat ho iyang katanungang iyan ay hindi ho sinasagot ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Sinumang magtangkang magtanong ay magmumukhang bolang pinagpapasahan.
Meron ba silang tinatago na magpapalitaw ng katotohanan na wala sanang sakunang mangyayari kung nasunod ang lahat ng tamang regulasyon kasama na ng nasa tamang oras ng pag-alis mula Maynila hanggang sa pilitang paglipad kahit na mapanganib na.
Sana sagutin nila, walong buhay ang nasawi kahit na mga tauhan ng Malakanyang.

0 comments:

Post a Comment