Tuesday, April 28, 2009

DAGDAG NA KONGRESISTA, DAGDAG NA KAPALMUKS

Nagdesisyon ang Korte Supreme na kailangan daw dagdagan ang miyembro ng mababang kapulungan o Kongreso ng 32 pang representante. Hirit naman ang mga alagad at kaalyado ni Madam Senyora Donya Gloria na Kongresista na kailangang gawin 350 ang miyembro ng Kongreso.
Sa kasalukuyan ho ay 238 ang miyembro ng Kongreso, mga honorable ika nga. Bawa’t isa, kasama na ho si Kongressmen Mikey Arroyo, Dato Arroyo (mga anak ni Sir Senyor Don Jose Miguel Pidal Arroyo at Madam Senyora Donya Gloria) at si Iggy Arroyo (Tiyo nila at kapatid ni umaaming siya at hindi kuya niya si Jose Pidal).
Sa bilang na 238, dadagdagan pa natin ng 32 ay magiging 270. Sa bagong bilang na ito, mapapasama pa rito si Maria Lourdes Arroyo ng Kasangga Party List. Bawa’t isang kongresista ay tumatanggap ng P70 million pesos. Saya saya naman nila ano, nakatira sa Malakanyang ang Ina at Ama kahit na sinasabi ng lahat ng squatter, tapos merong pang P210 million kada taon na pork barrel at magiging P280 million pa. Aba malapit na itong matawag na House of Arroyo.
Isipin ho ninyo mga kaibigan, bawa’t isang Kongresista ay nabibigyan ng P70 million sa pork barrel kada taon. Hindi pa kasali ang bagong 32 ay aabot sa P16.660 billion pesos. Kung kasama ang kapatid ni Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo at 31 isa pa ay aabot sa P2.240 billion pesos. Magiging P18.9 billion pesos dahil sa kautusan ng Korte Suprema pero paano kung aabot ito sa 350 representante di total nito ay P24.5 billion pesos.
Laking halaga at aaminin kong anak kong si Carl ang nagkuwenta. Pagdating kasi sa numero palpak na palpak tayo kaya pagsusulat ang pinasok natin. Anyway, kung totoong napupunta ang halagang ito sa pagaayos ng kani-kanilang distrito lalo na mga livelihood program, bakit mukhang walang epekto ito.
Puwera pa ho rito ang P4.8 billion pesos na tinatanggap naman ng 24 na senador dahil bawat isa sa kanila ay may P200 million pesos na pork barrel. Tanging si Sen. Panfilo “Ping” Lacson ay hindi kumukuha ng pork barrel.
Siyanga pala mga kababayan, taon taon ho ito at puwera pa ho ang budget nila para sa opisina, sasakyan, staff at siyempre biyahe kung saan saan parte ng mundo.
Iyan siguro ang dahilan bakit marami ang nais maging kongresista at senador.
Ang trabaho ng senado at kongreso ay gumawa ng batas pero lumalabas ay para magpagawa ng kalye, bumili ng libro, gamot at kung ano ano pa. Sabagay walang komisyon sa paggawa ng batas kahit na 10% man lang. (kadalasan ho ay umaabot ng 30% kada proyekto kaya bawat kongresista na malamang may P21 million pesos at kada Senador may P60 million pesos --- sarap talaga.)
Alisin ang pork barrel at makakatipid pa ho ang bayan dahil laking bawas nito sa budget bukod pa sa tiyak liliit ang bilang ng nais na tumakbo bilang kongresista at senador.
Dagdag na bilang ng kongresista, batong ipupukpok natin sa hindi lamang sa sariling ulo kung hindi sa buong katawan. Kawawang Pinoy, buto’t balat na ginagatasan pa.

0 comments:

Post a Comment

Search This Blog

Loading...