Wednesday, July 30, 2008

PINAGLALARUAN TAYO

Mukhang maaga ang sabwatan sa pamamagitan ni Lakas President at House Speaker Prospero Nograles at ilang nagpapanggap na oposisyon.
Laking gulat ho natin sa pahayag ni Nograles na lumabas sa Philippine Star kamakailan kung saan sinabi niya na hindi sarado ang kanilang partido na siya ring partido ni Madam Gloria na ikonsidera ang ilang presidentiable ng oposisyon bilang kandidato nila.
Ayon sa kanya handa ang administration party na kumuha ng pang pangulo sa mga partidong kasali sa administration coalition. Ang mga partidong nasa coalition ho lalo na yung nasa mababang kapuluan ay ang Nationalist People’s Coaliton (NPC) kung saan kasali si Senador Loren Legarda at Chiz Escudero; Nacionalista Party (NP) na pinamumunuan ni Senate President Manny Villar at ang Liberal Party (LP) ni Mar Roxas.
“Are (Senators) Chiz (Escudero), Loren (Legarda), Manny (Villar) or Mar (Roxas) opposition? I want to correct the misconception that if you are criticizing the President or her government, you are automatically opposition,” sabi ho ni Nograles.
Sana hindi nakikipaglaro ang apat na ito sa administrasyon pero kailangang sabihin nila ng harapan na hindi sila aanib sa administrasyon kung ayaw nilang paghinalaan silang nakikipagkutsabahan.
Tanging si Senador Panfilo “Ping” Lacson ang tanging oposisyon presidentiable ang hindi binanggit ni Nograles. Kilala ho natin kasi si Sen. Ping at kilala rin nila. Alam nila Nograles na pag sinama nila si Ping ay tatanggihan niya ito.
Ilang araw na lumabas sa iba’t ibang pahayagan ang sinabi ni Nograles pero hindi kumikibo ang apat. Ibig ba sabihin nito ay payag sila basta i-adopt sila? Ganuon ba sila ka desperado maging pangulo na kahit sa kalaban ay makikipagsabwatan sila. Kakalungkot at nakakatakot. Sabagay para sa atin ito ay kinabukasan natin pero sa kanila pulitika lamang.
Sa State of the Nation nga pala ni Madam Gloria nuong Lunes ay hindi sumipot ang pitong senador mula sa oposisyon. Ang pitong ito ay si Senador Ping Lacson, Jinggoy Estrada, Aquilino Pimentel Jr., Benigno “Noynoy” Aquino, Alan Peter Cayetano, Jamby Madrigal at ang nakakulong na si Sen. Sonny Trillanes.
Ang apat na nabanggit ni Nograles ay sumipot sa SONA ni Madam Gloria. Complete attendance ho sila. Sana naman mali ang isip natin at hindi sila nakikipaglaro na. Sabagay mas mabuting nakikita natin ang tunay na kulay nila habang maaga. Mahirap naman pong magoyo uli.
Sa mga nagtatanong naman kung ano ang masasabi natin sa SONA niya. Aaminin ko hong hindi tayo nanuod o nakinig. Minarapat natin na magbasa ng isang magandang libro kung saan makatotohanan ang nabasa natin bukod pa sa may natutunan tayo rito.
Sa iba nating mga kababayan, yung mga nanuod o nakinig, ano ang masasabi niyo tungkol sa ika walong SONA ni Madam Gloria. Sa mga hindi naman nanuod o nakinig, text rin kayo bakit ganuon ang ginawa niyo.

Thursday, July 24, 2008

KALAGAYAN NG BANSA

Ito nais natin talakayin dahil sa Lunes ay muling magsasalita si Madam Gloria tungkol sa State of the Nation, ika walo niya ho ito at gaya ng mga dating SONA niya ay asahan natin na maglalaman ito ng mga pambobola at pangakong napapako o di kaya’y lista sa tubig.
Asahan rin natin sa Sona niyang ito ay sasabihin niyang kailangang magtulungan upang makaraos tayo sa matinding problemang kinakaharap ng bansa dahil sa patuloy ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at kakulangan ng mga pagkain sa buong mundo.
Ang hindi niya sasabihin ay sa kanyang pitong taong paninirahan sa Malakanyang ay naging no. 1 tayong umaangkat ng bigas sa buong mundo mula sa dating nag-eexport. Hindi rin niya aaminin na walang nagawa sa loob ng pitong taon upang maghanap ng ibang alternatibong energy source puwera pa ang pagmamatigas na alisin ang expanded value added tax sa petroleum products.
Siyanga pala, habang sinusulat natin ang munting pitak na ito ay may “magandang” announcement ang Malakanyang at ito ay si dating Senador Ralph Recto na asawa ni Batangas Governor Vilma Santos ang ipapalit sa National Economic Development Authority o NEDA. Matindi nito, si Ginoong Mrs. Vilma Santos ho ang pangunahing akda nitong evat law natin.
Ang dalawa nga palang senador ngayon na pumapapel na laban sa evat pero co-author o katulong nag-akda nito ay si Senate President Manuel Villar at Senator Mar Roxas, dalawang nais maging pangulo. Magpakatotoo kayo!!!
Opo, mga kaibigan, ang gagawing pinuno ngayon ng NEDA ay siyang principal author ng evat law. Masakit sabihin pero i told you so, wala talaga tayong aasahang pagbibigyan ang kahilingan natin na alisin pansamantala ang evat.
Sa Sona niyang ito, kung tama ho ang kuwento sa atin ng ilang mga may konsyensya pang tao sa Malakanyang ay muling hihiling si Madam Gloria na magkaisa upang labanan ang mga suliranin ng bansa. Mga panawagan itong paulit ulit na nilang ginagawa pero mahirap nating paniwalaan dahil iba ang kanilang sinasabi at iba ang kanilang ginagawa.
Sasabihin nilang may malasakit sila sa bansa pero ang pinakabagong halimbawa ay ang nakaraang pananalanta sa atin ng bagyong Frank kung saan nagdurusa ang mga kababayan nating mga Ilonggo pero nagpapasarap sa Estados Unidos si Madam Gloria at ang kanyang buong pamilya kasama ng mga gabinete, Senadora Mirriam Defensor Santiago at mga sipsip na kongresista kasama ang kanilang mga asawa, girlfriend at kabit.
Kung sasabihin naman nilang scheduled na ang biyahe, puwes pinaikli sana nila ito dahil kailangang kailangan sila ng mga panahong yun. Hindi ba si Russian Prime Minister Vladimir Putin pinutol ang biyahe niya ng malamang may kalamidad sa kanila. Kayo magkumpara.
Katunayan, kesa putulin nila ang byahe nila, marami sa kanila ginawa pang extended vacation at lumipad pa sa Las Vegas upang panoorin si Manny Pacquiao.
Total na gastos nila, payat ang P400 milyong piso samantalang naghihirap ang bayan. Walang kaluluwa, walang pakialam. Iyan ang tunay na SONA.

Wednesday, July 23, 2008

MANHID ANG MALAKANYANG

Sadsad ang ratings ni Madam Gloria sa huling survey ng Social Weather Station (SWS) pero gaya ng inaasahan, dami nilang palusot mula sa bale wala raw sa kanya ang ratings dahil hindi naman daw popularity contest and pagiging residente ng Malakanyang hanggang sa taong natutulungan raw nila ang dapat maghusga.
Nahalata niyo siguro, hindi ko sinabing Presidente o Pangulo, paano po, kahit kelan hindi natin matatawag na Pangulo o Presidente ang isang taong inagaw lang ang kapangyarihan. Hindi rin natin kayang tawagin sa ganung pangalan dahil ang pangalawang pagkakataon naman ay dinaan lamang sa Hello Garci.
Anyway, after sinabi nilang hindi raw popularity contest ay hirit naman muli na dahilan daw ito sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at bigas. Lahat raw ng lider ng ibang bansa ay apektado rin. Sagot natin diyan, siguro kung lahat ng lider ay gaya niya na ang tanging policy ng administrasyon ay nakaw, nakaw at nakaw. Sabagay, mali pala tayo, meron pang patay, patay at patay pa. Marami hong lider na mahal na mahal ng mga kababayan nila gaya ng Prime Minister ng Singapore, Hari ng Thailand, Prime Minister ng Japan, Australia, New Zealand at iba pa. Iisa ang katangian nila, maayos nilang pinatatakbo ang bansa at hindi sariling kapakanan ang inaasikaso.
Si Eduardo Ermita naman, ang executive secretary ni Madam Gloria, dapat raw maghusga yung mga natutulungan ng Malakanyang. Hello, baka nakakalimot ho kayong ang pinamimigay niyo at yun ay kung tunay niyong pinamimigay lahat ay hindi ho ninyo pera kung hindi sa sambayanan.
Tungkol naman sa masasama ang loob at galit ang mga mamamayan, meron nga gaya ni US President George Bush na sinusuka rin ng mga Amerikano na ngayon ay nakakatikim na ng hirap dahil sa mga kapalpakan. At least hindi pa nakawan at patayan except yung mga sundalo nilang nasa Iraq.
Tayo isa lang masasabi natin, manhid na sila diyan sa Malakanyang, bale wala na sa kanila kung ano sinasabi ng sambayanan. Pakiramdam nila kanila ang buong bansa at utang na loob natin lahat sa kanila.
Wala tayong magagawa, kimkim at ngitngit pero tandaan natin lahat ng mga kasalanan nila. Hintayin natin ang araw kung kelan sila ang lalapit sa atin muli at talikuran natin sila. Huwag natin sila pansinin, kalimutan natin ang pagiging sibil, sila ang bastos dahil ninakaw nila hindi lang kuwarta natin kung hindi kinabukasan ng mga anak at apo natin. Darating ang araw na iyon at importante huwag tayong makakalimot. Huwag tayong paloloko muli.

Friday, July 18, 2008

MGA IPOKRITONG OBISPO

Galit na galit ang ilang Obispo ng simbahang Katoliko sa ilang pulitikong nagsasabing nais nilang itulak ang family planning o birth control. Nanakot pa ang ilan sa kanila, lalo na yung mga tumatanggap ng contribution sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na siyang nagpapatakbo ng mga legal na sugalan dito sa atin, na hindi raw nila papayagang mag communion ang mga pulitikong papanig dito.
Sa mga Obispong ito, nirerespeto po namin ang paniniwala niyo pero huwag niyo naman sana ipagpilitan sa lahat na ipagbawal ang lahat ng uri ng birth control. Ang tanging nakikita naming masamang paraan ng birth control ay abortion. Ito ho ay masama at sinumang involve dito ay kailangang parusahan.
Maging praktikal naman sana kayo dahil sadyang lumalaki ang populasyon ng ating bansa. Malayong malayo naman ang paggamit ng condom, iud, vasectomy, spermaticide, pills at iba pang tulad nito kumpara sa abortion na gawain ng tunay na masamang tao.
Bigyan niyo sana ang ating mga kababayan na pumili ng kani-kanilang paraan ng family planning. Hindi ho praktikal talaga sa ngayon ang magkaruon ng maraming anak. At alam naman natin na hindi naman pakakainin ng simbahan ang mga mahihirap nating kababayan. Katunayan, sa laki ng lupain ng simabahan Katoliko, bakit hindi niyo idonate ang karamihan dito sa mga mahihirap nating kababayan.
Sa mga obispong ito na sumosobra ang pressure sa ilang mambabatas natin na pabor sa family planning pwera ang abortion, bakit hindi niyo ipakita ang tapang ninyo laban sa mga corrupt na opisyal na gobyerno o di kaya’y mga taong kakutsaba nila.
Kung nais niyong umpisahan ang hindi pagbibigay ng communion sa mga makasalanan, umpisahan niyo mga jueteng lords at iba pang mga gambling lords na alam naman nating malaki ang contribution sa inyo.
Kung hindi niyo naman kayang gawin iyan, tigilan niyo ang pag pressure sa mga tamang gawain at manahimik na lamang bago kayo lubos na hindi pansinin.
Marami ho sa kababayan natin ang nananatiling Kristiyano at naniniwala sa DIYOS AMA at sa KANYANG ANAK na si JESUS CHRIST, an gating SAVIOR pero hindi na naniniwala sa mga lider ng simabahan na patuloy na nananahimik laban sa katiwalian ng gobyerno dahil sa mga contribution na nagmumula sa PAGCOR at iba pang mga galamay ng Malakanyang. Masakit ho sa amin na makita ang panahong iyon na walang papansin sa inyo at walang rerespeto dahil makikita ang pagiging ipokrito ninyo.

