Tuesday, February 24, 2009

PURO KABUWISITAN AT KAMALASAN

Pinagpipilitan ni Ginoong Cerge Remonde, ang press secretary ni Madam Senyora Donya Gloria, na matutuloy raw ang election sa 2010 at ang sinumang namimilit na hindi maniwala sa pinagsasabi nila ay destabilize.
Ginigiit ito ng Malakanyang kahit na patuloy ang paglaki ng bilang ng mga kaalyado nilang kongresista na pumirma sa resolution na nagpapanukalang baguhin ang saligang batas. Kung dati rati ay 169 lamang, nuong Lunes ay umabot na ang bilang sa 180 at asahan nating lalake pa ito.
Ang kailangang numerong makuha nila ay 196 kung idadagdag natin ang 24 na senador. Kung makukuha nila ito, kahit na umayaw ang senado na hawak pa rin ng mga oposisyon gaya nila Senador Panfilo “Ping” Lacson, Mar Roxas, Loren Legarda, Nene Pimentel at iba pa, ay puwede nilang iakyat ang kaso sa Korte Suprema.
Hindi kasi malinaw kung magkahiwalay bang boboto ang senado at kongreso o sabay sila bago puwedeng baguhin ang ating Saligang Batas o Konstitusyon kaya Korte Suprema ang magiging final na patutunguhan ng usapang ito.
Diyan lalake ang problema natin, karamihan sa mga Justices ng Supreme Court ay appointee na ni Madam Senyora Donya Gloria. Masakit pa nito, karamihan pa sa kanila ay balitang sunud sunuran pa sa iskwater ng Malakanyang.
Makikipagpustahan ho ako na kung umabot ang nasabing usapin sa Korte Suprema, sasangayon ito kay Madam Senyora Donya Gloria.
At kung magkakaganuon, mababago ang Saligang Batas at maaaring baguhin ito hindi lamang sa economic provisions na pinagsasabi ni Speaker Prospero “Boy” Nograles at Congressman Louie Villafuerte kung hindi sistema ng gobyerno natin.
Mula sa Presidential form of government ay maaari tayong lumipat sa Parliamentary kung saan maaaring tumakbo bilang miyembro ng Parliament si Madam Senyora Donya Gloria sa distrito niya sa Pampanga at dahil diyan ay mahalal ng mga kakampi, kaparte-do, kakutsaba, kasabwat, kaalyado bilang Prime Minister ng bansa.
Kung magkakaganuon, tuloy ang ligaya nila at patuloy naman ang paghihirap ng sambayanan. Sa simpleng salita, patuloy na mamumuno ng Pilipinas ay si Madam Senyora Donya Gloria na asawa ni Sir Senyor Don Jose Miguel Pidal Arroyo.
Tuloy ang jueteng, tuloy ang ZTE, tuloy ang fertilizer scam, tuloy ang Macapagal Highway, tuloy ang iba iba pang mga anomaly na naglagay sa ating bansa bilang numero uno sa Asia sa corruption at top ten naman sa buong mundo.
Ano kaya ang kasalanan natin at hindi tayo tantanan ng kamalasan at kabuwisitan?
******
Economics ang expertise daw ni Madam Senyora Donya Gloria kaya lesson naman tayo tungkol dito kahit kapiraso.
Una ang salitang recession. Ibig sabihin nito ay pag ang kapitbahay mo ay walang mga trabaho.
Pangalawa ay ang salitang depression. Ito ho ay kung ikaw na mismo ang walang trabaho.
Ikatlo at huli ay recovery o pagunlad. Ito ay kung wala na sa Malakanyang si Madam Senyora Donya Gloria.
******
Dinaan natin sa biro ito at hango ito sa kuwento ng mga tunay na ekonomista, pero totoo ho ang sinabi natin na recovery of pag-unlad ng ating bayan ay kung mawawala na sa Malakanyang si Madam Senyora Donya Gloria.
Simple lamang ho ang kuwenta rito, ayon sa pag-aaral ng ibang bansa ang pinakamaliit ninanakaw sa kaban ng bayan ng Pilipinas ay 20%. Ang national budget ho natin ay P1.4 trillion pesos. Ang 20% ho nito ay P280 billion pesos.
Kung mawawala siya at ipapalit na mamumuno ay malinis at marangal, maaalis ang corruption at matitipid ay P280 billion pesos. Kayo na ho ang magkuwenta, nakakalula.

0 comments:

Post a Comment

Search This Blog

Loading...