Tuesday, March 10, 2009

MARAMING PERA ANG MANANALO

Maraming pulitiko ang nais maging Pangulo ng Pilipinas pero higit ang hangarin ng isang ito na ubod ng yaman.
Ayon sa kampo niya, handa silang gumastos ng hanggang P5 bilyong piso (P 5,000,000,000.00) at kahit na hindi nila aminin ito ay hindi tayo magtataka. Kaliwa’t kanan ang paglalabas nila ng pera. Ads dito ads diyan. Meron pang patulong tulong kuno at tuwing bibisita ang sinuman sa mala palasyo niyang tahahanan ay asahan na merong pakimkim at masarap na pagkain.
Party every day sa kanila at puwera pa rito ay pag-anyaya sa mga lider pulitika mula sa mga senador na parang mga asong ulol o asong kalye na susunud sunod sa kanya, mga kongresistang dati niyang kasama at inalagaan niya hanggang sa mga barangay chairmen na binibigyan niya kada “patawag” ng P2,000.
Dating rin ng taong ito ay napaka matulungin niya. Panay ang sundo niya sa mga overseas Filipino workers na may problema sa abroad. Ginagastusan niya ng ticket sa eroplano at personal pa siyang susundo kung nasaang bansa sila naipit o di kaya’y papakita pa sa airport upang yakapin at salubungin ang mga kakaawa nating mga kababayan, dala nga lang ang media para makunan siya.
Sa larangan naman ng palakasan, kaliwa’t kanan rin ang donasyon niya, lahat halos ng lumalapit pinagbibigyan. Pang uniporme, pang sapatos, pang biyahe, pang bola, halos lahat baka nga pati pambili ng brief ready siya gumastos.
Sa maikling salita, super bait ang naturang pulitiko. Lahat handang tulungan. Lahat handang bigyan ng salapi. Lahat handang gawin makuha lamang niya ang Pangulo. Kakaiba siya, pero may isang problema.
Saan ba nanggaling ang pera niya? At paano kung nakatira na siya sa Malakanyang.
Natural babawiin niya at higit pa dahil nanduon na siya. Hindi ngang malayong daigin pa niya ang kasalukuyang squatter duon.
Pero pag dumating na ang panahong iyon, kahit na anong pagbubulgar ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson at iba pang mga malalakas ang loob na labanan ang katiwalian ay huli na ang lahat.
Lahat ito dahil nagpabili tayo. Nasilaw tayo ng salapi nila. Buong akala natin matino sila, pero hindi, magnanakaw rin sila na namuhunan lamang upang makamtan ang mas malaking salapi at kapangyarihan.
Pero ano pa ang magagawa pag nagkaganuon, hihintayin na naman ba natin ang susunod na eleksyon upang ipagbili muli ang ating kinabukasan?
Mga kababayan, uulitin ko ang isang paalala sa inyo. Huwag basta basta magtitiwala, huwag basta basta bibilib. Tingnan mabuti kung ano ang pinanggalingan at higit sa lahat tanungin niyo ang sarili niyo bakit ang isang kandidatong nais maging Pangulo ng Republika ng Pilipinas ay gagastos ng bilyong bilyong piso upang sumuweldo ng wala pang P100,000 kada buwan o P1,200,000 kada taon. Magisip isip tayo.
******
Inagahan natin ang discussion sa pulitika kahit na naniniwala pa rin tayong hindi bababa mula sa Malakanyang si Madam Senyora Donya Gloria. Kung sakali kasing matuloy ang election nais natin ng isang lider na siyang tunay na maglilingkod sa bayan. Kayo ho, sino sa palagay niyo ang dapat at bakit? Sama niyo rin ang pangalan at address niyo. Totoong pangalan at address ha. Text ho kayo o email ng kasagutan.

0 comments:

Post a Comment

Search This Blog

Loading...