Wednesday, July 16, 2008

SA MGA OPISYAL NG LRT AT MRT

Sa mga opisyal ng Lrt at Mrt na laging puno ngayon dahil sa sobrang pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo may ilang suggestion ho tayo na sana naman ay agad ninyong mapatupad.
Una, sana magdagdag kayo ng mga signages ng direksyon para sa mga pasahero niyo na lumilipat mula sa lrt papuntang mrt o vice versa. Halos wala at nakakalito. Pinakamagulo diyan sa may EDSA station ng LRT at MRT na may mga direksyon pang nakasulat lamang sa carton. Huwag niyong asahan na lahat ng sumasakay ay dati ng sumasakay, marami sa kanila first timer kaya bigyan niyo naman ng konting ginhawa.
Pangalawa, dagdagan niyo naman ng mga booth na siyang nagiisyu ng mga tickets habang wala pa ang mga makina niyong nagdidispense ng mga tickets. Sumosobra na ang haba ng pila at nakakaawa naman ang mga kababayan natin.
Pangatlo, lagyan sana sa loob ng lrt one coaches ng electronic signs para naman malaman ng mga pasahero kung nasaan na sila. Kahit na announcement kasi wala. Maraming pasahero tuloy ang kung kelan papasara na ang pinto tyaka nagmamadaling lumabas dahil hindi nga alam.
Pangapat, mas maayos at malinis na daanan, pagandahin naman natin dahil may mga lugar na marumi pa at magulo ang dinaraanan ng pasahero.
Panlima, apurahin niyo naman ang pagdagdag ng mga coaches upang lumuwagluwag naman ang sakay ng mga kababayan natin. Para na silang mga sardinas. Tiyak namang madaragdagan pa ang sasakay dito dahil sa patuloy na pagtaas ng gasolina sa mga susunod na araw.
Sa mga sumasakay naman dito, please lang magingat sa mga mandurukot na tiyak sinasamantala ang siksikan upang manlamang ng kapuwa. Sa mga mandurukot naman, sana lang hindi kayo mahuli dahil malamang bugbog sarado kayo kung nagkataon dahil maiinit na ang ulo ng mga kababayan natin ay sinasamantala niyo pa. Marami sa kanila hindi makaganti sa mga magnanakaw sa gobyerno na maraming bodyguard at mga naka kotseng malakas lumamon ng gasolina at may mga pulis pang puro wangwang pero sa mga snatcher na matyempuhan aba tapos kayo.
Mga sumasakay, kayo na ho ang magdagdag pa at tutulungan namin maipaabot sa pamunuan ng mrt at lrt. Katunayan, personal nating kaibigan si Mel Robles, hepe ng LRT at mga iba pang opisyal diyan na sina Cesar Chavez, Jeremy Regino at si Hernan Cabrera na may utang pa sa atin. Kumusta na rin kay Jinky at Tita Ning.

