Bago tayo makalimot ay batiin muna natin si Madam Senyora Donya Gloria. Malamang matindi talaga ang kanyang experience at pinagaralan dahil hindi lamang tayo isa sa pinakacorrupt na bansa sa buong mundo kung hindi adjudged ba tayong “deadliest peacetime nation for journalists.”
Matindi pa nitong award na natamo nila Madam Senyora Donya Gloria ay handog pa ito ng New York based organization na Committee to Protect Journalists. Kaya ba iyan ng ibang mga nakaraan nating mga Pangulo at bago pa kayo humirit tandaan ninyo hindi iyan pagkilala ng local na organization o di kaya’y grupong pang Asia lamang, ito ay isang international organization na ang mga miyembro ay galing sa buong mundo.
Madam Senyora Donya Gloria – Congratulations ho Madam!!!
******
Puro isyung national ang napaguusapan natin maliban sa huling artikulo natin tungkol sa problema sa Franville Homes 4 sa Zabarte road na ayaw pa ring pansinin ni Mayor Recom Echiverri.
Sabagay, nuong sinulat natin ito ay agad nating sinabi na malamang magbulagbulagan o magbingibingian ang nabanggit nating mayor. Gaya ng inaasahan, ganun na nga, gayunpaman sana hindi siya totoong maging bingi at bulag.
Anyway, tungkol sa mga problemang local ay ating pinaaalahanan ang mga alkalde ng iba’t ibang siyudad rito sa Metro Manila sa ginagawa ng mga tindahan at kainan na ang sidewalk sa harapan nila o parking ay inookupahan at maaari lamang gamitin ng customer ng naturang puwesto.
Karamihan sa mga puwestong ito, buong akala ay sila ang nagpagawa ng kapirasyon sidewalk at parking at hindi ang pamahalaang lungsod.
Panawagan rin natin sa mga mamamayan natin na huwag ho kayong papayag sa mga ginagawang ito ng mga guard ng mga naturang restaurant, bangko o tindahan. Igiit ninyo na ang may-ari nito ay sambayanan dahil ang pinanggawa rito ay pera ng bayan.
Tinalakay natin ito dahil isang uri ito ng pang-aabuso ng mga pribadong establishment na hindi naman kinakastigo ng mga local na opisyal.
Suggestion ho sa mga alkalde, baka ho puwede magbigay kayo ng hotline kung saan maaaring magreklamo ang mga tao sa mga ganuong palpak na gawain. Pakisabihan rin ho ang mga pulis sa inyong lugar o di kaya’y mga traffic aide na huwag payagan ito.
******
Uulitin rin natin ang panawagan natin sa inutil nating mga opisyal ng pulis na pigilan ang mga sasakyang may wang wang (siren). Kahit sino yatang siga sa ating lipunan ay meron na nito basta may pera.
Nuong panahon ho ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada kung saan umabot tayo sa posisyong equivalent ng undersecretary (General Manager ng Philippine Tourism Authority) ay pinaalis pa natin ang wang wang na nasa kotse. Katuwiran natin, kung may meeting tayong pupuntahan, di agahan natin para hindi tayo mahuli.
Ganundin po ang karamihan sa mga opisyal nung mga nakaraang mga administrasyon. Naaalala natin si Lito Banayo na siyang Presidential Adviser on Political Affairs (cabinet rank) na walang wang wang at naiiipit sa trapik gaya ng ibang mga motorista.
Paalala lamang natin, tanging emergency vehicles gaya ng fire truck, ambulance, mobile at Pangulo, Pangalawang Pangulo at siguro ang Senate President at Speaker of the House ang maaaring may wang wang.
******
Wednesday, March 25, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment