Biglang lipad si Madam Senyora Donya Gloria sa United States mula sa kanyang biyahe sa Davos, Switzerland at Bahrain dahil raw sa anyaya ng ilang miyembro ng kongreso ng Amerika.
Nagmamadali, importante raw ang naturang imbitasyon pero ang hindi inamin ay nanduon rin pala ang bagong Pangulo ng Estados Unidos sa katauhan ni Pres. Barack Obama. Kaso, ayaw pansinin, ni kamayan hindi pinagbigyan.
Kaya iyan hirit at kinausap na lamang si Secretary of State Hillary Clinton. Hehehe!!! Si Sec. Clinton ho na asawa ng dating Pangulo ng Estados Unidos na si Bill Clinton ay kapantay lamang ho ng foreign affairs secretary natin.
Pero kung titingnan niyo ang pambobola ng Malakanyang ay para bang Pangulo si Hillary. Paalala lamang ho, si Hillary po ang tinalo ni Pres. Obama bago ito maging kandidato ng Demoratic Party.
Isa ho ang malinaw diyan, kahit anong gawin niyo, sinusuka na kayo hindi lamang rito sa atin kung hindi sa buong mundo. Ultimo sa Davos, Switzerland, halos hindi kayo pinaninsin. Dagdag pa natin ang nakaraang Asia Pacific Economic Conference sa Latin America kung saan ultimo ang Pinuno ng Singapore ay malamig ang pakikitungo sa inyo.
Problema lamang ngayon ng Malakanyang, paano gagawin niyo kung wala na kayo riyan. Susuka kayo ng Pinoy, pagtatabuyan pero masakit ni wala kayong mapupuntahan kahit saan sulok ng mundo. Mukhang magiging babaeng Thaksin Shinawatra si Madam Gloria na walang tumanggap.
******
Sabi nila may sakit daw si Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo kaya mahirap itong humarap sa senado na iniimbistigahan ang kanyang “tongpats” sa karamihan ng proyekto ng Department of Public Works and Highways.
Hirit pa ng palasyo ay baka hindi raw kayanin ng katawan ng “may sakit” na best friend ni Ben Abalos at Virgilo Garcillano ang humarap sa senado.
Tanong lang ho natin, totoo bang namamasyal kayo sa Macau nitong nakaraang Sabado at Linggo at ang kasama niyo ay kamukha o kahawig nung isang taga Mandaluyong. Tanong lamang namin ay alam ba ni Mrs. Toh?
******
Nagsampa ng dimanda ang gobyerno laban sa mga opisyal ng Legacy group, isang corporation na pag-aari ni Celso delos Angeles. Legacy group ang nag-mamayari ng mga rural banks at pre need plan na nagsara at nangangahulugang pagkalugi ng mga ordinaryong mamamayan na nag deposito rito o di kaya’y nagbayad nito.
Dahil sa pagsasara ng mga rural bank ay bilyong piso ang aabonohan ng gobyerno mula sa Philippine Deposit Insurance Corporation samantalang sorry naman sa mga namili ng pre need plan gaya ng education plan na ordinaryong mamamayan.
Malaking bilang ng mga ehekutibo nila ay kinasuhan pero nagtataka lamang ho tayo bakit hindi sinali si delos Angeles.
Isa ba sa dahilan nito ay dati siyang opisyal sa administrasyon ni Madam Senyora Gloria? Nanungkulan siya bilang pinuno ng National Home Mortgage Finance Corporation kung saan ang pinaka boss niya ay si Vice President Noli de Castro.
O baka naman dahil sa lapit niya kay House Speaker Prospero Nograles na nakakatandang kapatid ng kasalukuyang pinuno ng PDIC?
Anuman ang dahilan, kailangan kasama siya sa dimanda. Malinaw na siya ang utak ng buong kumpanya at kailangan panagutan niya ang obvious na racket nila.
Wednesday, February 11, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment