Thursday, March 12, 2009

ALISIN SI GLORIA

Panawagan ng ilang mga senador ay magbitiw sa kanyang tungkulin si Securities and Exchange Commission Chair Fe Barin. Nangyari ito matapos matuklasan na proteksyong tinatanggap pala ni Celso delos Angeles ng Legacy Group of Companies ay galing sa naturang ahensiya.
Si Celso delos Angeles ho ang isa sa dating opisyal ng Department of Housing sa ilalim ni Bise President Noli “Kabayan” de Castro at may-ari ng Legacy group na siyang responsible sa pang-oonse sa libo libong kababayan nating nag-impok sa kanyang mga bangko o di kaya’y nag-invest ng kanilang naipong pera.
Kaibigan rin siya ni House Speaker Prospero “Boy” Nograles at marami pang matataas na opisyal ng administrasyon ni Madam Senyora Donya Gloria.
Lumalabas rin na nagkaroon ng bagong bahay ang isang commissioner ni Chair Barin na dating tahanan ng mga Angeles, bukod pa sa isang mamahaling sasakyan.
Ayaw naman magbitiw ni Barin at iba pang opisyal ng SEC. Obvious na wala ng delikadesa sa bansang ito.
Bago mangyari itong panawagan na magbitiw si Barin at mga kasama niya ay nagkaroon rin ng panawagan ang mga sibil society group at iba pang mga grupong hangad ang isang malinis na gobyerno na mag-resign si Ombudswoman Merceditas Gutierrez na kaeskwela ni Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo.
Obvious din na walang nangyayari sa opisina ni Gutierrez at kesa pakinggan ang sambayanan at tingnan kung ano nga ang pagkakamali nagagawa nila ay tinarayan pa ang mga kritiko na kasama pa si dating Senador Jovito Salonga.
Gaya ng kay Barin, halatang hindi na uso ang delikadesa sa administrasyong ito at lahat sila iisa ang sagot, Malakanyang lamang ang makakapag-alis sa kanila. Wow!!! Parang aalisin naman sila at kasabwat sila sa mga nangyayari kaya paanong sisibakin.
Pero ang inyong lingkod po ay hindi mananawagan na magbitiw ang mga taong ito sa kanilang puwesto. Katunayan, nais ko na manatili sila at gawin nila ang mga kasalukuyan nilang ginagawa. Patunayan nilang malalakas sila at hindi nila inaalintana ang mamamayan. Pakita rin nila na tanging ang kaligayan ni Madam Senyora Donya Gloria at ni Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo ang importante sa kanila.
Gaya ng matagal na nating sinasabi at uulitin pong muli. Hindi mababago ang sistema ng pamahalaan habang ang nanunungkulan sa Malakanyang ay siyang nuknukan ng corrupt. Hindi natin masasabi sa mga nasa ibaba na magtrabaho ng tapat.
Kung ang namumuno ay corrupt, bakit susunod ang mga nasa ibaba. Natural lamang na gumaya sila at katotohanan nito, marami sa kanila ang puwersado pang makisama dahil nais nilang manatili sa puwesto.
Lumayas man sila, ipapalit sa kanila ganuon din. Walang papasok sa kasalukuyang rehimen na nais maglingkod ng tapat. Iisa ang hangarin ng sinumang sumama sa administrasyong ito at iyan ay patabain ang bulsa.
Hindi solusyon ang alisin si MG, si Barin at iba pang corrupt na opisyal ng gobyerno. Ang solusyon, ang tanging solusyon ay alisin si Madam Senyora Donya Gloria. Siya ang dapat magbitiw dahil unang una ninakaw niya lamang ang pagkapangulo hindi lamang isang beses kung hindi dalawa.
Pag wala na siya sa Malakanyang, kung magiging matapat ang papalit, sila ang magtatanggal sa mga corrupt at ang ipapalit mga matitino at matapat. Alisin si Gloria!!!

0 comments:

Post a Comment