Tuesday, March 3, 2009

SIBAKIN ANG OMBUDSMAN?

Nagsampa ng impeachment case si dating Senador Jovito Salonga sa Kongreso nuong Lunes ng umaga laban kay Ombudswoman Merceditas Gutierrez. Sinamahan si Sen. Salonga ng Former Senior Government Official (FSGO), Black and White Movement, Bantay Katarungan at iba pang organisasyon na nagsamasama laban sa katiwalian at kapalpakan ng administrasyon ni Madam Senyora Donya Gloria o mga opisyal nito.
Ang dahilan ho bakit nagsampa ng impeachment case ang grupong ito laban kay Gutierrez ay dahil sa hindi niya pagkilos laban sa mga katiwalian ng ilang opisyal ng gobyerno, lalo na mga opisyal na malapit kay Madam Senyora Donya Gloria o di kaya’y kay Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo.
Ilan sa mga opisyal na ito ay si dating Agriculture Undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante na obvious na may sala sa fertilizer scam na umonse sa sambayanan ng daan daang milyong piso.
Isa pa ay si dating Justice Secretary Hernando Perez na napawalang sala dahil tinulugan ng Ombudsman ang kaso.
Kasama rin diyan ang Department of Public Works and Highways na nakitaan ng kapalpakan ng World Bank na nagbigay pa ng kopya ng kanilang findings kay Ombudsman Gutierrez pero hindi kumilos ang mga ito hanggang sa ibulgar ito ni Sen. Panfilo Lacson.
Andyan rin ang hindi pagkilos ni Ombudsman Gutierrez sa kaso ng ZTE –NBN deal na bilyong piso ang halagang dadalihin sa sambayanan.
Natulog rin ang kasong sinampa ng inyong lingkod at ni Lito Banayo laban kay Dean Barbers na dating General Manager ng Philippine Tourism Authority. Hanggang sa mawala si Barbers, hindi kumilos ang kaso samantalang pangitang pangita ang ebidensiya sa tabi ng Intramuros.
Marami pa hong iba pero gaya ng sabi ng matatanda ay mahirap gising ang nagtutulug-tulugan. Inupuan ang mga kasong ito samantalang ang mga kaso naman ng maliliit na kawani ng gobyerno na balita natin ay hindi kayang maglagay o magbigay sa mga bata ni Gutierrez ay dali daling inaaksyunan.
Bagamat todo deny si Ombudsman Gutierrez na tinutulugan niya ang kaso, hindi natin maintindihan bakit pag malapit sa kay Madam Senyora Donya Gloria o sa kaeskwela niyang si Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo ay hindi gumagalaw ang kaso.
Malinaw na may pinapaboran siya at iyan ang dahilan bakit nagsampa ng impeachment case sina dating Sen. Salonga.
Kaso mga kaibigan, kung sakaling maalis si Ombudsman Gutierrez, maaayos ba ang naturang opisina? Mababawasan ba ang pangungurakot sa gobyerno? Meron bang makukulong na galamay si Madam Senyora Donya Gloria o Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo? Makakasuhan man lang ba ang ilan sa pamilya o kaalyado o kapartido ni Madam Senyora Donya Gloria at Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo?
Hindi? Bagamat naniniwala tayo sa ginawa ni dating Sen. Salonga at mga kasamahan niya, ang nais natin ay ang mawala si Madam Senyora Donya Gloria na tuwiran nating sasabihin siyang dahilan ng lahat ng suliraning ito.
Kung hindi niya kayang magsilbing ehemplo sa kanyang tauhan, paanong susunod sila? Simple lamang ito kaya muli sasabihin ko patalsikin si Gloria!!!

0 comments:

Post a Comment