Naghihirap ang milyong milyong Pilipino. Marami sa mga kababayan natin ay ni hindi makakain ng tatlong beses isang araw. Meron pang mga literal na isang kahig isang tuka.
Halos lahat rin ng pamilyang Pilipino ay napipilitan ring maging malayo sa isa’t isa dahil sa kakulangan ng trabaho rito sa atin. Mahigit sampung porsyento ng pamilyang natin ay may overseas Filipino workers (OFW).
Ang mga natitira namang nagtatrabaho rito ay puwersadong tumanggap ng mababang sahod o di kaya’y bale walain ang pinagaralan. Mga ginapang ng magulang upang makapagtapos pero dahil sa kakulangan ng trabaho ay janitor, waitress, driver, security guard o masakit sabihin call girl o call boy.
Marami rin ang halinhinan sa pagtulog dahil sa liit ng kanilang bahay na pinagsama sama na ang kusina, sala at silid tulugan. Ang bilang ng natutulog sa kalye ay palaki rin ng palaki at hindi lamang po ito sa Metro Manila kung hindi pati sa mga probinsiya.
Iba naman ay salitsalitan ang pag-aaral. Ngayon ay si Junior at sa isang taon ay si Ate dahil hindi lamang walang pambili ng libro, baon o pamasahe kung hindi dapat tumulong sa pamilya sa pamamagitan ng pagtitinda sa kalye.
Sa maikling salita, sobra sobra ang kahirapan sa atin. Namumulubi ang marami sa ating mga kababayan at halos lahat tayo ay natotorete sa kaiisip kung paano natin maitaguyod ang ating pamilya.
Pero si Madam Senyora Donya Gloria at mga kaalyado, kakampi, kasabwat, kaibigan, kamaganak at ultimo kapartido sa Lakas, Kampi, NPC at iba pang political party ay gumagastos ng daan daang milyon araw araw.
Magagarang kotse, magagandang cell phone, altanghap (almusal, tanghalian at hapunan) sa mga five star hotel, bodyguards na kasama sa shopping, night club at kung ano pang magagandang lugar sa ating bansa at itong huli, liwaliw sa iba’t ibang bansa at gagastos ng daan daang milyon.
Para sa ano, para habulin si US President Barack Obama na ayaw naman sila harapin dahil alam ang kanilang kalokohan.
Bawal ho ang magmura sa pahayagan, telebisyon o sa radio. Ang mga masasakit na salita pinagbabawal at hindi maaaring ilathala. Ano ang gagawin natin, hanggang mura na lang ang maaari nating gawin. Sumpain sila at hangaring kunin na sila ng lord (ng kadiliman) upang kahit paano ay mapawi kahit konti ang paghihirap ng bayan.
Ang inyong lingkod hindi rin ho maaaring gawin ang maglathala ng mga salitang gaya ng p*&(*% pero naisip ko ho para kahit paano mailaban naman natin ang ngitngit natin ay bibigyan ko kayo ng isang sentence na may blangko. Si Madam Senyora Donya Gloria, si Sir Senyor Don Jose Pidal Arroyo, mga kaalyado nila, kakampi nila, kampon nila, kakutsaba nila ay ______________. Kayo na ho ang magpuno. Kung nais niyo, text niyo sa akin o di kaya’y e mail.
Komo hindi kaya ilabas sa diyaryo, pag-aralan ko ho kung maaaring ilathala sa blogsite natin. Kung maaari, maganda siguro ilathala natin.
******
Kamakailan ay pinaghuhuli ng mga pulis ang drug tyange sa Manila. Tama ho ito at kahit paano ay mababawasan ang insidente ng nakawan at patayan dahil sa mga addict na kailangang tustusan ang bisyo.
Kaso ho may kulang pa rin. Bakit ang hinuhuli mga nasa ibaba? Nasaan ang mga drug lord, mga nagpaparating ng Shabu. Mas maganda kung sila ang tikluin niyo at ipalamon niyo pa sa kanila ang droga. Sa ganuong paraan, walang ititinda ang mga nasa iba, walang magagamit ang mga kabataan at higit sa lahat nababawasan ang mga walanghiya sa ating bansa.
Problema nga lamang, kaya ba ito ng mga pulis Maynila at iba pang miyembro ng Philippine National Police lalo na kung ang tongpats ay mga kilalang malalapit sa mga naghaharing uri sa ating bansa.
Friday, February 13, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment