Tuesday, April 7, 2009

KAPALMUKS

Nuong Biyernes ay dineklara ng Organization of Economic Cooperation and Development (OECD) ang Pilipinas bilang isa sa apat na bansa na kanilang nilagay sa black list dahil perfect pa rin ang mga bangko natin na taguan ng nakaw o iligal na yaman.
Hinanay tayo sa Costa Rica, Uruguay at isang state ng Malaysia. Matindi pa nito, ginawa ang anunsiyo habang nagmeemeeting ang mga miyembro ng OECD sa London, United Kingdom kung saan nakatuon ang mata ng buong mundo.
Ang OECD ay dating kilala bilang G – 20 at samahan ng mga bansang mauunlad at masasabi nating mayayaman. Ilan sa kabilang rito ay ang United Kingdom o Great Britain, United States, Canada, China, Japan, Germany, Russia at France.
Tuwing magkikita ang mga pinuno nito, pinaguusapan nila kung ano ang magaling gawin sa ekonomiya ng buong mundo. Sa naturang pagtitipon tipon, nagkasundo pa ang naturang mga pinuno ng OECD na maglagak ng trilyong dolyares upang ipautang sa mga bansang nangangailangan nito.
Pero ang sinumang mga bansang nais humingi ng tulong sa kanila ay kailangang sumunod sa mga alituntunin na nilalabas nila. Kasama sa mga alituntunin na pinagkasunduan ng naturang mga lider ay ang pagbabawal nag awing taguan ng mga nakaw at iligal na yaman ang kani-kanilang bangko.
Ultimo mga dating lagakan ng mga magic na bank account gaya ng Switzerland, Leichtenstein at iba pa ay puwersadong sumusunod sa kanila.
Dahil sa pagkakalagay sa atin sa ganuong grupo, asahan natin na hindi tayo tutulungan ng mga nasabing bansa at lalabo rin na maglagak ng anumang investments ang mga negosyanteng galing sa mga naturang bansa. Halos lahat ng major investments sa buong mundo ay galing sa mga bansang miyembro ng OECD o di kaya’y malapit na maging kasapi nila.
Matindi nito, hirit pa bigla ang mga magagaling sa Malakanyang. Ang mga alipores ni Madam Senyora Donya Gloria gaya ni Press Secretary Cerge Remonde na tinuro pa ang Kongreso dahil hindi raw nagpapasa ng batas na siyang magbabago ng ating bank secrecy law.
Paalala lamang ho sa inyo, nuon pa man, hinamon na kayo ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na pumirma lahat ng pulitiko ng isang kasulatan na nag-aalis ng bank secrecy law. Ito ho yung batas na ayaw ng OECD countries.
Walang pumayag rito sa mga pulitiko natin pero matindi, ginamit pa itong dahilan ni Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo at ni Kongresista Ignacio “Iggy” Arroyo nung nilabas ni Sen. Ping ang Jose Pidal account.
Hindi rin pumayag rito si dating Comelec Chairman Benjamin Abalos na hanggang ngayon ay hindi kinakasuhan tungkol sa ZTE – NBN deal.
Ang mga kilalang sangkot sa Fertilizer Scam gaya ni dating Agriculture Undersecretary Jocjoc Bolante na matalik na kaibigan ni Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo ay tumanggi ring ilabas ang bank account niya at ginamit rin ang bank secrecy law.
Madam Senyora Donya Gloria, kung talagang nais ninyong maalis ang Pilipinas sa listahang ito, utusan niyo lang ang lahat ng bangko sa Pilipinas na may account kayo at pamilya niyo na isa publiko ang mga deposito at withdrawal ninyo. Isama niyo rin ang mga nasa ibang bansa.
Ang mga kaalyado niyo naman ay puwersado ring susunod kung kayo ay gagawa at sinumang hindi ay aalisin niyo sa puwesto.
Kaso, manhid na talaga at wala tayong aasahan. Ika nga nila, kapalmuks.

0 comments:

Post a Comment

Search This Blog

Loading...