Nanuod tayo ng live telecast ng opening ng Beijing Olympics sa Fontana Leisure Park sa Clark. Maganda ho rito, wala hong sponsor at tuluy tuloy pero Chinese ho ang salita. Hindi ho tayo nakakainitindi ng Mandarin pero okay na rin dahil hindi mo naman kailangang intindihin ang sinasabi dahil mas importante talaga ang palabas.
Kasama natin ang ilang kaibigan at lahat ay iisa ang obserbasyon, matindi ang ginawa ng bansang China sa opening ng Olympics na tinagurian pa ngayon ng international media na “The Greatest Show on Earth,” pero matindi nito ay pinakita nila na isa na silang ganap na super power. Problema nga ho ng Great Britain ano ang gagawin nila sa susunod na Olympics na gaganapin sa London dahil mahirap pantayan ang ginawa ng kasalukuyang host country.
Nagtataka lamang tayo bakit kada bansang nagmamartsa ang atleta nila ay pinakikita rin ang pinuno nila kagaya ni George Bush ng Estados Unidos, Vladimir Putin ng Russia at ultimo Afghanistan head ay pinakita pero ni minsan hindi pinakita si Madam Gloria ang kapirasong kapiraso lang at parang dinaanan lang ang Philippine team. Of course pinakita ang World Champion nating si Manny Pacquiao.
Hindi siguro totoong isang uri ito ng pagpapakita sa atin ng bansang China ng kanilang sama ng loob tungkol sa ZTE-NBN deal at Northrail. Patuloy kasing kumakalat ang balitang inadvance na ng ilang mga corrupt na opisyal natin ang tongpats para sa dalawang proyekto at katumbas ito ng milyong milyong dolyar.
Isang araw matapos ang walastik na opening ceremony ay usap-usapan pa rin ang ginawa ng China na siya namang nagbunsod sa isang anak ko na tanungin ako kung kaya natin (Pilipinas) mag-host ng Olympics.
Ang sagot ko ho sa kanya ay deretso at madiin na hindi, hindi dahil mahina tayo kung hindi mahirap tayong bansa. Malaki ang ginastos ng China sa naturang palaro. Bilyong dolyar ang ginamit nila upang ipatayo ang Bird’s Nest, Water Cube at iba pang mga pagdadausan ng iba’t ibang laro.
Pinaliwanag ko rin na nakita ko ang hirap ng bansang China nuong dekada 80 pero sa determinasyon ng kanilang mga lider at pagsisikap ng kanilang mga mamamayan ay unti unti silang bumangon mula sa pang-aapi ng mga Western countries na pinira-piraso ang kanilang bayan na nasundan naman ng napaka-corrupt, sinungaling at magnanakaw na rehimen sa pamumuno ni Chiang Kai Shek. Sounds familiar hindi ba? Parang sa atin ano?
Matagal ang paghihirap nila pero kinaya nila ito dahil may determinasyon ang mamamayan at malinis at maayos ang gobyerno.
Tayo, magaling ang mga Pilipino, kaso maraming nawawalan ng pag-asa at lumalayas at ayaw ng bumalik. Hindi natin sila masisisi dahil ang liderato natin kung ikukumpara sa China ay hindi nagmamahal sa bayan, hinuhuthutan ang bayan, niloloko ang bayan at higit sa lahat binabalewala ang mamamayan at ninakawan tayo ng dignidad. Hanggang kalian natin titiisin at sisikmurain ang ganitong pinuno?