Saturday, July 12, 2008

MAMAMAYAN ANG DAPAT MAGTIIS

Sa darating na mga araw ay asahan natin na darami pa ang problema na haharapin ng bawa’t isa sa atin. Asahan natin na tataas pang muli ang pasahe dahil linggo linggo naman ay tumataas ang presyo ng produktong petrolyo. Nakakatakot nga nito ay baka umabot sa P100 kada litro ng gasolina.
Syempre pag gasolina ang tumaas lahat ay susunod gaya ng pamasahe na katataas lamang ay asahan nating muling sisipa sa susunod na mga araw. Huwag rin ho tayong mangarap ng gising na hindi itataas ang presyo ng LRT at MRT sa nalalapit na panahon.
Ang presyo naman ng pangunahing bilihin ay patuloy rin na umaangat at huwag na ho kayo magugulat kung ang NFP rice na pinagmamalaki ng administrasyon na binebenta nila sa halagang P18 hanggang P25 ay mawawalang parang mga pangako nila at mapalitan ng mga mas pangit na bigas na ay mataas pa. Hintayin ho ninyo pagkatapos ng State of the Nation Address ni Madam Gloria.
Ang presyo ng isda, gulay, karne at iba pang pagkain ay tiyak na tiyak tataas pa gaya ng sardinas at instant noodles na national food na natin ngayon.
Lahat ng bagay ay tiyak na tataas kasama na ng blood pressure nating lahat dahil hindi na nga natin mapagkasya ang suweldo sa kasalukuyang presyo ng bilihin ay ayaw pa ibaba ng kasalukuyang rehimen ang expanded value added tax at kailangan daw ito sa pagtulong sa mga mahihirap.
Ano kaya ang ibig nilang sabihin ng mahihirap? Siguro mga nangungurakot sa gobyerno na kawawa naman dahil liliit ang mananakaw kung aalisin ang expanded value added tax. O baka naman kawawa itong mga super sipag na opisyal ng gobyerno na kahit na sinasalanta ng bagyo ang kabisayaan ay mas nais tumuloy sa Estados Unidos at gumastos ng milyong dolyar sa mga hotel at class na restaurant duon.
O baka naman ang maaagap na opisyal na upang makarating sa mga meeting sa mga five star hotel ay kailangang magbiyahe sa mamahaling kotseng lumalagok ng gasolina at may escort pang ginawang mga busina ay wang wang at mga motorcycle cops na lahat ay pinaaalis sa kalyeng nakikigamit lang tayo.
Sabagay nga naman kawawa sila lalo na at sila naman ang nagkakandarapa sa kasisipsip sa Malakanyang. Hindi nga sila dapat makaramdam ng hirap o matutong magtipid dahil loyal naman sila at kahit kelan ay hindi nila pinabayaan ang “inaaping” nakatira sa Malakanyang na wala ng ginawang tama ayon sa mga miyembro ng oposisyon gaya ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson at ng mga bumabatiko na mamamahayag, civil society, ilang miyembro ng kaParian at mga mulat na kababayan natin.
At dahil diyan, tayo mga kaibigan ang dapat magtiis at hindi sila dahil kawawa naman sila. Tayo na lang ang maghirap at never sila.
******
Text lamang sa 09273893248 o e mail sa nixonkua@ymail.com para sa anumang reaksyon.

Wednesday, July 9, 2008

HINDI SANA NAGPABAYA


Laging sinasabi ng Malakanyang sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis ay crisis ito ng buong mundo pero hindi nila inaamin na mas matindi ang tama sa atin ng kasalukuyang kagahaman ng mga oil producing countries dahil nagpabaya ang gobyerno natin sa paghahanap ng alternatibong kapalit sa langis.
Totoong apektado ang ibang bansa pero bakit ang mga mauunlad na bansa gaya ng ilang kapitbahay nating bansa kasama na ang China, Japan, Taipei, Singapore at marami pang iba ay hindi kasing tindi ang tama sa kanila.
Simple lang ho ang dahilan, sa kanilang bansa, patuloy ang pagsasaliksik na ginawa nila upang makakita ng panibagong paraan ng pagproduce ng enerhiya. Kasama na ang pagdevelop ng mga hydroelectric plants, windmills, nuclear plant at iba pang uri ng energy maliban sa langis o petroleo.
Tayo, meron sanang mga hydro electric plant at geothermal plant pero napako na lang duon. Walang dagdag at kung meron man kakarampot. Hindi inasikaso ng mga magagaling nating mga opisyal ang aspetong ito bagama’t nagkaroon tayo ng matinding improvement at number one na nga tayo sa corruption, dayaan sa election at pagpatay sa mga kumakalaban sa administrasyon.
Isa sa matinding halimbawa rito ay ang bansang China na inayos ang kanilang three gorges dam na siya ngayong nagbibigay ng malaking energy needs nila. Tayo, hanggang ngayon, ni hindi natin maituluy tuloy ang Laiban dam na panahon pa ng yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos pinaplano.
Paano, hindi raw magkasundo ang mga experts natin. Hindi ito mga expert engineer sa hydropower mga kaibigan kung hindi mga expert sa tongpats. Sa madaling salita, mga experts na commissioners.
Isa pa ay ang mga aksayado nating mga lupain na hindi naman pwedeng taniman ng mga kinakain natin. Ang mga lugar na ito ay maaaring taniman ng mga halamang maaaring magproduce ng energy. Kasama rito ang malunggay na maaari ng kainin ay pwede pang maging source ng bio fuel. Ganun din ang muringa at ang para sa bio fuel lamang na jetropa na itanim mo diyan sa walang silbing lugar sa tabi ng bundok sa Rizal ay mabubuhay.
Ang wind energy rin ay hindi natin pinakikinabangan. Nuon pa nila pinagmamalaki na ideal ang ilang isla sa atin pero hanggang sa araw na ito, hindi lalampas sa daliri sa isang kamay ang bilang ng lugar na may wind energy sa atin.
Sana inasikaso nila ito kahit ba kumita sila ng konti sa pakikipagsabwatan sa ilang mga corrupt ring mga gumagawa nito. Kaso, ayaw nila ng maliitan, gusto nila malakihan gaya ng tongpats ng ZTE, fertilizer scam at iba pang milagro. Sobra kasing kasakiman ang nangyari at ngayon tayo ang nagbabayad samantalang sila tuloy sa pagpapasasa sa kinurakot nila.
Text lamang sa 09273893248 o e mail sa nixonkua@ymail.com para sa anumang reaksyon.

Si Madam GMA, Obama at McCain


Kuwento ho sa atin ito ng isang Pinoy na itatago na lang natin sa pangalang Ric. Isa ho siyang retiradong abogado pero malalim pa rin ang koneksiyon lalo na sa kanyang mga kliyente na kabilang rito ay mga mayayamang mga Fil-Am.
Maraming impormasyon naibibigay sa atin si atty. Ric kahit nuong nagsusulat pa tayo sa ANG PILIPINO STAR NGAYON at PHILIPPINE STAR, parehong sister publication ng PM. Pero sa pagkakataong ito, talagang naintriga tayo dahil bungad niya sa atin: “pare, alam mo bang nag-offer ng tulong si GMA kay Obama at McCain?”
Hindi natin alam ito bagama’t para sa atin ang ginawa ni Madam Gloria na pakikipagusap kay John McCain, ang kandidato sa pagkapangulo ng Republican, at telephone conversation kay Barack Obama, ang kandidato naman ng mga democrat, ay hindi dapat dahil kandidato pa lamang sila samantalang siya ay pinuno na ng bansa.
Inisip lamang natin na as usual tinitiyak lamang ni Madam Gloria na good siya kahit na sino sa kanilang dalawa ang magiging pangulo ng Estados Unidos.
Ang isa pang hula natin ay namamangka sa dalawang ilog si Madam Gloria sa pamamagitan ng financial support. Madali siguro ito bagama’t bawal ito sa Estados Unidos. Sa ganung kaso nadale si dating Congressman Mark Jimenez.
Nakuha ni Atty. Ric ang attention natin, iniwan natin ang mga at hawak ang cell phone ay pumunta tayo sa mas tahimik na lugar upang pakinggan ang impormasyong ito.
Pero nagbago ho ang isip ni Atty. Ric, kinakabahan raw siya na ibigay ang impormasyon sa cell phone at baka raw siya matiktikan ng mga operatiba ng Malakanyang. Pinaalala niya sa atin si dating Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) agent Vidal Doble na umamin kay Senador Panfilo “Ping” Lacson sa kanilang wiretapping operation.
Nagkasundo kaming magkikita sa isang tagong coffee shop sa The Fort diyan sa Taguig. Inis na inis pa nga tayo dahil galing tayo ng Maynila at as usual ubod ng traffic.
Halos sabay kaming dumating at pagkabayad ng kape, ako ho ang nagbayad, ay upo kami sa isang sulok kung saan hindi naman siya nagpaligoy ligoy na binulong ang offer ni Madam Gloria kay Obama at McCain. Ito ho ay bubulong ko rin naman sa inyo.
“Inalok ang services ni dating Comelec Chairman Ben Abalos at dating Commissioner Virgilio “Garci” Garcillano,” bulong ni Atty. Ric.
Hagalpak tayo ng tawa na sinabayan rin ng matunog na halakhak ni Atty. Ric.
******
Text lamang sa 09273893248 o e mail sa nixonkua@ymail.com para sa anumang reaksyon.

