Nais ko lamang pong paalam sa inyo na iba pala talaga ang pinagsamahan ni Sir Senyor Don Jose Miguel Pidal Arroyo at ni Ombudswoman Merceditas Gutierrez. Sa mga malisyoso ang isip, mali ho kayo, wala ho silang nakaraang romantic relationship pero mas malalim ang pinagsamahan nila at pagkakaibigan nila.
Una ho, magkaeskwela sila sa law school ng Ateneo. Sabi pa sa atin ng isang kasabay rin nila ay close sila bilang kaibigan at malamang daw ay sabay pa nagrereview para sa mga exams at malamang pati sa bar exams.
Pangalaw at ito ho ang mas matindi, sabay sila kumuha ng bar exams at sabay rin silang lumagapak. Sabay silang bumagsak sa bar exams. Dahil diyan, malinaw na hindi maaari maging miyembro ng Korte Suprema si MG dahil ayon sa batas ay walang bar flunker ang maaaring malagay sa kataas taasang Korte.
Pangatlo ay sabay naman silang pumasa pero pasang awa. Yun bang muntik muntikan na ring sumemplang. Hindi ho nangangahulugang nag kopyahan sila.
At sa ngayon pati initial nila magkalapit hindi po ba, yung isa FG dahil First Gentleman at yung isa naman ay MG dahil Merceditas Gutierrez.
******
Si Merceditas Gutierrez, ang Ombudsman, na nais patalsikin ng mga civil society group sa pangunguna ni dating Senador Jovito Salonga at mga miyembro ng Former Senior Government Officials (FSGO).
Nagsampa ng impeachment case sa Kongreso ang grupo laban sa Ombudswoman dahil sa hindi nito pagkilos sa mga kasong natutulog sa opisina niya. Mga kasong kaugnay sa mga anomalya ng ZTE –NBN, Fertilizer Scam, IMPSA – Nani Perez (na dismiss tuloy ito dahil hindi mga kumilos ang opisina ni Mercy Gutierrez o MG), Book Scam, World Bank scam at kung ano ano pang scam na inaamag sa opisina niya.
Ang gumagalaw lamang sa kanyang opisina ay kung mababa kang opisyal ng gobyerno o di kaya’y nais ka na palayasin ng Malakanyang.
Pero kesa sagutin ang mga bintang sa kanya, nagwala si MG at parang palengkerang kinagalitan ang mga nagsampa ng kaso laban sa kanya. Hirit niya na si dating Sen. Salonga ay walang ginawa nuong ito pa ang pinuno ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), tinira niya rin si dating Social Welfare Secretary Dinky Soliman na dapat raw ayusin na lang ang kulay ng buhok. Si dating Mindanao Peace Panel head Ging Deles naman daw ay palpak dahil wala pa rin namang katahimikan sa Mindanao. Si Congresswomen Rizza Baraquel ay kinana niya at may plano raw itong tumakbong senador sa 2010.
Kahit ano ang sabihin ni MG paalala lamang natin sa sambayanan na ang mga nagsampa ng kaso laban sa kanya ay nanindigan laban sa corrupt na administrasyon ni Madam Senyora Donya Gloria. Kung nanahimik at nakipagsabwatan lamang sila ay nakapuwesto pa sila at namamasasa sa kaban ng bayan.
Kaso, may paninindigan ang karamihan sa kanila at pinili ang buhay na walang bodyguard, walang libreng kotse, walang libreng biyahe, walang staff na bayad ng bayan, walang allowances at higit sa lahat ilagay ang buhay sa alanganin dahil markado ng Malakanyang.
Dahil diyan, kahit anong sabihin ni MG at kahit na anong gawin niya at mga kakampi niya sa pamumuno ni FG, saludo kami sa grupong naglakas loob na labanan ang katiwalian at manindigan para sa bayan.
Sunday, March 8, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment