Tuesday, March 31, 2009

GISING BAYAN

Mainit ang usapan ngayon tungkol sa sinulat ng isang bastos at halatang walang pinag-aralang manunulat na taga – Hongkong. Ni hindi ko gustong isulat ang pangalan niya dahil para sa akin ay “hindi siya tao.”
Hindi na natin isusulat ano ang pinagsasabi niya dahil nasa iba’t ibang pahayagan na ito pero ito ho yung artikulo niyang tungkol sa ang Pilipinas ay bayan ng mga alipin.
Ang mas mahalaga nating talakayin ngayon ay bakit ba tayo nagkakaganuon? Bakit ba ang mga ina natin ay napipilitang iwan ang kanilang mga anak at pamilya upang magtrabaho sa malayong lugar na kakaiba ang kultura? Ang mga ama ng tahanan naman ay ganuon din, iiwan ang pamilya upang magpaalipin sa ibang bansa sa pagasang mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak.
Sadyang nakakaawa na tayo. Halos lahat ang ambisyon ang mangibang bayan. Lisanin ang sariling bayan dahil sa kakulangan ng trabaho. Ang mga doctor papayag na maging nurse makarating lamang sa bayan ni Pangulong Obama.
Ang mga titser naman, lilipad ng Hongkong upang maging yaya sa mga batang nais matutong mag-English. Mga sundalo at pulis na ginawang security guards o di kaya’y inuuna sa peligro sa Middle East.
Mga engineers naman tutungong middle east para maging utusan ng mga Arabong marami lamang pera pero kapos sa pinag-aralan.
Marami pang ibang halimbawa. Pahaba ng pahaba ang listahan ng mga kababayan nating inaapi. Mga binugbog, ayaw bayaran, ni-rape, pinaso, minaltrato at iba iba pang uri ng pang-aapi sa ating mga kababayang ang tanging kasalanan ay maghangad na kumita ng maayos na pera at mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya.
Pero ang katanungan bakit ba napipilitan magsilisan ang mga kababayan natin? Sino ang may gustong malayo sa pamilya?
Kasalanan ho ito lahat ng isang bulok na pamahalaan. Nang mga namumuno (mula sa squatter sa Malakanyang hanggang sa local na opisyal) na mas importante patabain ang mga bulsa at magkabahay hindi lamang rito sa atin kung hindi sa iba’t ibang bansa.
Tandaan natin ang budget natin ay nagkakahalaga ng mahigit P1.3 trillion pesos. Sa halagang ito, mahigit 20% ang napupunta sa corruption. Sa ZTE, sa Jose Pidal, sa fertilizer scam, sa swine scam, book scam, legacy scam at kung ano ano pang nabulgar ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson at iba pang mga tunay na oposisyon.
Kung mababawasan man lamang ang pangungurakot na ito, gaano karaming trabaho ang madadagdagan? Gaano karaming tahanan, ospital, paaralan at libro, kalye at iba pa ang mapapakinabangan ng sambayanan?
Maraming marami ho at dahil diyan lalaki rin ang bilang ng mga hindi na kailangan mangibang bayan. Iyan ang katotohanan at sana itong ginawa ng walang modong Hongkong writer na ito ay magsilbing wake up call sa ating lahat.
Tandaan natin, nangyayari ang ganuong pag-aapi sa atin dahil wala tayong magawa. Nakakakapit tayo sa patalim pero lahat kasalanan pa rin natin dahil pinapayagan nating lokohin, dayain, pagnakawan ng ating sariling mga opisyal.
Kapag patuloy natin pinayagan ito, hindi lamang tayo ang magdurusa kung hindi mga anak at apo natin. Huwag payagan ang kawalanghiyaan nila, gising na bayan.
******
Text ho kayo ng iba’t ibang paraan ng paglaban sa mga ganid sa ating lipunan na siyang dahilan ng pang-aalipusta sa atin ng mga dayuhan. Ilalathala natin ang ibang suhestiyon sa susunod nating column.

0 comments:

Post a Comment

Search This Blog

Loading...