MAGANDANG PAMARISAN


May isang tennis player ang bansang China na tinalo ang pangunahin babaeng player sa mundo na si Ana Ivanovic sa Wimbledon kamakailan. Ang pagkapanalo ni Zheng Jie na pinanganak nuong 1983 sa Sichuan province, China ay tinawag ng mga manlalaro ng tennis na isang “upset.”
Walang nagisip na magkakaruon ng pag-asa si Zheng na pinatalsik pa si Ivanovic. Sa madaling salita, tsamba ang nangyari dito. Pero mga kaibigan, hindi ito ang tumawag sa pansin natin kung hindi ang ginawa ni Zheng matapos ang kanyang laban na nagdala sa kanya fourth round ng naturang torneo sa London, United Kingdom at nagbibigay sa kanya ng siguradong panalo na US$ 100,000. Kung papasok pa siya sa susunod na round kung saan makakatunggali niya rin ang mga beteranong mga tennis players sa buong mundo ay lalake pa ang kita niya. Malaking halaga ito kahit saang bansa, dito nga sa atin magkakahalaga iyan ng mahigit apat na milyong piso.
At yan ang tumawag ng pansin natin dahil kesa itabi niya lang ang pera at gamitin para sa sarili o di kaya’y sa pamilya ay agad niyang deklarasyon pagkatapos ng kanyang laban na ito ay ibibigay niya sa mga biktima ng lindol na tumama sa Sichuan, China.
Bukod pa ito sa binigay niya na mula sa halagang napanalunan niya sa French Open kung saan umabot lamang siya sa ikatlong round.
Naniniwala tayo na rito sa Pilipinas marami rin tayong mga kababayan na may ginintuang puso at tutulong sa mga biktima ng bagyong Frank na rumagasa sa Iloilo o di kaya’y mga kamag-anak ng mga nasawi ng barkong MV Princess of the Stars.
Nakausap natin si Iloilo Vice Governor Rolex Suplico at ayon sa kanya parang dinaanan ng giyera ang probinsiya niya. Matindi ang pangangailangan nila duon at sana lahat tayo ay tumulong lalo na ang mga nakakaangat sa buhay.
Of course, nangako si Manny Pacquiao, ang pinagmamalaki nating lahat, na tutulong pagkatapos niyang gulpihin si dating World Boxing Council Lightweight champion David Diaz sa Las Vegas. Mabuhay ka Manny at nakakataba talaga ng puso ang pagkapanalo mo, patunay ito sa galing ng Pinoy.
Kung si Zheng binigay ang kanyang panalo ng buong buo, tiyak natin si Manny Pacquiao malaki laki ang itutulong dahil talagang kailangan ng mga taga Iloilo at alam nating sa gitna ng patuloy na tagumpay niya ay may ginintuang puso ang kampeon natin.
Sa iba nating mga kababayan, dinggin natin ang mga panawagan ng mga kababayan nating Ilonggo. Tumulong tayo.

Search This Blog

Loading...